Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘Editoryal’ Category

Todos Los Santos: Ano Ba Ito?


(Editoryal — unang nalathala sa PILIPINO FREE PRESS, Nob. 4, 1970, at bahagyang binago ngayon)

MAY kanya-kanya ring klase ang mga patay: may mayaman at may mahirap, o may burges at may proletaryo. Kung mahirap ka, kailangang dalhin mo hanggang hukay ang iyong karalitaan. Kung mayaman ka — nakuha mo man ang iyong kayamanan sa panloloko’t pagsasamantala — pagpapasasaan mo iyon hanggang sa loob ng iyong nitso o mausoleo.

Sino ang may sabing pantay-pantay ang tao sa kamatayan?

Kung karaniwan kang magsasaka o obrero, malamang na ang kabaong mo ay palotsina. Puntod na puntod lamang ang iyong libingan, sa sulok marahil ng isang sementeryong para sa mga anakpawis. Ang pananda sa iyong puntod — kung mayroon man — ay isang lapidang lata, ipinangangalandakan ang iyong pangalan, petsa ng kapanganakan at kamatayan. Higit sa lahat, ipinamumukha ng iyong libingan na isa kang napakakaraniwang tao, nabuhay at namatay sa kabusabusan. Maliliit na kandila, ilang bulaklak ng amarilyo’t palong-manok at krus na kahoy — ito ang mga nagpapagunita ng iyong karalitaan at pagkabusabos tuwing Todos los Santos!

Pero kung mayaman ka, siyempre pang de klase ang kabaong mo; “nangungusap sa ganda,” sabi nga ng mga taga-baryo, iyong kabaong na “pangmarangal” na tao at mahihiyang dapuan ng langaw o amuyin ng mga langgam. Siyempre pa rin, piling-piling lugar ang libingan mo, nagkakahalaga na ng daan-daang libong piso ang mismong lupa lamang, marmol ang iyong mausoleong nakalagak sa loob ng kongkretong gusaling marangyang bahay na para sa hukbo ng mga kumain-dili, at tinatanuran pa ito ng maluha-luhang sementadong anghel sa gabi’t araw.

Ipinagyayabang ng iyong libingan na hindi ka basta tao — nabuhay ka at namatay na batbat ng impluwensiya, kapangyarihan at pribilehiyo. Hindi bale na kung binusabos mo ang iyong mga manggagawa’t magsasaka, nangamkam ng mga lupain, o nandambong sa pondo ng bayan kaya ka nagkamal ng kayamanan. Tuwing Todos los Santos, kahit matagal ka nang pinagpasasaan ng mga uod o ginawang abo sa krematoryo, kailangang maglublob ka pa rin sa iyong kayamanan: naglalakihang kandila, nagliliwanag na bombilya, mamahaling orkidyas at kung anu-ano pang tanda ng karangyaan ang ipinagyayabang ng iyong libingan.

Hindi nga masamang alalahanin ang mga patay tuwing Todos los Santos pero, sa kabilang banda, karaniwan lamang na payabangan, pasiklaban ng yaman at pag-insulto sa karalitaan ang naturang araw. Sa sosyedad na ito ng pagsasamantala’t inhustisya ng iilang hari-harian o diyus-diyosan sa balintunang lipunan, higit na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal ang mga buhay — ang patuloy na inaaliping masang sambayanan, ang hukbo ng mga binusabos na para na ring mga patay. Todos los Santos na ang bawat araw sa kanila sapagkat, araw-araw, ipinagkakait sa kanila ng uring mapagsamantala ang karapatang mabuhay bilang tunay na mga tao sa ilalim ng pantay na katarungan at lantay na hustisya sosyal.

Todos los Santos: ano ba ito?

Advertisement

Read Full Post »

Sakit ng Ulo ni Obama


(Editoryal)

DAHIL sa kahihiyang inaani ngayon ng Amerika sa hindi makatuwirang pananakop nito sa Iraq, bukod pa sa patuloy nitong pakikialam sa Afghanistan, hindi tuloy namumutiktik sa mayabang na retorika tungkol sa pakikidigma ang mga talumpati ni Presidente Barrack Obama ng Estados Unidos ng Amerika — di gaya noon ni dating Presidente George W. Bush na hitik sa mga pagbabantang kaya nitong salakayin at pagharian ang mga bansang sumasalungat sa imperyalista nitong mga patakaran.

Sa kabila ng modernong mga armas at superyor na tropang militar nito, libu-libong sundalong Amerikano na ang nagbuwis — at patuloy na nagbubuwis — ng buhay dahil sa ganting-salakay ng makabayang mga Iraqi sa pamamagitan ng mabisang taktikang-gerilya. Higit sa lahat, tandisan nang hinihingi ng milyun-milyong mga mamamayan ng Iraq ang agarang paglayas doon ng tropang Amerikano sapagkat sila mismo — kaysa sinumang lahi — ang may lehitimo at sagradong karapatang pamahalaan ang kanilang bansa at, gayundin, hawanin ang landas tungo sa kanilang hinaharap.

Maliwanag na dagdag problema ito ngayon kay Obama, lalo na nga’t lumalawak at tumitindi na rin ang protesta ng mismong mga mamamayang Amerikano sa patuloy pang pananatili, at panghihimasok, ng tropang Amerikano sa Iraq at Afghanistan. Sapagkat lumalaki ang kakulangan sa badyet ng Estados Unidos, lumalaganap ang disempleyo at tanggalan sa trabaho, dahil sa lumagabog nitong ekonomiya bunga ng labis na kasuwapangan ng kapitalismo, makatuwiran lamang na magdalawang-isip si Obama bago magbunsod ng anumang giyera nito saanmang panig ng mundo.

Bilyun-bilyong dolyar na nga ang ginasta — at patuloy pang ginagasta — ng Amerika sa Iraq para lamang mapanatili ang mga tropa nito doon kaya, lumilitaw ngayon, na iiwasan nitong maglunsad pa ng panibagong agresyon sa alinmang bansang gusto nitong makontrol, pagsamantalahan at pagharian. Niluwagan na nga ni Obama ang mapanikil o mapanggipit na polisiya ng Amerika sa Cuba at hindi na basta-basta pinagbabantaan ang Hilagang Korea. Ipinahiwatig pa nga niya sa ilan niyang pahayag na, sa malapit na hinaharap, baka tuluyan nang lisanin ng tropang Amerikano ang Iraq, gayundin marahil ang Afghanistan.

Sakit pa ng ulo ni Obama ang hindi mapapasubaliang katotohanan na nagiging inspirasyon pa ng makabayang mga mamamayan ng ibang mga bansang pinanghihimasukan at kinokontrol ng Amerika ang magiting at rebolusyonaryong pakikibaka ng mulat na mga Iraqi laban sa hindi makatuwiran, malupit at marahas na pananakop ng puwersang Amerikano sa kanilang bansa. Dahil dito, hindi malayong lumaganap ang paglaban sa imperyalismong Amerikano sa iba pang panig ng mundo at, natural, maglalagablab nang husto ang apoy ng paglayang tutupok sa mapambusabos na mga patakaran nito.

