Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘Kolum’ Category

Sugapa sa Kapangyarihan


(Kolum)

LALONG LUMIIT sa mata ng opinyon publiko ang pagkatao ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo nang maghain siya ng kandidatura sa pagka-kongresista ng Ikalawang Distrito ng Pampanga. Gaya ng maraming hunyangong pulitikong nakaugalian nang sangkalanin ang “paglilingkod sa bayan” kahit, sa katotohanan, ang pagkasugapa lamang sa kapangyarihan, impluwensiya’t sangkatutak na mga pribilehiyo ang pinanggigigilang yakapin nang husto, idinahilan ni La Gloria na “matapat” pa rin niyang layuning ipagpatuloy ang serbisyo publiko, lalo na para sa kanyang mga kabalen sa naturang distrito, ngayong magwawakas na ang pamamayagpag niya sa poder bilang Presidente ng tinatawag niyang “Matatag na Republika.”

Bagaman binibigyang-diin ng mga tambolero ng Malakanyang na taos sa puso ni La Gloria na paglingkuran pa diumano ang sambayanan — kahit siyam na taon na siyang naging Pangulo ng Republikang Mamon, bukod pa bilang Bise-Presidente noon — lalo lamang dumami ang nagdududang ang pagkandidato niya bilang kongresista ay bahagi ng isang makasariling planong mangunyapit habang-buhay, sa anumang paraan, sa nakababaliw na kapangyarihang pampulitika.

Kahit hindi na nga siya puwedeng kumandidato ngayon bilang Presidente, legal naman at lehitimo niyang karapatang tumakbo sa higit na mababang puwesto — senador man o kongresista, gobernador man o alkalde o konsehal o maging kapitana de barangay. Pero, sa punto ng mga kritiko, hindi na dapat gawin ni La Gloria ang gayon kung mayroon pa siyang natitirang delikadesa o pagpapahalaga sa sariling dangal at sa dignidad ng pagiging pangulo at, isa pa, kung talagang sagad-buto ang pagnanasa niyang makapanatili sa ruweda ng nakasusulukasok na pulitika, marapat lamang na magbitiw na siya ngayon sa tungkulin at, sa ngalan din ng delikadesa, binigyang-diin ng kanyang mga kritiko, hinihingi ng pagkakataong umalis na sa Malakanyang si La Gloria ngayong kumandidato na siyang kongresista, gayundin ang iba pang opisyal ng gobyerno na kumakandidato, upang hindi nila magamit ang anumang pondo, impluwensiya, pribilehiyo at kapangyarihan ng kani-kanilang puwesto laban sa sinuman, lalo na nga laban sa mga katunggali sa pulitika.

Natural, at dapat lamang asahan, wala na yatang pulitiko sa ilalim ng Republikang Mamon ang hindi naghahangad na manatili sa kapangyarihan habang panahon kaya nga, sa kabilang banda, yumabong at lumaganap ang mga dinastiyang pampulitika. Higit na masama, sino pa nga ba sa naghambalang na mga pulitiko ang may delikadesa? Sabi nga, ang delikadesa at palabra de honor ay basahan lamang nila sa pasilyo ng kapangyarihan o pamunas pa ng puwit araw-araw. Sino pa nga ba sa kanila ang marunong pang magpahalaga sa sariling dangal o dignidad o pagkatao? Malinaw na magkakabalahibo sila at sementado ang mga pagmumukha kaya, sa kabilang banda, hindi kailanman maaari silang itulad sa mga opisyal ng bansang Japan na nagbibitiw agad sa puwesto kahit miyembro lamang ng kanilang pamilya ang nasangkot sa anumang eskandalo, at lalo na nga kung sila pa mismo ang pinaratangan ng katiwalian. Kung minsan, dahil sa labis na kahihiyan sa publiko, nagagawa pa nilang magpakamatay, hindi nag-uutos na patayin ang sinumang mga kalaban at mahihigpit na kritiko.

Sapagkat kalimitang kabaligtaran ang kahulugan ng mga salitang nagmumula sa bibig ng mga pulitiko, halimbawa’y asahang kakandidato pa kapag binibigyang-diing di na kakandidato, puspusang paglilingkuran ang pansariling interes kapag sinabing matapat na paglilingkuran ang bayan, sasalaulain ang batas at demokratikong mga proseso kapag ipinangalandakang pangangalagaan at ipagtatanggol ang katarungan, ipapapatay ang mga magsasaka kapag sinabing ipatutupad ang reporma sa lupa o magpapakalunod kaya sa korupsiyon kapag ipinangakong susugpuin ito, at iba pa, at iba pa, lumilitaw tuloy ngayon na ang imposible ay maaari nang mangahulugang napakaposible.

