Feeds:
Posts
Comments

Archive for June, 2013

Tuwing Umuulan


(Tula)

tuwing umuulan
naaalaala ko
luha ng mga sawimpalad
luha ng mga supling ng dalita
luha ng mga inalipin ng inhustisya
luha ng mga ibinilanggo ng pagsasamantala
tumutulo ang mga luhang iyon
sa mabahong estero
inaanod ng baha ng kawalang-pag-asa
kasama ng nagibang mga dampa
luha iyon ng dalamhati ng lahi
sumisiksik sa mga kanal at imburnal
hanggang lamunin ng alon
sa baybay-dagat ng pangamba.

tuwing umuulan
naglalakbay sa telon ng mga mata
tagaktak ng pawis
ng sakada’t magsasaka
sa lupaing libingan
ng mailap na pangarap
at pabrikang taliba
ng ganid na pita
maalat na talulot iyon ng dalita
didilaan-hihimurin ng lupa
lulunukin-lalaklakin ng makina
hanggang maging masaganang grasya
ng di pinawisang asendero’t kapitalista.

tuwing umuulan
dumadaloy sa kamalayan
itinigis na dugo
ng mga mandirigma ng laya’t ligaya
sa kaparangang sakbibi ng dilim
sa kalunsurang saklot ng panimdim
umaagos ang mga dugong iyon
kasama ng mga patak ng ulan
sa tigang na dibdib ng pag-asa
sa tiyang hungkag sa pagsinta
upang mapanariwa nanilaw na mga damo
sa binaog na la tierra pobreza
ng mga panginoon ng dusa’t inhustisya.

oo, tuwing umuulan
masidhi yaring pagnanasang
humaginit na mga palaso
at umangil na mga punglo
masinsing mga patak ng ulan
at maglagos nawa sa lalamunan, sa wakas…
ng tampalasang mga diyus-diyosan!

Advertisement

Read Full Post »


(Tula)

kahit malimit
tayong nagugutom
at kinakayod
tumigas na tutong
sa puwit ng kalderong
ginahasa ng panahon
tuloy pa rin
madamdamin nating paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
habang nagsasayaw
sa telon ng balintataw
nagliliyab na mga gunitang
hitik sa mithiing dakila
sinusuhayan ng mga ugat niyon
pinatatatag ng puno niyong
sintigas ng kamagong
mga tuhod nating nais nang sumuko
sa pagtahak sa madawag na landas
sa pagsalunga sa mga burol at talampas.

oo, patuloy tayong maglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
kahit nagbabanta
itim na balumbon ng mga ulap
kahit pumupusyaw
mapulang mukha ng araw
mga paa nati’y mananalunton
di sa tuwid na daan ng mga sukab
ng iilang diyus-diyosang mandurugas
kundi lagi tayong kakaliwa
sa sangandaan ng paniniwala
tungo sa hardin
ng mahalimuyak na mga adhika
mabulas na mamumulaklak din
laya’t ligaya
ng pinakasisinta
nating la tierra pobreza
magbabanyuhay rin ang lahat
tungo sa katubusan
ng dayukdok, binubusabos na masa.

oo, mga kapatid ko’t kasamang
nakakilala
sa mga talulot ng luha
ng dalamhati ng lahi
nakarinig
sa tagulaylay ng mga sawimpalad
nakadama
sa hapdi ng bitukang napilipit
nakakita
sa pawisang mukha’t katawan
ng namayat na magsasaka’t manggagawa
sa mga asyenda’t pabrikang
sila’y ibinartolina
oo, sa maalab nating paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
hahantong din ang ating mga paa
sa katuparan ng mga pag-asa
magdiriwang din tayo sa mesa ng laya’t ligaya
susunugin mga bangkay
ng uring mapagsamantala!

Read Full Post »