Higit sa lahat, idagdag pa nga sa mga problemang ito ni Obama na sa mismong kuta ng mapambusabos na kapitalismo, sumisigla’t sumusulong ang mga nagtataguyod ngayon sa sosyalismo. Katunayan, sa Abril 25, sa Los Angeles City College, nakatakdang idaos ang isang seminar-talakayan na may temang “Sosyalismo: Panahon na Ngayon — Wakasan ang Digmaan at Militarismo.” Nakalinyang tumalakay sa naturang isyu ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor tulad nina Richard Becker, Muna Coobtee, Juan Jose Gutierrez, Michael Prysner, Jacqueline Villagomez, Arturo Garcia, Lucille Esguerra, Pete Lindsay, Preston Wood, Marylou Cabral at Stevie Merino.

Batay sa mga nabanggit, maaaring itinatanong ngayon sa sarili ni Obama: hanggang kailan mapananatili at mapaghahari ang mapandambong na kapitalismo at imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa mundo? — #

Read Full Post »

Pasasalamat at Pamamaalam


(Editoryal)

NANG isilang sa daigdig ng peryodismo ang Pinoy Weekly noong Agosto 7, 2002, sinikap nitong manuntunan sa landas ng katotohanan. Masagasaan man ang interes ng iilang naghahari-harian sa lipunan, hindi nangimi ang PW na ugatin, dalirutin at suriin ang importanteng mga isyung kaugnay ng pambansang kapakanan – mulang pagpapakasangkapan ng walang gulugod na pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes hanggang sa talamak na katiwalian sa burukrasya, mulang inhustisya ng uring mapagsamantala laban sa binubusabos na masang sambayanan hanggang sa pagkasugapa, at pag-abuso, sa kapangyarihan ng mga nasa poder.

Nanindigan ang peryodikong ito sa diwang makabayan, makatao, mapagmulat, mapagpalaya at progresibo. Naging kakabit ito ng pusod, puso at isip ng uring maralitang patuloy na inginungudngod sa kahirapan at kaalipinan na, higit na masama, patuloy pang sinisikil at sinasalaula ng mga diyus-diyosan ang sagrado’t lehitimo nilang mga karapatang sibil lalo na kaugnay ng adhikain nilang magkaroon ng pambansang pagbabago sa ilalim ng nakasusukang pambansang kaayusang palsipikado ang kasarinlan at kalayaan, palsipikado ang demokrasya’t katarungan, lalo na ang minimithing kaunlaran at hustisya sosyal.

Naging kabalikat ang munting diyaryong ito ng mumunting mga pangarap at adhikain ng masang sambayanan – mga magsasaka’t manggagawa o uring inilarawan ng isang makata na “kulang sa pera, kulang sa damit, kulang sa kanin, walang lupa, walang bahay, walang-wala” – dahil lamang kontrolado ng iilang mapagsamantalang grupo ang pambansang pulitika’t ekonomiya at tagahimod pa ng pundilyo ng mapambusabos na dayuhang mga interes, ngayon at noon pa man, ang pambansang lideratong laging nagpapanggap na mga makabayan ngunit, sa katotohanan, sila pa ang bentador ng pambansang kapakanan dahil lamang sa masidhi nilang makasariling ambisyon at interes, lalo na ang kasibaan sa kayamanan, pribilehiyo at kapangyarihan.

Sa maikling salita, isinulong ng mga nilaman ng Pinoy Weekly sa halos anim na taon ang pambansang kapakanan at interes ng uring patuloy na pinagsasamantalahan at binubusabos ng iilang naghahari-harian sa lipunan. Tandisang isinatinig din nito ang matagal nang adhikain ng masang sambayanan na umiral, sa wakas, ang isang lipunang mapayapa at maunlad, makatao at demokratiko – hindi ang uri ng lipunan ngayong nagpapakabundat sa pawis at dugo ng sambayanan ang tiwaling mga opisyal ng pamahalaan, ang mga suwitik na kapitalista’t asendero, at ang iba pang nabibilang sa uring mapang-alipin at mapagsamantala.

Gayunpaman, dahil sa matinding krisis pang-ekonomiyang umiiral ngayon sa bansa – bunga na rin unang-una ng balintuna’t makadayuhang mga patakarang pangkabuhayan ng kasalukuyan at nagdaang mga rehimen, bukod pa sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis kaya tuluy-tuloy ang pagtaas din ng mga bilihin at serbisyo – hindi maiwasang maging biktima rin ng naturang krisis ang diyaryong ito, gaya ng milyun-milyon ngayong mamamayang tuliro na’t hindi na malaman kung paano pa mabubuhay sa bawat araw.

Nakalulungkot man, kahit tuloy ang Pinoy Weekly Online, ipinababatid ng pamunuan ng peryodikong ito sa madlang mambabasa na matapos ang isyung ito, pansamantala munang ihihinto ang paglalathala nito. Anuman ang mangyari – tuluyan mang mawala sa sirkulasyon o muling mabuhay ang Pinoy Weekly – ipinaaabot nito ang walang hanggang pasasalamat at maalab na pagpupugay sa lahat ng mambabasang masugid na sumubaybay, tumangkilik, at nakiisa sa matapat, mapanuri at makabayan nitong mga simulain.

Sa madlang mambabasa, muli, maraming salamat at paalam muna.

Editoryal, June 19, 2008

 

#Tula

KAY LUPIT ISIPIN ANG PAMAMAALAM

alam kong matatapos ang lahat
sa isang iglap lamang
sa isang sandali ng pagkamulat
madudurog na parang salamin
ang ilusyon ng pagmamahal
gayundin ang mapang-akit
ng mga ngiti at titig
at masuyong haplos sa bisig.
alam kong mapapawi ang lahat
kagaya ng mga bakas ng paa
sa buhanginan
o saglit na pagguhit ng kidlat
sa kalawakan.

kay lupit isipin ang pamamaalam
dahil tiyak kong pagkatapos ng lahat
dadalawin ako
ng mga gunitang magpapakirot sa kaisipan
at papaso sa kalamnan
susundan akong lagi ng iyong anino
sa mga lansangang niyapakan
sa mga pook
na naging kastilyo ng ating mga katawan
paano nga ba mapag-aaralan ang paglimot
kung sa bawat sandali ng pag-iisa
parang tubig
na bumubulwak ang mga alaala?

ngunit maalaala mo pa kayo ako
sa paglipas ng mga panahon
lalo na
kung mga dapithapong ang karimlan
ay nagpapatindi sa pangungulila
at ang kalungkutan
ay singlamig
ng mga madaling-araw ng disyembre?
maalaala mo pa kaya ako
sa paglipas ng mga panahon
sa iyong daigdig ng mga pangarap
kahit malabo na ang mga larawan
at banayad na nangalalaglag
at humahalik sa lupa
ang mga tuyong dahon ng gunita?
maalaala mo pa kaya
ang isang lumang balabal
na kinailangan
sa mga sandaling ang kaluluwa’y
nagiginaw sa pagmamahal?

kung wala ka na
at tuluyang ayaw na akong makita
ano pa nga ba ang magagawa
kundi yakapin ang pag-iisa
at patuloy na asahang sa isang iglap
na sandali ng buhay
ay muli kang magdaraan
kagaya ng musikang paulit-ulit
na pinakikinggan
kahit humihiwa sa puso
at nagpapamanhid sa kaisipan…
kay lupit isipin ang pamamaalam!