Sa pagkandidato ngayon ni La Gloria bilang kongresista ng Ikalawang Distrito ng dakilang nasyon ng mga kabalen, mahirap tuloy paniwalaan agad ang ipinangangalandakan ng mga salamangkero at tambolero ng Malakanyang. Ayon sa kanila, produkto lamang ng mapaglarong imahinasyon — at walang malinaw na mga batayan — ang nilalarong pambansang mga senaryo ng mga palasuri at sumusubaybay sa mala-telenobelang pulitika sa lupain ng mga Indio. Una, sabi nila, isang malaking kahangalan ang iparatang na hindi magkaka-eleksiyon sa Mayo 10, 2010 at, katunayan, dugtong nila, handang-handa na ang tanghalan ng halalan kaya nga nagkukumahog ang Comelec sa mga dapat gawin para sa isang de-makinang (automated) eleksiyon na gagarantiya diumano sa mapayapa, maayos, at malinis na prosesong magluluklok sa poder sa mga susunod na opisyal ng bansa, higit sa lahat ay kung sino nga ang hahalili kay La Gloria sa Malakanyang. Imposible, kung gayon, idinakdak nila, na mangunyapit sa pagka-presidente ang Reyna ng Malakanyang sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar, gaya nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Pero, sa kabilang banda, may imposible pa nga ba sa Pilipinas? Limang buwan pa bago mag-Mayo 2010, at marami pang posibleng mangyari, halimbawa’y ang paglaganap ng mga karahasang pampulitika sa iba’t ibang panig ng bansa. Nariyan na nga ang kasumpa-sumpang masaker sa Maguindanao na ikinasawi ng 57 katao — peryodista ang 31 sa mga ito — bukod pa sa paisa-isang mga pagpatay kaugnay ng nakasusukang pulitika sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sapagkat Mafioso at utak-pulbura ang maraming pulitiko, at inutil ang AFP at PNP na walisin ang nagkalat na pribadong hukbo ng makapangyarihang mga pulitiko — bagaman ipinakikita ngayon ni La Gloria ang ngipin ng batas sa kaso ng kaalyado niyang mga Ampatuan (o pakitang-tao lamang ito?), inaasahang lalaganap pa ang gayong mga karahasan habang papalapit ang eleksiyon dahil pera pa rin at baril at mga mamamatay-tao ang hindi maikakailang hukom ng bawat halalan sa bansang ito. Sa malao’t madali, hindi naman kaya sumunod ang biglang mga pambobomba sa maraming lugar? (May pambobomba na ngang nangyari sa Jolo nito lamang Dis. 5). Kung magkagayon, napakadali nang pangatuwiranang kailangan nang ipailalim sa Batas Militar ang Matatag na Republika ni La Gloria (idineklara na nga ito, Dis. 5 rin, kahit sa Maguindanao lamang) at, natural, kapag pinairal na sa buong bansa ang naturang batas, hindi na basta mapapaknit ang kanyang puwit sa inodoro ng kapangyarihan, maliban na lamang kung magkudeta ang mulat na sektor ng militar o matagumpay na magrebolusyon ang sambayanan.

Tanggapin nang suntok sa buwan na ipailalim ang bansa sa Batas Militar, imposible bang mamaniobra ni La Gloria at ng kanyang masusugid na basalyos ang resulta ng eleksiyon pabor sa kanila? Preparasyon ba para sa isang parlamentaryo-pederal-unikameral na sistema ng gobyerno ang pagkandidato ni La Gloria sa pagka-kongresista — tanggapin na ring magkaka-eleksiyon sa susunod na taon — kaya hindi rin imposibleng maging Punong Ministro naman siya sa ilalim ng bagong sistema? Sabi ng mga salamangkero ng naghaharing rehimen, hindi papayag ang susunod na Presidente ng bansa na magkagayon dahil gumastos ito nang husto at nagpakahirap sa pangangampanya maging Presidente lamang at gagawin nito ang lahat, binigyang-diin ng mga tambolero ng Malakanyang, na hadlangang maging parlamentaryo ang sistema ng pamahalaan upang hindi mauwi sa bula ang pagigi nitong Presidente.

