(Tula)
nilalagnat na init ng katanghalian
hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…
rumaragasa ang hangin sa pamamaalam
nang ikaw ay tumimbuwang
sa masukal na kakahuyan.
walang kumikindat ni isang alitaptap
noong gabing nagdarasal
malamlam na mukha ng buwang
nakatitig sa daluhong ng karimlan.
lumuha ang mga damo
nanangis ang mga ibon
sa saliw ng mga putok ng kalaban
at bumulwak sa iyong dibdib
dugo ng lahing kayumangging
hitik sa matimyas na pagmamahal
sa uring alipin at dayukdok
at bansang laging nakalugmok
sa dusa’t alipin ng himutok.
maglulunoy ako sa iyong mga alaala
isisilid sa pulang sutlang supot
nagliliyab kong mga pangarap
buong ingat itatago sa baul ng adhika
lagi iyong tatanuran ng iyong gunita
habang umaali-aligid ulap ng pangamba
at dumaramba mga alon ng inhustisya.
oo, maglulunoy ako sa iyong alaala
kasing tingkad iyon ng pulang mga rosas
sa halamanan ng pagsinta
kasing init iyon
ng lagablab ng pakikibaka
kasing dalisay ng nektar ng gumamela.
maglulunoy akong lagi sa iyong alaala
at laging mag-aalab himagsik ng dugo ko’t diwa!
nilalagnat na init ng katanghalian
hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…
Leave a Reply