Read Full Post »


HINDI na kayang linlangin o patuloy pang isakay sa tsubibo ng ilusyon ng mga tambolero’t salamangkero ng Malakanyang ang masang sambayanan para pilit na papaniwalaing umaasenso ang kanilang buhay dahil umuunlad diumano ang ekonomiya ng bansa, dumarami ang trabaho, nababawasan ang paglaganap ng gutom at karalitaan at nasusugpo, higit sa lahat, ang katiwalian sa pamahalaan.

Araw-araw mang ipalabas sa estasyon ng gobyerno sa telebisyon ang estupidong propagandang “Ramdam na Ramdam” na ng ordinaryong mga mamamayan ang pag-unlad ng kanilang buhay sa ilalim ng naghaharing rehimen, hangal na lamang marahil ngayon o nangangarap nang dilat ang maniniwala sa katumpakan ng naturang buladas ng administrasyon.

Bunga ng walang patumanggang paglobo ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dahil diumano sa pagtaas din ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na pinatataas pa – unang-una – ng kasuwapangan sa tubo ng mala-kartel na mga korporasyong kumukontrol sa industriya ng langis sa Pilipinas, at idagdag pa ang buwis na ipinapataw ng gobyerno dito (12% VAT), lalong hindi na katakatakang umalagwa naman ang halaga ng kung anu-anong produkto mulang bigas at gatas, manok, baboy at karne, hanggang sabon at mantika, gamot, kondom at pasador. Nakaamba pa nga sa bansa ang muling dagdag-pasahe, at maaaring umabot na ng P10 ang minimong singil.

Idagdag pa nga ang napakataas pa ring singil sa kuryente dahil na rin sa VAT, bukod pa sa kung anu-anong nakahihilong singil na ipinapapasan ng Meralco sa mga parukyano nito (generation, transmission, system loss, distribution, subsidies, govt. taxes, universal charges, other charges), kaya kung P2,584.31 ang dapat lamang bayarang nakonsumong elektrisidad, aabot iyon ng P5,525.25 (higit sa doble) matapos idagdag ang naturang waring hinokus-pokus o sinalamangkang mga bayarin.

Sa kabilang banda, ano na ang limos na P20 bawat araw na dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Kamaynilaan (P10 – P15 sa ibang rehiyon), o 10% dagdag-suweldo sa mga kawani ng gobyerno, upang makahabol ang mga ito sa umaalagwang presyo ng mga bilihin at serbisyo? Higit pa nga nilang gugustuhin tuloy na paalila sa ibang bansa upang mabigyan ng desenteng buhay ang pamilya sa sariling bayang lumilitaw na malupit ang reyalidad nang mabuhay bilang tunay na mga tao sa isang lipunang hindi mabanaagan man lamang ni anino ng lantay na hustisya sosyal.

Ano naman, kung gayon, ang ginagawa ng pambansang liderato upang makahinga – kahit bahagya – ang sisinghap-singhap nang mga mamamayan sa gitna ng umiiral na matindi nang krisis pangkabuhayang sa kanila’y sumasakal, bukod pa sa krisis pampulitika (dayaan sa eleksiyon, kredibilidad ni La Gloria, maanomalyang mga kontrata ng gobyerno, katiwalian sa burukrasya, at iba pa) na, tiyak, kung lulubha pa, ay magpapalala sa krisis pang-ekonomiyang ngumangatngat sa sinasabing Matatag na Republika?

Sabi nga, matagal nang dapat pinagsikapang ibasura na ng pambansang liderato ang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis at puspusang isulong naman ang pagsasabansa o nasyonalisasyon nito, gayundin ang iba pang mahalagang mga industriya, alang-alang sa pambansang kapakanan. Ang hirap nga, nakatali pa ang mga ito, lalo na si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, sa asintos ng globalisasyong idinidikta ng mapandambong na interes ng imperyalistang mga bansang tulad na lamang ng Amerika.

Habang nagpapakabundat sa nakukulekta namang VAT at iba pang buwis ang mga hari-harian sa burukrasya at kinauukulang mga mandurugas at mangungulimbat sa pondo ng bayan, titiguk-tigok naman ang lalamunan – lalo na ngayon – ng milyun-milyong masang sambayanan at hindi matiyak, araw-araw, kung buhay pa sila kinabukasan dahil sa gutom at labis nang karalitaan. Sa Mindanaw na lamang na itinuturing pang “basket ng pagkain,” napaulat kamakailan na marami na rin ang nagugutom dahil sa napakamahal nang presyo ng mga bilihin unang-una na ang bigas, isda, manok at pangunahing mga pangangailangan.

Batay nga sa hinihingi ng makabayang mga sektor ng lipunan, dahil sa tumitinding krisis pang-ekonomiya sa bansa, marapat lamang na alisin muna ng gobyerno ang VAT, lalo na sa kuryente at mga produktong petrolyo o langis. Ayon sa pagsusuri ng Kontra KulimVAT, kung ibabasura ang nasabing buwis, mababawasan ng P5 – P6 bawat litro ang presyo ng krudo at gasolina, ng P69 ang isang tangke ng LPG, at mga P0.72 bawat kwh (kilowatt-hour) ng kuryente.

P18-B sa langis lamang ang inaasahang makukulekta ng gobyerno ngayon dahil sa VAT; noong 2006, nakalikom ito ng P76.9-B kasama ang ibang produktong sakop ng VAT; at mga P113-B noong 2007. Naiukol ba naman ng gobyerno ang naturang nakulektang buwis sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunang lubhang kailangan ng mga mamamayan? O nakulimbat lamang ang malaking bahagi ng kinauukulang mga mandarambong sa burukrasya dahil, batay sa pagsusuri, mga 30% ng pambansang badyet ang nilalamon ng katiwalian taun-taon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan?

Dahil sa napakataas nang presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo, at ginigiyagis na ng matinding krisis pangkabuhayan ang milyun-milyong ordinaryong mamamayan at sukdulang naghihimagsik na ang mga sikmura, magagawa pa kaya ng pambansang liderato na magkamot na lamang ng puklo at unahing atupagin ang pagkagahaman sa poder at kayamanan ipagkanulo man ang pambansang kapakanan? O hihintayin pa nilang malunod sila sa daluyong ng mga protesta?

