(Tula)
isara na natin ang itim na telon
wakasan na pagtatanghal
ng sarsuwela ng kahangalan
ng ilusyon at panlilinlang
nahubaran na ng maskara
mga pumapapel na santo-santito
sa bulok, inuuod na lipunan
wala bang isang demonyo man lamang
aaminin ang kasalanang
siya ang nandambong
sa paminggalan ng bayan?
isara na natin ang itim na telon
wakasan na pagtatanghal
ng mga kabalbalan
matagal nang tuyung-tuyo’t
titiguk-tigok ang lalamunan
ng madlang kulang sa kanin at ulam
kulang sa damit, kulang sa pera
walang bahay, walang lupa
walang-wala, ayon sa isang makata
sa palasyo naman ng mga pinagpala
nagpapakabundat mga impakto ng lipunan.
isara na natin ang itim na telon
ano na namang kahangalan
nais pang itanghal
sa entablado ng kasinungalingan?
nagigising na rin ang madla
sa daluyong ng dusa’t dalita
nanlilisik na rin pati ang buwan
habang binabangungot ang bayan
dula na ng katarungan
nais nilang matitigan
pagmulat ng kinabukasan
mga ulong ibinibitin sa sampayan
mga katawang nilalaplap ang laman
sirit ng dugong idinidilig sa halaman.
isara na natin ang itim na telon
dugo ng mga lapastangan
paagusin sa tanghalan
idilig sa nabansot na pangarap
idilig sa mga punla
ng pula, pulang mga rosas
hanggang tuluyang mamukadkad
at magsabog ng halimuyak
sa lupaing binaog ng mga mandurugas
silang iilang diyus-diyosang
pinaglalaruan lamang
sagradong buhay ng dinustang mamamayan.
isara na natin ang itim na telon
“di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”
nagigising na madlang manonood
sa sarsuwela ng inhustisya’t kawalanghiyaan
nag-aalab na kanilang mga utak
nais tabasin ng mga tabak
madawag na landas ng pangarap
upang magbanyuhay busabos na buhay
at malanghap sa wakas
halimuyak ng luwalhati’t ligaya
sa pinakasisintang la tierra pobreza!