Pero wala na ngang imposible sa ilalim ng Republikang Mamon. Matagal nang nabibili ang mga prinsipyo’t paninindigan, maging karangalan, sa pamamagitan ng limpak-limpak na kuwarta at masaganang mga konsesyon. Imposible ba, kung gayon, na maging Espiker muna ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si La Gloria saka puspusang isulong na mag-Cha-Cha (charter change) o pagbabago sa 1987 Konstitusyon tungo sa gobyernong parlamentaryo, hindi na presidensiyal? Sa kawan ng bastardong mga pulitiko, sino pa nga ba ang hindi nabibili sa tamang halaga?

At isaalang-alang din na nanggigigil si Uncle Sam na baguhin nga ang Saligang-Batas upang lalo nitong maisulong ang masiba nitong imperyalistang mga patakaran kung maibabasura na ang mga limitasyong pang-ekonomiyang nagtatakda ng dayuhang pamumuhunan dito para, sa kabilang banda, makapagmay-ari na sila ng mga lupain at gusali dito, 100% makontrol ang mga korporasyon at negosyo, at mapasok pa’t makalantari maging ang pambayang mga utilidades na dapat na nasa kamay lamang ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang seguridad at makabayang ekonomiya. Hindi kaya ito ang ibinulong ni Sekratarya Hillary Clinton ng Estado ng Amerika nang makipag-ututang -dila siya kamakailan kay La Gloria? O ang pagbabago sa Konstitusyon ang pangunahing dahilan din kung bakit sinusuportahan ng mga opisyal na Amerikanong dumalaw kamakailan sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) at ng gobyerno tungo sa katuparan ng BJE (Bangsamoro Juridical Entity) na, di nga kasi, malabong mangyari kung hindi pederal-parlamentaryo ang sistema ng gobyerno?

Marami pang masalimuot na mga katanungan ang dapat sagutin at linawin ng naghaharing rehimen kaugnay ng posibleng mga senaryong kinakaharap ng bansa — lalo’t kaugnay ng pagkandidato ngayon ni La Gloria sa pagka-kongresista, bukod sa sinasabing masidhi nitong hangaring mangunyapit sa inodoro sa kubeta ng kapangyarihan. Isang bagay ngayon ang hindi na mapag-aalinlanganan: tiyak, magka-eleksiyon man o hindi, puspusan at tuluy-tuloy na igigilgil ng mga basalyos ni La Gloria at ng mga tuta ni Uncle Sam ang pagbabago sa Konstitusyon at paiindakin sa Cha-Cha ang payaso’t sirkerong mga pulitiko — anuman ang mangyari o anumang konsesyon ang isupalpal sa kanilang mga bunganga o gaano mang pera ang ipalamon sa mala-imbudo nilang bulsa — maikamada lamang o maikasa ang mga baraha tungo sa katuparan ng masidhi’t nakababaliw na makasariling mga ambisyon.

Sa ngalan nga ng pagkasugapa sa kapangyarihan, wala na ngayong moral o imoral, legal o ilegal, etikal o garapal. Ano pa nga ba ang delikadesa’t kredibilidad, palabra de honor o dignidad, at prinsipyo o paninindigan basta nakataya ang masidhing pagnanasang makapanatili sa kapangyarihan mapinsala man ang pambansang kapakanan? Punyeta lamang ang katumbas ng mga iyon, at lalong hindi ikatitigatig ng konsensiya ng mga kinauukulan kung walang patumangga man nilang itambak lamang at bulukin ang sagradong mga bagay sa poso negro ng nakasusuka’t nakapaghihimagsik na pambansang pulitikang patuloy na kontrolado’t sinasalaula ng uring mapagsamantala’t diyus-diyosan tungo sa higit pang kapinsalaan ng bansa na, natural at dapat asahan, lalo namang magbubulid sa masang sambayanan sa kaalipinan at higit na miserableng pamumuhay.

Advertisement

Read Full Post »

Malakanyang: Naghubad Na


(Kolum)

TULUYAN nang naghubad ng palda’t panty ang Malakanyang at ipinakita na ang lahat-lahat nang italaga ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ang dati niyang tagapayo sa pambansang seguridad, si Norberto Gonzales, Jr., bilang bagong kalihim ng Tanggulang Bansa o DND, kapalit ni Amboy Gibo Teodoro, Jr. na naghahangad namang maging Presidente ng Republikang Mamon. Natural, tinuligsa agad ng makabayang mga sektor ng lipunan na nagmamahal sa kalayaan at nagpapahalaga sa demokratikong mga proseso at mga karapatang sibil ng sambayanan ang pagkakahirang kay Gonzales sa naturang puwesto.