Editoryal, June 04, 2008

Read Full Post »



(Editoryal)

INIULAT ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong nagdaang Biyernes (Mayo 15) na 24 na mangingisdang Pilipino ang dinakip ng mga awtoridad sa Kudat, Sabah, dahil diumano sa ilegal na pangingisda sa sakop ng karagatan ng Malaysia. Abril 2008 pa nang sila’y hulihin doon sakay ng F/V Princess na pag-aari ng isang Janet Policarpio ngunit, hanggang ngayon, hindi pa malaman kung ano na ang nangyari sa kanila sa kamay ng mga Malaysian.

Maaalaala, noong 2002, parang mga hayop na pinagmalupitan ang mga Pilipinong ikinulong sa Malaysia at pinababalik sa Pilipinas bilang ilegal na mga dayuhan. Sa kulungan doon, batay sa mga ulat, pinaghahagupit sila ng yantok ng mga pulis, binuhusan ng kumukulong tubig, pinagulong sa kubeta, ginutom, at ginahasa pa ang ilang kababaihan. Sa kabila ng kasuklam-suklam na pangyayaring iyon, nanggalaiti lamang ang pambansang liderato, umastang nagpoprotesta, pero hindi man lamang nagharap ng kaso laban sa Malaysia sa ICCJ (International Criminal Court of Justice) si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa Sabah naninirahan ang karamihan sa mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia. Sa kabila ng mga kalupitang dinaranas nila, higit pa nilang ninanais na manatili doon kaysa sa sariling bansang napakailap ang oportunidad na matugunan nila ang pangunahing mga pangangailangan ng pamilya dahil na rin sa kainutilan, kapabayaan, katiwalian at balintunang mga patakarang pangkabuhayan at panlipunan ng kasalukuyang rehimen, gayundin ng mga nauna pa.

Kung tutuusin, sa kabilang banda, hindi sila nandayuhan doon dahil, batay sa malinaw na mga datos, sa Republika ng Pilipinas naman talaga ang teritoryo ng Sabah na tuluyang inangkin na ng Malaysia matapos itong lumaya sa mga Ingles. Lubhang napapanahon na tuloy na seryosong harapin ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah ngunit waring bahag ang buntot ng pambansang liderato na gawin ito.

Dekada ’60 sa panunungkulan ng yumaong Presidente Diosdado Macapagal (ama ni La Gloria) nang isulong ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah, at nagpulong nga sa Maynila noong Hulyo 3 – Agosto 5, 1963 sina Pres. Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia at, gayundin, sa Phnom Penh, Cambodia noong Pebrero 5-12, 1964 sina Macapagal at Rahman at napagkasunduang isampa sa World Court ang isyu ng Sabah. Nang maluklok sa poder si Presidente Ferdinand E. Marcos, ipinagpatuloy nito ang paghahabol sa Sabah kaya, noong Enero 12, 1968, ipinalabas ni Rahman ang isang dokumentong naglalahad na ipagpapatuloy ang talakayan ng dalawang bansa tungkol dito.

Pero, bakit, sa sumunod na mga rehimen hanggang ngayon, ibinasura na – at hindi man lamang nababanggit ng waring walang gulugod na pambansang liderato – ang naturang isyu? Nabahag ba ang kanilang buntot dahil kakaning-itik na lamang ang tingin ngayon ng Malaysia sa Pilipinas?

May sukat na 29,000 milya kuwadrado ang Sabah at 18 milya lamang ang layo sa Pilipinas gayong 1,000 milya naman mula sa Kuala Lumpur. Ito ang bumubuo ng isang-ikaapat (1/4) na bahagi ng Karagatang Sulu at nag-uugnay sa mga isla pakanan mula Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw at Arkipelago ng Sulu. Dati itong pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei, pero noong 1704, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan siya ng Sultan ng Sulu na masugpo ang rebelyon sa Brunei.

Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu kina Baron de Overbeck at Alfred Dent ang Sabah sa halagang $5,000 (Malaysian) na itinaas sa $5,300 nang malaon. Nang itatag ng Ingles na negosyanteng si Dent ang British North Borneo Co. at mapagkalooban ng Karta Royal noong 1881, nagprotesta ang pamahalaang Espanya at gobyernong Olandes sa Bretanya ngunit binigyang-diin ng Bretanya na “MANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng kompanya ni Dent.

Nang inilipat naman noong 1946 ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah, at noong Hulyo 10, 1946 – anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kalayaan ng Pilipinas – iginiit na ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah. Higit pa ngang masama, matapos nitong pagkalooban ng kasarinlan ang Malaysia, ganap nang inangkin ng Malaysia – hanggang ngayon – ang Sabah. (Para sa detalyadong mga datos, basahin ang “Balik-tanaw sa Sabah,” Pinoy Weekly, Set. 25 – Okt. 1, 2002).

Batay sa nabanggit na malinaw na mga datos, mag-aasal-aso na lamang bang bahag ang buntot ng gobyerno ng Pilipinas, lalo na si La Gloria, sa isyu ng pagmamay-ari sa Sabah? Paano itatakda, sa kabilang banda, ng pambansang liderato ang hangganan ng teritoryo ng Pilipinas at aangkinin pa ang Spratlys o grupo ng mga islang tinawag na Kalayaan kung hindi man lamang ito makapagpakita ng pangil sa lehitimong isyu ng Sabah? O matapang lamang ito laban sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan, gayundin laban sa mga kritiko ng rehimen?

Read Full Post »

Kasuwapangan


(Editoryal)

SA TUWING 10% ang itinataas ng presyo ng pagkain, batay sa pananaliksik kamakailan ng ADB (Asian Development Bank), mga 2.3 milyong Pilipino ang nadaragdag sa hukbo ng maralitang mga mamamayan sa Pilipinas. Sa bawat 10% pagtaas lamang sa presyo ng langis, 160,000 mamamayan na, ayon kay Hyun Son – ekonomista ng ADB – ang mapapabilang sa mga maralita. Hindi lamang sila magpipisil ng sikmura kundi, sa kabilang banda, hindi na rin nila kayang magpagamot at mapag-aral ang kanilang mga anak o matugunan man lamang, kahit papaano, ang pang-araw-araw na pangunahing mga pangangailangan.

Ilang ulit na bang itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa? Inaasahang muli’t muling tataas pa nga ito kung tama ang hula ng Goldman Sachs – isang kompanya sa pagbabangko – na bago matapos ang 2008, maaaring umabot ng $150 ang bawat bariles ng langis sa pandaigdigang pamilihan o baka maging $200 pa sa susunod na taon. Ilang beses na rin bang tumaas ang halaga ng bigas, gatas, sardinas, manok, isda at baboy, elektrisidad at iba pang pambayang utilidades? Natural, tataas ang lahat – maliban sa mga unano’t talagang bansot o pandak – kapag tumaas nang tumaas ang halaga ng langis.

