(Tula)
(naglagablab ang utak ko
nag-alipato ang mga himaymay
sa pagragasa ng kumukulong dugo
mula sa naghihimagsik na puso…)
isa kang bagong bumubukadkad na rosas
wala sa panahong pinigtal
sa tangkay ng buhay
sa daluhong ng daluyong ng dalita
ng di makatarungang lipunan
gayong mabubulas naman
mahalimuyak mga orkidyas
na patuloy na dinidilig
ng dugo’t luha ng mga sawimpalad
sa hardin ng palasyo’t mansiyon
ng mga diyus-diyosang mandurugas.
o isa ka lamang naligaw na bulaklak
sa inakala mong halamanan
ng mumunting pangarap?
di inisip na kuta
ng mga hari-harian sa lipunan
iyong patutunguhan
walang puwang doon
bulsang walang laman
at kumakalam na tiyan
at damit na sinulsihan
di nila mauunawaan tagulaylay
ng lugaming puso’t nalilitong isipan
sapagkat rosas kang bubukadkad lamang
kapag naitaboy na itim na ulap
sa nananangis na kalawakan
rosas kang bubukadkad lamang
kapag naglagablab na ang silangan
kapag nag-alipato mga talahib sa kaparangan
kapag namula na mga lansangan sa kalunsuran
at nadurog na’t napulbos nang lubusan
mga moog ng inhustisya’t kasakiman
ng uring mapagsamantala sa lipunan…
asahan mong di magmamaliw pagmamahal
ng mga kapatid mong magigiting
sa laya’t ligaya ng masang sambayanan
at madamdamin silang patuloy na magsasayaw
sa musika ng lagablab ng apoy
upang mabulas na mapamukadkad
mga rosas na kagaya mo.
ngunit, sa kasalukuyan
oo, kristel…
ikaw ay ulilang rosas
sa ulila ring libingan
sa piling ng cadena de amor
ng amarillo’t damong ligaw!
(***Isang estudyante si Kristel Tejada sa Unibersidad ng Pilipinas na nagpakamatay kamakailan sapagkat labis niyang dinamdam na di siya makapag-aaral sa darating na semestre dahil di makabayad ng matrikula sa takdang panahon.)