Ayon nga kay Lito Ustarez, pangalawang pangulong tagapagpatupad ng KMU (Kilusang Mayo Uno), “muling binuhay si Adolf Hitler” ni La Gloria, “at inaasahang titindi’t lalaganap ang extra-hudisyal na mga pagpatay, dadami ang mga desaparecido at, gayundin, maghahari ang militarisasyon sa bansa, lalo na sa Mindanaw.” Kilala pa nga si Gonzales bilang reinkarnasyon diumano ni McCarthy, isang pulitikong Amerikano noon na mahilig magpakalat ng mapanirang mga propaganda sa mga itinuturing niyang kaaway ng Estado, lalo na laban sa mga kritiko ng rehimen at sumasalungat sa mapandambong na kapitalismo at nagsulong din, kaugnay nito, ng maruruming taktika at imbestigasyon sa mga pinaghihinalaan niya lamang na mga Komunista.

Sinasabi ding itinalaga si Gonzales sa naturang puwesto upang tiyakin ang panalo ng masusugid na basalyos ni La Gloria sa darating na sarsuwela ng hunyangong mga pulitiko kung hindi nga tatangkain ng administrasyon na idiskaril ito sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga karahasan sa bansa upang mapangatuwiranan namang ideklara ang Batas Militar, lalo na nga’t mukhang tagilid nang maigilgil pa ang pagbabago sa umiiral na Konstitusyon.

Matatandaan, noon, iminungkahi na ni Gonzales na magbuo ng isang gobyernong transisyonal na patatakbuhin ng isang konsehong pamumunuan ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema para mag-Cha-Cha (charter change) bago mag-Mayo 10, 2010. Ngayon naman, gusto niya ang isang ” pamahalaang rebolusyonaryo” tulad nang ginawa ni dating Pres. Cory Aquino (SLN) para mabalangkas agad ang isang bagong Konstitusyon nang hindi na kailangan ang suporta o pagsang-ayon ng makulit na Senado o ng buong Kongreso ng mga payaso’t sirkero. Maliwanag, layunin nitong mapanatili pa sa poder ang naghaharing rehimen upang mailigtas naman sa naghihintay na santambak na kaso, mga krimen laban sa bansa’t sambayanan, ang Reyna ng Malakanyang kung mawala na nga ito sa kapangyarihan.

O bahagi ito ng pakana ng Estados Unidos ng Amerika na kilala nang likas na pakialamero sa kasarinlan o soberanya ng mga bansang gusto nitong panghimasukan, pagsamantalahan at pagharian para makapagluklok sa poder ng mga papet na gobyerno at maisulong naman ang mapandambong na imperyalista nitong mga patakaran — pampulitika man, pangkultura man at, higit sa lahat, pang-ekonomiya (balik-suriin na lamang ang mga ginawa nitong kaguluhan sa Korea at Vietnam, sa Iraq at Afghanistan, at sa ibang mga bansa sa Amerika Latina at Aprika).

Nang biglang tumuntong sa lupain ng mga Indio kamakailan si Sekretarya ng Estado Hillary Clinton ng Amerika, naghubad na rin ng palda ang Amerika at ibinuyangyang na rin ang labis na pagnanasang mapanatili ang kontrobersiyal na VFA (Visiting Forces Agreement) at mabago ang umiiral na Konstitusyon para maibasura ng walang gulugod na pambansang liderato ang mga limitasyong pang-ekonomiyang nakapaloob sa 1987 Konstitusyon na, maliwanag, humahadlang pa kahit paano sa lubos na kalayaan ng dayuhang mga kapitalista, lalo na ng mga Amerikano, na kalantariin, gahasain, at laspagin nila ang pambansang pulitika’t kabuhayan. Hindi kaya isa ito sa ibinulong at idinikta ni Hillary kay La Gloria kapalit ng mga ipinangalandakang ayuda sa mga napinsala ng mga bagyong Ondoy at Pepeng, bukod sa iba pang ipinangakong anumang tulong sa naghaharing rehimen para matiyak na isa na namang papet ni Uncle Sam ang susunod na hahalili kay La Gloria kung hindi na ito patuloy na magpakasugapang mangunyapit sa inodoro ng kapangyarihan?

Natural, kung maipalulunok agad sa titiguk-tigok na lalamunan ng sambayanan ang minimithing Cha-Cha, niliwanag na noon pa man ng masusugid na basalyos ni La Gloria na pahihintulutan na ang dayuhang mga kapitalista, una na ang mga Amerikano, na makapagmay-ari na rito ng mga gusali’t lupain, 100% kontrol sa mga korporasyon at negosyo at, higit na masama, maaari pa nilang pasukin maging ang pambayang mga utilidades sa kapinsalaan ng pambansang seguridad tulad ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, mga ospital at paaralan, at kahit “mass media” (peryodiko, radyo’t telebisyon). Sa maikling salita, lubusan na nilang mamaniobra’t mapagsasamantalahan ang pambansang kapamuhayan, lalo na ang likas na mga kayamanan nito. Kung ganito rin lamang, bakit hindi pa ibenta ang Republikang Mamon at ipasakop nang lubusan at gawing isa pang bagong Estado ng mga Amerikano, tulad ng Guam, Hawaii at Alaska? O disimulado na ngang nangyayari ito?