Sa kabila ng naghuhumindig na mukha ng karalitaan sa bansa, ilang beses na bang nilimusan ng dagdag-sahod ang karaniwang mga manggagawa? Itinaas nga ng gobyerno ng 10% ang suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan – at sa Hulyo pa diumano ibibigay – na, kung tutuusin, ay hindi na rin makahahabol sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo at, kung susuriin, ang matataas na opisyal lamang ng burukrasya na may malalaking suweldo ang higit na makikinabang sa bagay na ito.

Bakit hindi ibigay ang inamag na’t matagal nang hinihingi ng mga kawani ng gobyerno na dagdag na P3,000 bawat buwan para sa lahat ng empleyado nito upang maiangat – kahit bahagya – ang antas ng pamumuhay ng ordinaryong mga kawani? Bakit hindi bawasan, o tuluyan nang alisin, ang maanomalyang “pork barrel” ng mga piranha sa pondo ng bayan, gayundin ang mga “kickback” o kupit o pandurugas sa mga pagawaing-bayan, upang matugunan man lamang ito?

Sa pribadong sektor, ilang Mayo Uno na ba ang nagdaan na paulit-ulit na isinisigaw ng uring manggagawa ang hinihinging karagdagang P125 bawat araw sa kanilang minimong sahod? Patawing-tawing pa nga hanggang ngayon ang RWB (regional wage board) para magdesisyon sa bagay na ito at, higit na masama, lumilitaw pa itong kasapakat at pumapabor sa mga kapitalista. Sapagkat kasuwapangan sa tubo, hindi ang pagka-makatao, ang laging pangunahing batayan ng mga patakaran ng mga negosyante’t kapitalista, hindi na nga katakataka kung laging idinadahilan nilang magsasara ang maraming kompanya, at lalong mawawalan diumano ng trabaho ang maraming mamamayan, kapag itinaas nila ang suweldo ng mga manggagawa.

Bakit hindi suriin ng gobyerno ang limpak-limpak na tinutubo ng mga kompanyang ito taun-taon na, kalimitan, nandaraya pa sa pagbabayad ng tunay na buwis? Magkano ang tinubo, halimbawa na lamang, bukod sa nagkalat na iba pang mga kompanya ng negosyo, ng tatlong dambuhalang korporasyon ng langis sa bansa (Caltex, Shell at Petron) nito lamang 2006?

Kasuwapangan nga sa pera ng bayan ng gobyernong pinaghaharian ng katiwalian, at kasuwapangan naman sa limpak-limpak na tubo ng pribadong mga kompanya’t korporasyon ang malinaw na nagtatakda sa buhay at kinabukasan ng uring manggagawang patuloy na inilulublob sa karalitaan. Lalo tuloy nagiging totoo ang sinabi ng pilosopo-manunulat na Pranses na si Honore de Balzac na “sa likod ng napakalalaking kayamanan, naroroon din ang napakalalaking krimen” laban sa sambayanan.

Kasuwapangan din ng mayayaman at mauunlad na mga bansang kapitalista – tulad na lamang ng Amerika at Bretanya – ang nagtutulak sa karalitaan sa mahihina’t atrasadong mga bansa, lalo na sa Aprika at Asya. Sa pamamagitan nga ng mapandambong at mapambusabos na mga instrumentong pangkabuhayan ng imperyalistang mga bansa, halimbawa na lamang ang idinikta nilang globalisasyon at liberalisasyon sa agrikultura na asal-aliping isinusulong at niyayakap pa ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at ng masusugid niyang basalyos, hindi na balita – sa hinaharap – kung lalong mabansot ang pambansang ekonomiya at tuluyang lumubog sa kumunoy ng kahirapan at pagdaralita ang nakararaming mamamayang kumain-dili na lamang ngayon sa ilalim ng naghaharing rehimeng bentador ng pambansang kapakanan at kinabukasan.

Sa kabila ng mga kasalanan sa lipunan at masang sambayanan ng uring mapagsamantala dahil sa kanilang kasuwapangan – sa kayamanan man o kapangyarihan – nagagawa pa ng pambansang liderato, lalo na ni La Gloria, na isisi sa “media” at mga kritiko ng rehimen, gayundin sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan na itinuturing pang mga “kaaway” ng Estado, ang anumang pambansang krisis, pampulitika man o pang-ekonomiya o maging pangkultura.

Ano nga ba kung maghirap nang maghirap ang bayan? Ano nga ba kung dumami nang dumami ang inginungudngod sa karalitaan? Walang mahalaga sa uring mapagsamantala, di nga kasi, kundi ang patuloy silang mamunini’t magpasasa sa anumang grasya ng kanilang kasuwapangan.

Editoryal

Read Full Post »

Walanghiya!


(Editoryal)

NANG gunitain kamakailan ang Pandaigdig na Linggo ng Kalayaan sa Pamamahayag, ibinunyag ng CPJ (Committee to Protect Journalists) na ika-6 ang Pilipinas sa mga bansang biktima ng mga pagpatay ang mga mamamahayag – komentarista man sa radyo o peryodista – ngunit, sa kabilang banda, wala halos nahuhuli at naparurusahang kriminal. Una sa listahan ang Iraq, Sierra Leone, Somalia, Colombia at Sri Lanka bago ang Pilipinas, saka sumunod ang Afghanistan, Nepal, Rusya, Mexico, Bangladesh at Pakistan. Pinakatanyag sa mga pinatay ang mga peryodistang sina Anna Politkovskaya ng Rusya, Guillermo Bravo ng Colombia at Atwar Bahjat ng Iraq.

Mula nang maibalik ang huwad na demokrasya sa bansa matapos maibagsak ang diktadurang Marcos noong 1986, lumilitaw na 93 na ang walang awang pinaslang, bukod pa sa mga pampulitikang pagdukot at pagpatay na, batay sa ulat ng grupong Karapatan, 901 na ang pinatay at 180 na ang dinukot sa ilalim lamang ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kabila ng naturang mga pangyayari, walang kongkreto at seryosong mga hakbang na ginagawa ang naghaharing rehimen upang lutasin ang nasabing mga kaso at, sa halip, waring nasisiyahan na itong tambulin ang sariling dibdib at patuloy na ipagyabang ang palakpak na inani diumano ng ulat ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita kamakailan sa UNHRC (United Nations Human Rights Committee).

