(Tula)
sa gubat ng sagradong mga pangarap
matagal na kitang hinahanap
sa pagitan ng dilim at liwanag.
hinahanap kita kung dapithapong
naghihilamos ng dugo
mukha ng naghihingalong araw
hinahanap kita kung madaling-araw
buwan ay namumutla-nakatulala
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
naglumot na ang mga dekada
sa pader ng alaala
sa daluyong ng habagat ng inhustisya
ilang mulawin na ang nangabuwal
sa gabi ng mga paglalamay
ng mga aninong walang mukha ni pangalan.
nanunumbat pa rin sa kalawakan
panaghoy ng inaaliping lahi
sa bawat pagpatak
ng mga talulot ng luha ng dalamhati.
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
nasa humihiyaw bang lansangan ng mendiola
sa kadensa ng laksang sapatos ng protesta
laban sa mga diyus-diyosang mapagsamantala?
o nasa kagubatan ng pagsinta
habang nagbabanyuhay ang mga damo
mga talahib ay nag-aalipato?
nasa melodiya ba ng mga punglo at bomba
laya’t ligaya ng ating la tierra pobreza?
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
habulin-apuhapin maging sa balumbon
ng abuhing ulap
huwag bayaang tangayin ng habagat
himagsik ng mga sawimpalad
dadaloy rin sa dibdib at ugat ng masa
dugo ng natipong ngitngit ng mga dekada
mamumukadkad din sa hardin ng adhika
pulang mga rosas ng ating alpha at omega
sa walang humpay na pakikibaka
oo, para sa pinakasisintang la tierra pobreza!
Alpha lamang po, marahil, na maaaring nasa bawa’t likha ng mga manunulat na Pilipinong patuloy na nagpaparating sa mga mambabasa ng kalagayan ng la tierra pobreza; sa mga desparecidos, sa mga “unsung heroes”, sa mga walang takot na nagsisiwalat ng tunay na kalagayan ng mga Pilipino. KUng sa Omega naman po ay ang kaukulang positibong reaksyon ng sambayanang Pilipino upang matugunan ang mga suliraning matagal ng nagpapahirap sa ating bansa. Wala po kayong kupas, Sir Rogelio Ordoñez. Ang inyo pong tula ay i “appreciate” maging ng mga susunod pang mga henerasyon. Sa aba ko pong palagay, (hindi na din nga ako mapalagay), ang salitang alpha at omega ay may kaukulang panahon na “involved” o tinutukoy. Naramdaman at nakita na po natin ang Alpha, ang simula at ang “struggle” sa pangkasalukuyan ; ang omega o ang katapusan po ay tumutulay sa pag asang makakamit ang tagumpay….If the perfect score is 10 for an ideal poem, as far as I am concerned, this is 9.99 po…Thank you po…