Kailan ba tumulong ang Amerika sa diumano’y “mga kaibigan” nito nang walang hinihinging kapalit? Maaalaala, nang panghimasukan nito at agawin ang tagumpay ng Rebolusyong 1896 ng Pilipinas at ibalik noong Hulyo 4, 1946 ang kinulimbat nitong kasarinlan ng bansa, pinatutunayan ng kasaysayan na ikinamada muna ni Uncle Sam ang kung anu-anong tratado na maliwanag na pabor lamang sa mapandambong at mapaghari-harian nitong imperyalistang mga patakaran na, hindi mapapasubalian, nagpalaganap ng inhustisya’t karalitaan hanggang ngayon sa ating bansa.

Maisulong nga lamang ang gayong mga interes, sa pakikipagsabuwatan na rin ng naghaharing rehimen, sinasakyan ng mga diyus-diyosan sa Washington ang isyung ipinaglalaban ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) — ang pagkakaroon ng isang nagsasariling Bangsamoro. Maaalaala, noon pang 2008, kahit gustong ilihim, dumalaw si Embahador Kristie Kenny sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, at nakipag-usap sa mga opisyal ng MILF bilang pagpapahayag ng suporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng nagrerebeldeng grupo. Kamakailan naman, at halatang pang-uuto, bigla ring sumulpot doon ang ilang opisyal ng Embahada ng Amerika dito — sina Leslie Basset (charge d’affairs), Michael Pignatello (poilitical officer), Anthony Senci (embassy defense minister), at Elzaida Washington (US-AID country director). Natural, ipinangalandakan nila sa mga opisyal ng MILF, kina Ebrahim Murad at Ghazali Jaafar, ang lubos nilang pagsuporta at paghahandog ng anumang ayuda sa naunsiyaming usapang pangkapayapaan tungo sa katuparan ng BJE (Bangsamoro Juridical Entity) na mapanlinlang na inilawit-lawit noon ng mga negosyador ng gobyerno gayong alam na alam naman nila, dahil hindi naman sila hangal at bobo, na hindi maaaring pirmahan at pagtibayin ang mga dokumentong kaugnay niyon nang hindi muna babaguhin ang 1987 Konstitusyon tungo sa isang parlamentaryo-pederal-unikameral na sistema ng gobyerno, hindi na presidensiyal tulad ngayon.

Maliwanag din tuloy, sa biglang pagsulpot doon ng naturang mga opisyal na Amerikano, na ginagamit nila ang isyu ng usapang pangkapayapaan para maisulong din ang Cha-Cha at maitatag ang isang pederal o nagsasariling Bangsamoro. Isa rin itong taktika ng Amerika na putulin ang ugnayan ng MILF at ng CPP-NPA sa Mindanaw at. kung magagawa nila ito, saka naman ibubuhos ang anumang puwersa laban sa may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakiklbaka ng CPP-NPA laban sa imperyalismong Amerikano, burukrata kapitalismo at piyudalismo tungo sa pagkakaroon ng minimithi nilang pambansang katubusan at pagbabago. Hindi pa nga natutupad ang mga layunin ng Amerika, sinasabing naglalaway na itong makapagtayo ng estratehikong base militar sa Mindanaw at magahasa ding lubusan ang masaganang likas na yaman ng naturang teritoryo.

Sa nabanggit na mga eksena, ano naman nga — kung gayon — ang papel na gagampanan ng bagong sekretaryo ng DND? Gaya ng pelikulang “The Executioner” at “The Terminator,” si Gonzales ba ang puspusang magmamaniobra at magpapatupad ng mga pakana ng kutsabahang Amerika-La Gloria? Kung ganito nga, lalo’t naghubad na ng palda’t panty ang Malakanyang, “kaiingat kayo,” sabi ng propagandistang bayaning si Marcelo H. del Pilar noong panahon ng kolonyalismong Kastila. — #

Read Full Post »

Sino Ang Mga Dapat Parusahan?