Sabi nga, hindi dahil pinalakpakan ang ulat ni Ermita ay nangangahulugan nang nalutas na ang mga kaso ng pampulitikang pagpatay, lalo na sa mga mamamahayag at mga miyembro ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan. Lalong hindi iyon nangangahulugang seryosong sinisikap ng gobyernong lutasin at wakasan ang naturang mga karahasan. Iba ang propaganda o pambobola, sabi nga, kaysa naghuhumindig na reyalidad. Tulad lamang iyon ng sinabi ni Sen. Allan Peter Cayetano na “walang direktang ebidensiya” laban kay La Gloria at sa Unang Ginoo sa maalingasaw na $329-M nabugok na kontratang ZTE-NBN. Mabilis ngang ipinakahulugan ng mga tambolero ng Malakanyang na “wala talagang ebidensiya” ang praseng “walang direktang ebidensiya” kaya ipinangalandakan agad nila na “walang kasalanan” ang kanilang mga amo sa bagay na ito.

Bagaman, ayon sa CPJ, “may malaya’t masiglang pamamahayag (press) ang Pilipinas, patuloy at paulit-ulit na biktima ng mga karahasan ang mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa katiwalian, krimen at pulitika, lalo na sa mga probinsiya, at karaniwang kasangkot sa mga kasong ito ang mismong pulis at militar.” Ano, kung gayon, ang kongkretong hakbang ng gobyerno? May nahuli na ba? May naparusahan na ba? Sino sa mga biktima ang napagkalooban na ng hustisya?

“Dapat ikahiya ng anumang gobyerno,” sabi nga ni Joel Simon, tagapamahalang direktor ng CPJ, “ang gayong mga kaso,” lalo na nga’t inutil ang mga awtoridad na lutasin at wakasan ito. Pero, sa kabilang banda, kung nagagawa ng Malakanyang na susian ang bibig ng matataas pang opisyal ng gobyerno – tulad, halimbawa, ni Sekretaryo Romulo Neri – ang mga mamamahayag pa kaya ang hindi nito piliting sikilin ang kalayaan at mga karapatan, sa anumang paraan, upang hindi ibunyag ang sagradong mga katotohanan?

Kaugnay ng patuloy at inaamag nang mga kaso ng pagpatay sa mga komentarista’t peryodista – bukod pa nga sa nararagdagang mga biktima ng pampulitikang pagdukot at pagpatay sa mga miyembro at lider ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan – makabuluhan tuloy na itanim sa isip ng pambansang liderato (kung matino pa ang kaisipan ng mga ito at hindi alipin ng pansariling interes lalo na ng pagkasugapa sa kapangyarihan at kayamanan), ang binigyang-diin ni Sekretaryoi-Heneral Ban Ki-moon ng UN:

“Ang anumang mga pagsalakay sa kalayaan sa pamamahayag ay mga pagsalakay sa pandaigdig na mga batas, mga pagsalakay laban sa sangkatauhan, laban sa mismong kalayaan, laban sa lahat ng prinsipyong kinakatawan ng UN.”

O talagang walanghiya na ang umiiral na rehimen?

Read Full Post »


(Kolum)

KAHIT hindi ang pagdami ng populasyon ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karalitaan kundi, higit sa lahat, ang tiwaling balangkas ng  lipunang kontrolado lamang ng iilan ang pambansang ekonomiya’t pulitika, mahirap pa ring pasubaliang responsabilidad ng Simbahan na tumulong – sa pamamagitan ng pulpito at mga patakaran nito – sa pagkontrol sa mabilis na pagdami ng populasyon habang, sa kabilang banda, lumulubha ang krisis sa pagkain, lupa’t pabahay, kalusugan at edukasyon, at iba pang pangangailangan ng nakararaming miserableng  mga mamamayan.

 

     Batay sa datos ng NSO (National Statistics Office), umabot na ng  88.57 milyon ang populasyon ng Pilipinas  noong Agosto 1. 2007, gayong  76.5 milyon  lamang ito noong 2000.  Ibig sabihin, naragdagan na agad ito ng 12.07 milyon sa loob lamang ng pitong taon at, ayon sa pagsusuri, mga 2.1% ang patuloy na madaragdag taun-taon kung hindi mahahadlangan ang mabilis na produksiyon ng sanggol sa bansa.  Ano, kung gayon, ang magiging resulta nito?  Tiyak, milyun-milyong mamamayan ang masasadlak sa higit pang karalitaan, “kulang sa pera, kulang sa damit, kulang sa pagkain, walang lupa, walang bahay, walang-wala,” sabi nga ng isang makata.

 

     Samantalang ipinangalandakan ni Papa Benedict XVI sa kanyang pagdalaw sa Amerika kamakailan ang kapakanang panlipunan at kahalagahan ng mga karapatang pantao, lubhang balintuna naman na, magpahanggang ngayon, mahigpit na tinututulan ng Simbahan at itinuturing nitong  imoral ang artipisyal na “birth control” o paggamit ng kondom, IUD (intra-uterine device), pildoras at iba pang panghadlang sa pagbubuntis.  Sagad nga hanggang langit ang pagtutol ng Simbahan sa aborsiyon o puwersahang paglalaglag sa nabubuong “fetus” sa obaryo ng ina pero aborsiyon na ba ang hadlangan lamang na  magtagpo ang semilya ng lalaki at itlog ng babae?  O baka ang onanismo o pagsasalsal ay aborsiyon na rin sa makitid na pananaw ng Simbahan?

 

     Waring doble-kara tuloy ang paninindigan ng Simbahan sa bagay na ito.  Noong dekada ’60 nang kainitan ng giyera sibil sa dating Belgian Congo, pinahintulutan ng Vatican na uminom ng pildoras ang mga madre doon upang hindi mabuntis kung sakaling magahasa ngunit, noong dekada ’90, sa digmaan ng Serbia at Kosovar, tinuligsa naman ni Monsignor Elio Sgreccia – tagapayo ng Papa noon – ang pag-inom din ng pildoras ng kababaihang Kosovar upang hindi mabuntis dahil ginagahasa ng mga sundalong Serbian.  Ano nga ba ang pagkakaiba ng mga madre sa kababaihang Kosovar?  O banal na espiritu lamang ang puwedeng bumuntis sa mga madre, halimbawa’y gaya ng nangyari diumano sa ina ni Noah at sa ina naman ni Jesus nang malaon?

     

     Natural, hindi makatarungang ilaglag mula sa obaryo ng ina ang nabubuong sanggol kung bunga ng mataos na pagmamahalan.  Pero kung produkto ng panggagahasa, sabi nga ni Dr. Eva Sabachi ng Marie Stopes International tungkol sa mga babaing Kosovar,   “pinakamasamang magagawa ng Vatican na payagang isilang ng mga babaing iyon ang bunga ng panggagahasa, lalo na’t ang gumahasa sa kanila’y mismong pumatay sa kanilang mga asawa at kapatid.” 

