(Tula)
hindi ninyo ako matatakasan
magtago man kayo sa pinakasulok ng mundo
manirahan man kayo sa mga igloo
o sa mga lugar na iniiwasan ng tao
hindi ninyo ako matatakasan
naglulublob man kayo sa kayamanan
nagtatampisaw man kayo sa kapangyarihan
nakokoronahan man kayo ng katalinuhan
hindi ninyo maikukubli inyong katawan
kahit sa inyong tierra incognita
sa ayaw man ninyo o gusto
dadalawin at dadalawin ko kayo
lalo na kung mga oras na wala sa hinagap ninyo.
hindi ninyo ako matatakasan
at hindi ninyo ako mahahadlangan
naka-kanyon man mga guwardiya ninyo
malalaki man mabagsik ninyong mga aso
sa napapaderan ninyong mga mansiyon at palasyo
sa inyong maringal na tierra inmaculada
kadluan ng makukulay ninyong mga alaala
papasukin at papasukin ko kayo
makulimlim man ang umaga
naninimdim man ang dapithapon
at nagdarasal ang gaplatong buwan
sa pagyakap ng itim na mga ulap sa kalawakan
dadalawin at dadalawin ko kayo.
oo, maraming paraan ang pagdalaw ko
at hindi ninyo ako matatakasan
nasa tuktok ako ng marahas na tsunami sa dalampasigan
nasa haplit ako ng kidlat sa inyong katawan
nasa alimpuyo ako ng habagat sa inyong bakuran
nasa singasing ako ng punglo sa karimlan
nasa ragasa ako ng mga sasakyan sa lansangan
nasa sumasambulat na mga bomba’t granada ako sa digmaan
naririyan ako, oo, naririyan ako
sa lahat ng lugar at sa lahat ng bagay
at hinding-hindi ninyo ako matatakasan
ikaw na palalo at gahaman
ikaw na patron ng kasamaan
ikaw na berdugo ng sambayanan.
oo, hinding-hindi ninyo ako matatakasan
at kapag nasamyo na ninyo halimuyak ng aking hininga
hindi ninyo maiiwasang manambitan
at sagad-langit kayong magdarasal
maninikluhod sa lahat ng santo’t santa sa kalangitan
ngunit walang makaririnig ng inyong tagulaylay
hindi kayo tutulungan ng sinumang pinakamakapangyarihan
upang hadlangan pagdalaw ko sa inyo
upang kayo’y tulungang matakasan ako
huwag kayong hangal, anak kayo ng buwaya’t kabayo
aali-aligid lamang akong lagi sa inyo
ako, akong pinipilit ninyong takasan
ako, ako, ang di ninyo matatakasang kamatayan!
Leave a Reply