(Kolum)

NAKALULUNOS ang serye ng mga larawang bumulaga sa telebisyon sa kasagsagan ng mga pagbaha sa Kamaynilaan at iba pang panig ng kapuluan bunga ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Para iyong mga eksena ng malagim na pelikulang nagsasalimbayan sa balintataw at mahirap basta-basta mabura sa gunita — mga bangkay na natabunan ng gumuhong mga bato at putik o nilunod kaya ng rumaragasang mga pagbaha, mga bahay na nawasak, mga pananim na ganap na napinsala, mga mukha ng gutom at dalamhati sa bubong ng mga bahay, mga musmos na nag-iiyakan, mga sumagasa sa baha malimusan lamang ng anumang tulong, mga lupasay na katawan ng mga taong nagsisiksikang parang mga sardinas sa mga sentrong-likasan, at mga nakaligtas nga ngunit wala namang mga ari-arian at kabuhayang maaaring balikan.

Nakakaantig din naman ng damdamin, at dapat mataos na pasalamatan at saluduhan, ang pagdagsa ng kung anu-anong tulong sa mga napinsala — pera, pagkain, damit, gamot, at iba pa — mula sa iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na mula sa mismong masa o ordinaryong mga mamamayang laging handang dumamay sa mga kapwa nila maralita o kapus-palad. Kapuri-puri rin ang pagkilos ng mga kapwa Pilipino sa iba’t ibang bansa na nagpaabot ng anumang makakayanan upang makatighaw man lamang, kahit bahagya, sa pagdurusa ng mga biktima ng malagim na pagbaha.

Nakasusuka naman, at nakasusulak ng dugo, sa kabilang banda, ang mga buladas at pagpapabida sa harap ng gumigiling na kamera ng telebisyon ng mga opisyal ng pamahalaan, sa pangunguna ni La Gloria, habang ibinabandila ang mga pagpupulong at talakayan at ang ipinagdadakdakang mga nagawa na at mga hakbang na dapat gawin agad upang malunasan diumano, at mahadlangan sa hinaharap, ang grabeng mga kapinsalaan at problemang idinulot ng naturang trahedya. May mga pasiklab na imbestigasyon pa nga sa Kongreso upang linawin kung sino ang nagpabaya o nagkasala — at dapat managot, sa aba naming palagay, sa sambayanan: paupuin kaya sa silya-elektrika o lunurin sa baha o habangbuhay na bulukin sa bilangguan– upang makatighaw man lamang sa pagdurusang umaalipin pa rin hanggang ngayon sa mga naging biktima. Sa kabila ng magandang imaheng pilit na ipinipinta ng mga awtoridad sa mata ng opinyon publiko, halatang-halata namang naghuhugas-kamay sila sa mga nangyari, nagsasa-makabagong mga Pilato gayong, kung tutuusin, matagal na nilang ipinapako sa krus ang masang sambayanan dahil sa kanilang mga kapabayaan, katiwalian at kainutilan.

Sabi nga, magkumahog man sila ngayon sa paglalapat ng mga solusyon, huling-huli na ang lahat at patay na ang kabayo bago pa dumating ang kakaining pulot at damo. Noon pa mang nagdaang mga rehimen, at pati nga ngayon, naipon at nagkapatung-patong na ang mga kasalanan ng kinauukulang mga opisyal ng gobyerno. Hindi man lamang pinag-aralang mabuti ang magiging epekto sa kalapit na mga komunidad, maraming tusong mga negosyante ang agarang pinagkalooban ng mga konsesyon sa pagtrotroso at, higit na masama, ibinasura lamang at hindi mahigpit na ipinatupad ang batas laban sa ilegal na pagtotroso na, kalimitan,kasabuwat pa o protektado pa ng bastardo’t gahaman at makapangyarihang mga pulitiko ang grupo o kompanya ng mga ilegal na nagtotroso.

Bilang pangangayupapa sa dayuhang mga korporasyon, at wala ring masusing pag-aaral, pinahintulutan din ang walang habas na pagmimina sa maraming kabundukan ng Republikang Mamon kaya lalong lumalala ang pagkawasak ng kalikasan. Idagdag pa nga, dahil sa nakaugaliang “lagay” o suhol at walang malinaw na pagpaplano o tinatawag na “zoning,” sinertipikahan ng tiwaling mga opisyal na industriyal ang talagang lupaing agrikultural kaya nagsulputang parang mga kabute sa mga dating palayan at maisan, lalo na sa Gitnang Luson at Timog Katagalugan, ang naghambalang na mga pabrika’t subdibisyon.