 

      Nabanggit nga lamang sa Bibliya ang aborsiyon sa Exodus 21:22-25 na napakalayo sa pakahulugan ngayon ng Simbahan at  waring itinuturing na nitong aborsiyon na rin ang artipisyal na “birth control” kaya tinututulan at tinututulan nito ang paggamit ng kondom, IUD, pildoras at iba pang panghadlang sa pagbubuntis para mahadlangan ang mabilis na pagdami ng populasyon.  Sa naturang teksto, parurusahan ang sinumang lalaking nanakit ng buntis na naging dahilan upang ito’y makunan o malaglag ang ipinagbubuntis. Wala namang sinabing aborsiyon na ang paghadlang pa lamang sa pagbubuntis.

 

       Makatuwiran tuloy, at lubhang napapanahon, na ibasura na ng Simbahan ang napakamoralista’t  panatikong paniniwala nito tungkol sa aborsiyon at, sa halip, ipahintulot na nito sa kanyang mga deboto ang artipisyal na “birth control” upang mahadlangan ang mabilis na pagdami ng populasyon at  paglaganap tuloy  ng karalitaan.   Maisusulong pa ng Simbahan, kung tutuusin,  ang sinasabi ni Papa Benedict XVI na kapakanang panlipunan.  Alin nga ba ang higit na imoral at kasalanang mortal: ang paggamit ng kondom, IUD, pildoras at mga katulad nito o ang pagpapahintulot na lumaganap ang karalitaan at gawing higit pang miserable ang pamumuhay ng nakararaming mamamayan?

 

     Sabagay, sa kabilang banda, patuloy namang  yumayaman ang Simbahan  sa pawis at dugo  ng milyun-milyon at mabilis na nararagdagan nitong   mga deboto hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.  Batay sa pinakahuling mga datos,  mga $1 trilyon na ang yaman nito ngayon at, dahil sa kayamanan  nito,  nagawa pa nga nitong magbayad ng $2 bilyon mula lamang noong 1950 sa mga biktima ng pagmomolestiyang seksuwal ng mga 4,000 pari nito  sa Amerika lamang. 

 

     O talagang mapapalad ang mga maralita at mapasasakanila ang kaharian ng langit kaya tinututulan ng Simbahan ang artipisyal na “birth control” at doble-kara, hanggang ngayon, ang paninindigan nito sa bagay na ito?  Hindi bale na ngang dumami nang dumami sa mundo ang miserable ang buhay – sa punto ng Simbahan – basta’t huwag kalilimutang maghaleluya sa kaitaasan.    

Read Full Post »

Pambobola Pa Rin


(Editoryal)

TATAK na yata ng liderato ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang kahusayan sa pambobola at paglulubid ng kasinungalingan upang palitawing katotohanan. Kamakailan lamang, sa ulat ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita sa UNHRC (United Nations Human Rights Council), pinalitaw niyang maayos na napangangalagaan, hindi patuloy na nasasalaula, ang mga karapatang pantao sa Pilipinas.

Masigabo ngang pinalakpakan ng UNHRC si Ermita kaya tuloy para siyang isang Arhat o Buddhistang narating ang “nirvana” o lubos na kaluwalhatian. Sabi nga niya, “naramdaman naming para kaming nasa Cloud 9” nang marinig ang mga palakpak matapos niyang basahin ang sinalamangkang ulat. Sabagay, may dalawang uri ng palakpak: isa ang lubos na papuri dahil humahanga at naniniwala at, ikalawa, maaari din namang pangangantiyaw at panunuya.

Makatotohanan nga ba ang iniulat doon ni Ermita upang hangaan at ipagbunyi ng naturang konseho? Paano na, unang-una, at tiyak na nasuri ng UNHRC, ang mga nilalaman ng ulat noon ni Philip Alston, kinatawan ng UN na ipinadala dito upang imbestigahan ang mga paglabag at pagsalaula sa mga karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan, lalo na kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA?

Tiyak, kung pagbabatayan ang nandudumilat na reyalidad, nakasusulukasok ang larawan ng naghaharing rehimen kaugnay ng isyu sa mga karapatang pantao, lalo na nga’t patuloy ang paninikil nito at pandarahas sa lehitimong mga kilos-protesta kaugnay ng paghingi ng masang sambayanan ng tunay na pambansang pagbabago tungo sa isang mapayapa, maunlad at demokratikong lipunang namamayani ang tunay na hustisya sosyal, hindi ang batas lamang ng uring mapagsamantala’t naghahari-harian na walang labis na pinangangalagaan kundi ang pansariling mga interes at pagkadayukdok sa kapangyarihan.

Kaugnay ng maulap na ulat ni Ermita sa UNHRC, sa ngalan ng sagradong katotohanan at pambansang kapakanan, maitatanong tuloy ang mga sumusunod: Ilan na ba ang nalutas sa napatalang 901 biktima ng pampulitikang mga pagpatay at 180 dinukot mula lamang nang maluklok sa poder noong 2001 si La Gloria, halimbawa na lamang ang kaso ng isang Jonas Burgos? Paano na ang kaso ni retiradong Hen. Jovito Palparan at iba pang pulis at militar na isinasangkot sa gayong mga kaso? Paano na ang 12 peryodistang pinatay noong 2006 at 5 iba pa noong nagdaang taon? Kamakailan lamang, isa na namang mamamahayag, si Benefredo Y. Acabal ng Pilipino Newsmen ng Cavite ang binaril at napatay sa Pasig.

Sa naturang mga kaso, wala pa yatang mga pinaghihinalaang dinakip ang nahatulang nagkasala? O may nadakip nga bang kriminal at nakasuhan at naparusahan? Sa opinyon tuloy ng pandaigdig na mga organisasyon sa pamamahayag, lalo na ng FRWB (French Reporters Without Borders), pangalawa ang Pilipinas – una ang Iraq – sa pinakamapanganib na bansa sa mundo para sa mga mamamahayag.

Sa takbo tuloy ng mga pangyayari, mulang “jueteng payola” at Jose Pidal hanggang “Hello Garci” at “fertilizer scam,” mulang maanomalyang mga transaksiyong Piatco at Venable LLP hanggang NorthRail at SouthRail, mulang ZTE-NBN hanggang Spratley, mulang 7.3% GDP (gross domestic product) noong nagdaang taon hanggang sa kung anu-ano pang nangangalingasaw na mga isyu, pambobola pa rin nga’t hinokus-pokus na mga datos ang ipinambubulag ng naghaharing rehimen sa opinyon publiko upang patuloy itong makapaglublob sa nakasusugapang kapangyarihan at nakababaliw na mga impluwensiya’t pribilehiyo sa kapinsalaan, sa kabilang banda, ng nagdaralitang masang sambayanan.

Maaari ngang eksperto ang mga propagandista ng rehimen sa pagkakamada ng mga kasinungalingan pero, dahil sa tumitinding krisis sa bigas (kinakapos na ang suplay at tumataas ang presyo at kailangang bumili sa ibang bansa ng mga 2.2 milyong metriko tonelada), at malinaw na itong nakikita sa humahabang mga pila ng maralitang mga mamamayan makabili lamang ng murang bigas mula sa NFA (National Food Authority), hindi lamang sa mga 80 parokya ng Simbahan at 400 palengke ng Kamaynilaan, kundi sa iba pang panig ng bansa, mukhang mahihirapan nang pasinungalingan ng mga tambolero ng Malakanyang ang naghuhumindig na katotohanan. Sabi nga, mahirap bolahin at utuin ang hungkag na mga sikmura at walang kinikilalang batas ang gutom.

