Feeds:
Posts
Comments

Archive for August, 2015

Kanino Ko Ibubulong?


(Tula)

kanino ko ibubulong
alimura ng utak na kumukulo
at himagsik ng pusong nagdurugo?

kanino ko ibubulong
himutok at pagdaramdam
ng mga katawang inilugmok ng karimlan
sa mga bangketa ng kalunsuran?

kanino ko ibubulong
hinagpis ng bitukang nabalumbon
tagulaylay ng mga matang luhaan
lagi’t laging nakatitig sa kawalan
ng papawiring walang hanggan?

kanino ko ibubulong
lagutok ng mga buto
ng pawisang katawan ng obrerong
inalipin ng kasakiman?

kanino ko ibubulong
daing ng butuhang mga bisig
ng sakadang nakaluhod sa tubuhan
at magsasakang naninimdim sa palayan?

kanino ko ibubulong
hinagpis ng munting mga daliring
nagkakalkal ng basurahan
para magkalaman ang tiyan?

maririnig kaya ito
ng diyos ni abraham
o ng uring mayamang walang pakiramdam?
maulinigan kaya ito ng binging lipunang
namanhid na yata ang budhi’t isipan?

kanino ko nga ba ibubulong
dalamhati ng lahing sumisiksik sa kamalayan
at mga eksena’y nagmamartsa sa kaisipan?

ibulong ko na lamang kaya
sa naglilingkisang cadena de amor
sa limot na’t ulilang libingan
sa ragasa ng marahas na habagat
sa madawag na kaparangan
sa lagaslas ng mga ilog
sa dibdib ng kabundukan
sa mahamog na mga bulaklak
sa pusod ng kagubatan
sa dagundong ng alon
sa naninimdim na pasigan
sa tungayaw ng kulog
at sagitsit ng kidlat
sa makulimlim na kalawakan?

kanino ko ibubulong ang lahat-lahat?
sa singasing ba ng mga punglo
upang malinaw na marinig, maunawaan
ng uring gahaman at tampalasan
litanya ng dusa’t bagabag
ng nakabartolinang mga sawimpalad?

kanino ko nga ba ibubulong
dalamhati ng uring ginagahasa ng lungkot
dahil sa mga diyus-diyosang budhi ay baluktot
walang pakialam sa kinabukasan
ng bansang hinuthot angking kayamanan?
tiyak mga bulong ko’y mauunawaan
ng mga kadugo at kauri lamang
kataling-pusod at kaisang-diwa
sa kalbaryo ng dusa’t dalita
walang hinahangad kundi makalaya
sa tanikala ng pagkatimawa
laging bumabangon sa pagkagupiling
upang milyong sulo ay paglagablabin!

oo, mga kauring sakbibi
ng dusa’t dalita…
“ang daing ng maralita
ay maririnig lamang
ng kapwa maralita.”

Advertisement

Read Full Post »


(Tula)

huwag mo siyang ituring na baliw
hitik ang kanyang utak
ng pulang mga bulaklak ng pagliyag
umiindak sa kanyang puso
malagablab na mga dila ng apoy
tutupok sa lipunang nabubulok
naglalagos  kanyang mga titig
sa nilulumot na pader
ng inhustisya’t pagsasamantala
sa moog ng mga panginoon ng dusa.

huwag mo siyang ituring na baliw
buong linaw niyang naririnig
tagulaylay ng mga nagdurusa
sa kagubatan man o kalunsuran
ng mapang-aliping umiiral na sistema
kumikiwal sa mga ugat ng kanyang bisig
sumisilakbong dugo ng banal na adhika
habang nangalalaglag sa naninilaw na damuhan
at bukiring makulimlim at naninimdim
mga luha ng dalamhati ng lahing dinusta.

huwag mo siyang ituring na baliw
nag-aapoy sa kanyang dila
mga balaraw ng protesta
mga palaso ng pakikibaka
umaalon ang paghihimagsik
sa himaymay ng kanyang laman
laban sa uring naghahari-harian
at nagbebenta ng kinabukasan
ng masang sambayanang
titiguk-tigok ang lalamunan.

oo, huwag mo siyang ituring na baliw
manapa’y buong pagsuyo mo siyang yakapin
kapag nagtalik ang inyong landas
at mararamdaman mong iisa ang pintig
at ibinubulong ng inyong puso
magkasanib ang inyong dugo
magkatali ang inyong pusod
nag-uusap ang inyong hininga
mga mata’y umaapaw sa pagsinta
sa mahalimuyak na laya’t ligaya
ng nakabartolinang la tierra pobreza.

oo, huwag mo siyang ituring na baliw
manapa’y magkaagapay ninyong tahakin
nagniningning na landas ng mga bituin
at madamdamin ninyong awitin
sa saliw ng koro ng bomba at punglo
“himno ng apoy sa gubat ng dilim”
upang mga nota’y mataginting
na ilulan ng amihang naninimdim
upang gisingin mga nahihimbing
at paliguan ng halik ng araw
bawat dampa ng mga kauring
matagal nang alipin
ng nagririgodong mga panginoon!

Read Full Post »

Unan


(Tula)

(masidhing pinapangarap ng isang batang babaing matagal nang nakatira’t natutulog sa bangketa)

totoong unan lamang
laging naglulunoy sa iyong pangarap
sa halos limang taon nang paglalakbay
sa lumuluhang gabi ng dilim at sagimsim
sa bangketa man ng recto o abenida
sa gubat ng lungsod ng dalita’t dusa.

totoong unan lamang
kahit gawa lamang sa lumang basahan
at di sa malambot na bulak ng mayaman
kapiling mong matutulog sa bangketa
bulag na ina at amang lupaypay sa pagpadyak
sa traysikel ng buhay at pag-asa.

oo, isang totoong unan lamang
huwag nang isang parisukat na kuwarto
sa barungbarong man sa gilid ng estero
huwag nang isang tablang bangkinito…
sapat na kapirasong karton at malamig na semento
habang pinaglalaro sa utak
mga lapis at libro
mga papel at kuwaderno
mga letra at numero
hubad na pisara’t daliri ng yeso
mga pandesal at biskotso
at mga ngiti ng kawalang-malay
sa ilang oras na paglalakbay
sa munti’t nakabilanggong mundo.

oo, isang totoong unan lamang
kahit punda’y katsa o kamiseta
isang totoong unan lamang
hindi kapirasong bato
o nilamukot na mga diyaryo
upang mapayapang mahimbing
naglalagalag na isipan
at sandaling matakasan rumaragasang hilahil
sa bawat gabi ng pananagimpan
para sa pagsilay ng umagang makulimlim
at lagi’t laging naninimdim
di matamlay na apuhapin
sa bituka ng nagtatanod na kariton
alinman sa dadalawang unipormeng
halinhinang humahalik sa katawan
sa pagpasok sa pampublikong paaralan
at sa paglalakbay ng isipan
daluhungin man lamang kahit saglit
ng anag-ag ng pag-asa
puso’t diwang nangungulila
sa mailap na mga petalya ng rosas
ng lantay na pagsinta.

oo, isang totoong unan lamang
tangi mong pangarap
sa bawat paghimlay
sa malupit at marahas
madilim na gabi ng buhay!

Read Full Post »