Higit na masama, hinawan at pinatag upang gawin ding subdibisyon maging ang makahoy na dalisdis ng mga bundok at dating mga burol, na mabisang pumipigil noon sa mga pagbaha. Nariyan din ang kumipot at bumabaw na mga ilog, kanal at estero na daluyan ng tubig tungo sa karagatan. Bagaman, sa kabilang banda, may inilalaang malaking pondo para sa paglilinis at pagpapalalim sa naturang mga daluyan ng tubig, pinabayaan lamang ito ng mga henyo sa DPWH (Dept. of Public Works & Highways) o kung kumilos man sila ay pakitang-gilas lamang, kaya patuloy pang naging tapunan ito ng mga basura o sinasarahan o binabarahan kaya ng nagsulputan pang mga bahay. Wala na nga yata sa bokabularyo ng mga ganid na lingkod ng bayan ang praseng “pambayan o pampublikong kapakanan” at ang paborito nila ngayong mga salita ay: “Magkakapera ba ako diyan? Magkano ang akin diyan?”

Sino nga ang dapat sisihin, at parusahan, sa mga trahedyang dulot ng grabe’t malaganap na mga pagbaha? Paano na ang mga bahay na nawasak at inanod? Paano na ang nawasak na mga tulay at kalye at iba pang imprastrukturang galing sa buwis ng nagdaralitang sambayanan? Paano na ang mga pananim na hindi na pakikinabangan? Higit sa lahat, paano na ang ibinuwis na mga buhay maging ng mga musmos pa lamang? Paano na ang mumunting pangarap ng mga pamilyang naging biktima? Kasalanan ba ito ng malakas at matagal na pag-ulan lamang? Kasalanan ba ito ng Diyos ni Abraham o malinaw ding kasalanan ng mga diyus-diyosan sa lipunan at pamahalaan?

At, kaugnay ng mga nabanggit, sa kabila ng mahigpit na pangangailangang lawitan agad ng tulong ang napinsalang mga pamilya, huwag na ang pagsasaayos sa nawasak na mga tulay, kalye, at ibang imprastruktura, bakit waring napakabagal ang pagpapalabas ng gobyerno sa P10 bilyon pondo sa kalamidad, bukod pa sa nalikom na abuloy mula sa iba’t ibang mga bansa at organisasyon? O dudugasin lamang ito ng mga palsipikadong makabayan para sa kanilang kampanya sa darating na sarsuwela ng mga hunyangong pulitiko sa Mayo 10, 2010?

Kung ang pagbabatayan tuloy ay ang pahayag kamakailan ng Peasants-USA, isang organisasyong nagtataguyod sa pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga campesino (peasant) sa buong mundo, may kriminal na pananagutan ang rehimeng Macapagal-Arroyo, ang NAPOCOR (National Power Corporation), at ang iba pang opisyal ng gobyerno sa labis na kapinsalaang idinulot ng nagdaang trahedya.

Noon pang 1998 nang sinisimulan pa lamang ang konstruksiyon, sabi ng Peasants-USA, tinutulan na ng mga taga-Cordillera, lalo na ng mga taga-Benguet, gayundin ng mga taga-Pangasinan at iba pang probinsiya sa Gitnang Luson, ang pagtatayo ng San Roque Dam dahil nakita na nila ang kapahamakan at kapinsalaang idudulot nito sa nabanggit na mga komunidad. Sa nagdaang trahedya, sa Cordillera na lamang at Pangasinan, 250 ang namatay at nagkaroon ng mga 40 insidente ng pagguho ng lupa, bukod pa nga sa mga ibinuwis na buhay at ari-arian sa binahang mga lugar sa Kamaynilaan, mulang Antipolo at Marikina hanggang Pasig hanggang sa mga bayan-bayan na malapit sa umapaw na Laguna de Bay.

Pinakamalaki diumanong prinsa sa buong Asya ang San Roque Dam bago itinayo ang Upper Yangtze River Dam sa China. Pinondohan ang pagtatayo nito ng $1.2-bilyon ng JBIC (Japan Bank for International Cooperation) at bahagi ng kontrobersiyal na PPA (Power Purchase Agreements) na hindi maikakailang labis na nagpataas sa singil ngayon sa kuryente. May taas itong 220 metro, may sakop na habang 1.13 kilometro, at may kabuuang sakop na 12.8 kilometro kuwadrado.

Kapag nagpakawala ito ng tubig (may kapasidad itong 850 milyong metro kubiko ng maiimbak na tubig na makalilikha naman ng 345 megawatts na kuryente), raragasa ang tubig nito sa Ilog Agno sa Cordillera at daraan sa tinitirhan ng mga tribong Ibalois at Kan-kanaey doon bago dumaloy sa mga ilog sa Gitnang Luson. Sa itaas ng San Roque Dam ang naunang itinayo noong dekada ’50 na Ambuklao Dam at ang Binga Dam na itinayo naman noong dekada ’60.