Makabubuti marahil para sa pambansang liderato na tigilan na ang paglulubid ng buhangin lalo na, unang-una, tungkol sa krisis sa bigas, bukod sa walang habas na pagsalaula sa mga karapatan at kalayaang sibil ng sambayanan at, sa halip, matapat at lubusang pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan, hindi ang makasariling ambisyong pampulitika at bundat na bundat na nilang mga sikmura. Pinatalsik nga sa poder kamakailan lamang si Punong Ministro Jacques Edouard Alexis ng Haiti dahil sa naturang krisis na nagbunga ng mga kaguluhan at karahasan sa naturang bansa at, gayundin, lumaganap din ang rayot sa Bangladesh at Ehipto nang dumami nang dumami ang mga nagugutom dahil sa kakulangan ng pagkain.

O pambobola’t pambobola pa rin – sa lahat ng antas ng pambansang kapamuhayan — ang lagi’t laging patuloy na itutugon ng naghaharing rehimen sa nabanggit na sensitibong mga isyu? Pinatunayan na ng mga aral ng kasaysayan na hindi paulit-ulit na malilinlang ang namumulat na sambayanan.

Read Full Post »


(Editoryal)

PARANG HINIMAS saka binatukan ni Embahador Alistair MacDonald ng EU (European Union) ang administrasyon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa Kapihan sa Sulo Hotel kamakailan nang purihin niya muna ang ipinagyayabang ni La Gloria na 7.3% pagsulong diumano noong 2007 ng kabuuang produkto ng bansa o GDP (gross domestic product) at, pagkatapos, tinuligsa naman niya ang paglaganap ng karalitaan dito batay sa ipinalabas na datos ng NSCB (National Statistical Coordinating Board).

Kahindik-hindik – kung totoo – na sumulong ng 7.3% ang pambansang ekonomiya noong nagdaang taon. Ayon nga kay MacDonald, “kinikilala namin na pinakamahusay itong makroekonomikong nagawa sa loob ng 50 taon.” Gayunpaman, sa kabilang banda, waring gusto naman niyang isumbat sa pambansang liderato kung bakit maraming mamamayan ang nagdaralita at nabubuhay sa wala pang $1 sa bawat araw. Sa datos ng NSCB, tumaas pa ito mulang 30% at naging 33%. Binigyang-diin pa nga niya na lalong lumalaki ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at sa maralita.

Sa punto tuloy ni MacDonald, “kailangang pagsikapan ng gobyernong maisakatuparan ang mga layunin ng Millenium Development na ating pinagtibay para tiyak na mapagkalooban ng nararapat na serbisyo sa kalusugan at edukasyon at maging kabahagi sa pag-unlad ng ekonomiya ang pinakamahihirap na mga komunidad.” Kailangan din, sabi niya, na lutasin ng pamahalaan ang mga pagdukot at pagpatay na pampulitika sa bansa na tumindi mula nang maluklok sa kapangyarihan noong 2001 si La Gloria.

Umuunlad nga ba ang pambansang ekonomiya sa ilalim ng liderato ni La Gloria? Kung totoo ito, bakit lumalaganap pa ang karalitaan? Bakit tuluy-tuloy ang pandarayuhan – magpaalipin man – ng milyun-milyong manggagawang Pilipino kung gumaganda nga ang buhay sa Pilipinas? Bakit mga isang milyong Muslim sa Mindanaw ang umaasa sa donasyong pagkain ng ibang mga bansa (World Food Programme) upang makatawid-gutom sa araw-araw? Bakit, hanggang ngayon, milyun-milyong Pilipino ang walang bahay at lupa, walang trabaho, at hindi mapagkalooban ng kinakailangang edukasyon ang mga anak? Bakit, sa kabuuan, para sa masang sambayanan, miserable ang buhay sa sariling bayan, lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing mga bilihin unang-una na ang bigas?

Ayon nga kay Felipe Medalla, dating direktor heneral ng NEDA (National Economic Development Authority) at propesor ngayon ng ekonomiya sa Unibersidad ng Pilipinas, “waring isang kathang-isip na estadistika” ang sinasabing 7.3% pagsulong ng GDP. Kung susuriin, binigyang-diin niya, mga 5.5% lamang ito. Sa punto nga ng Global Source na nakabase sa New York, taliwas sa takbo ng kasaysayan ang ipinagyayabang ng rehimen na 7.3% pag-unlad ng ekonomiya at, sa opinyon nito, 5.6% lamang ang mararating na GDP ng bansa sa 2008. Sa maikling salita, sa tingin ng Global Source, hindi tunay na larawan ng pambansang ekonomiya ang ipinipinta sa sambayanan ng naghaharing rehimen.

Salungat din sa reyalidad ang 7.3% GDP, ayon naman kay Cielito Habito, dati ring direktor heneral ng NEDA. “Maraming mga dahilan upang pagdudahan ang mga datos na ibinibigay ngayon sa atin,” sabi niya. Kung totoong umuunlad ang ekonomiya, tanong niya, bakit 150,000 trabaho lamang ang nalikha ng gobyerno noong 2007? Sa nakaraang mga taon, binigyang-diin niya, pinakamababa ang naturang bilang na, di nga kasi, dapat na tumaas pa kung talagang mabilis ang pagsulong ng pambansang ekonomiya.

Saan, kung gayon, napulot ni La Gloria ang ipinagyayabang na datos – hanggang Hong Kong sa tatlong araw na 11th AIC (Asian Investment Conference, Marso 31-Abril 2 ngayon) – na nakamit ng bansa ang 7.3% GDP noong nagdaang taon? O mahilig siyang magpunta sa Enchanted Kingdom sa Laguna at nakahiligan niyang sumakay sa tsubibo (ferris wheel) ng panlilinlang upang makapangunyapit lamang sa kapangyarihan?

Hindi na tuloy katakataka na sa Grand Hyatt Hotel sa Hong Kong, sinalubong agad siya ng nagpoprotestang migranteng mga manggagawa na pawang nakaputing maskara at may nandudumilat na mga titik na: “sinungaling,” “mandaraya,” at “mamamatay-tao;” may mga plakard pa ang iba na malinaw na nakasulat ang “Bigas, hindi pagwawaldas!” at “Patalsikin si Gloria.”

O talagang nasasarapan si La Gloria sa pagsakay sa tsubibo ng panlilinlang habang dayukdok naman at nagdaralita, sa kabilang banda, ang binibilog ang ulo o inuutong masang sambayanan?

Read Full Post »

Older Posts »