(Tula)
umiindak ang mga anino
sa telon ng kamalayan
mga kasamang namaalam
ngunit nag-iwan
ng iniukit na mga bakas ng alaala
sa mga burol at talampas ng pagsinta
nanlilisik na mga mata
mga kamao ng protesta
mga umaalong dibdib ng natipong ngitngit
at nag-aalab na paghihimagsik
mga paang marahas na sumisikad
sa palanas at madawag na gubat
mga hintuturong nanunumbat
sa manhid na budhi’t kaisipan
ng iilang hari-harian
sa bulok, inuuod na lipunan.
nagsasayaw ang mga anino
maging sa kumot ng balintataw
di pandanggo’t rigodon
ng mga makapangyarihan
o sayaw ng pagdiriwang
ng uring gahaman sa yaman ng bayan.
manapa’y umiindak sila
sa ritmo ng pakikibaka
tulad ng buza ng rusya
o it-tahtib ng ehipto
o combat hopak ng ukraine
o yarkhushta ng armenia.
nagsasayaw ang mga anino
at di ako mahihimbing
hanggang di nasisilayan
lagablab ng libong sulo
sa karimlan ng aking bayan!
————————————————————
(buza, it-tahtib, combat hopak at yarkhustha —
mga sayaw ng pakikidigma)
————————————————————-