Pag-aari ang 75% ng San Roque Dam ng Marubeni Corporation at 25% ng Kansai Electric Power Co. Ltd. na nagbebenta naman ng kuryente sa Napocor. Nang manalasa ang mga bagyong Ondoy at Pepeng, ipinaratang ng Peasants-USA na kailangan nang magpakawala ng tubig ang mga awtoridad ng Napocor dahil umabot na ng 280 metro — na siyang ultimong kapasidad — ang taas ng tubig sa dam o prinsa (Okt. 4-5) pero nag-atubili ang kinauukulang mga awtoridad na pakawalan iyon nang unti-unti.

Sa labis na panghihinayang sa mawawalang kuryenteng maiimbak, hinintay pa iyong tumaas ng 288 metro saka libu-libong metro kubiko ng tubig ang biglang pinakawalan bawat segundo, kaya hindi nga katakatakang biglang grabeng bumaha sa maraming lugar na tutuluyan ng rumaragasang tubig. Alam na nga natin ang naging malagim na resulta niyon sa maraming komunidad ng bansa, lalo na nga sa Cordillera, Pangasinan at Kamaynilaan.

Bakit hindi unti-unting nagpakawala na ng tubig ang San Roque Dam noong Oktubre 4 nang 280 metro na ang taas ng naimbak na tubig niyon at hinintay pang maging 288?, mariing tanong nga ng Peasants-USA. Maliwanag, ayon sa kanila, inuna pa ang kapakanan ng negosyo bago ang kapakanan at kaligtasan ng maaapektuhang mga mamamayan at komunidad. Umiral. kung gayon, ang kasuwapangan at kawalang-puso ng mga kapitalista, gayundin ang kapabayaan at kainutilan ng kinauukulang mga opisyal ng pamahalaan kaya naganap ang nakalulunos na trahedya.

Sino, kung gayon, ang dapat managot at parusahan sa bagay na ito? Ang Diyos ba ni Abraham o ang mga diyus-diyosan sa pamahalaan at lipunan? Ayon nga sa paratang ng Peasants-USA, malaki ang kriminal na pananagutan ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ng NAPOCOR, at ng iba pang opisyal ng burukrasya sa mahirap makalimutang nagdaang trahedya.

Paano kaya kung sila naman, kabilang ang kanilang mga pamilya, ang malunod sa baha? — #

Read Full Post »

Kuta Ng Ipokrisya


(Kolum — Hulyo 30, 2009)

NANG mamatay kamakailan na walang-wala pa rin ang isang magsasaka sa aming baryo, at halos kumain-dili ang kanyang pamilya’t wala ni isang dangkal na lupa, hindi namin naiwasang maalaala ang isang Ted Turner na kinilala sa Estados Unidos ng Amerika na may pinakamalawak na lupain doon — mga 800,000 ektarya o 1.7 milyong acre na nasa limang iba’t ibang estado. Humagupit din sa aming isip ang 6,000 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlak nina Tita Cory Cojuangco-Aquino, gayundin ang libu-libong ektaryang lupain ni Danding Cojuangco sa Pontevedra, Negros, na kapwa hindi nasakop ng reporma sa lupa dahil ginawang korporasyon.

Naisip din namin ang libu-libo ring ektaryang lupain ng Simbahan sa iba’t ibang lugar ng bansa. Sa panahon pa nga ng kolonyalismong Kastila, lalo na nang pagtibayin ang Batas Maura na nagtadhanang kailangang iparehistro ang lahat ng lupain upang mapagkalooban ng “titulo torrens” o katibayan ng pagmamay-ari, nakamkam ng korporasyon ng mga prayle ang maraming malalawak na lupain. Dahil nasusulat sa wikang Kastila ang naturang batas at hindi naunawaan ng maraming mamamayan, hindi naiparehistro ng mga kinauukulan ang kanilang mga lupain at, sa halip, ang mga prayle ang nagparehistro niyon.

Sa maraming panahon, napalawak pa nang napalawak ng Simbahan ang kanyang mga lupain sa bansa dahil na rin sa mayayamang Indio na labis na naniwala sa aral ng Simbahan na “madali pa sa isang kamelyo na makapasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman sa pinto ng langit” at “mapapalad ang mga maralita at mapapasakanila ang kaharian ng langit” kaya inihandog sa mga prayle ng naturang mga Indio ang iba’t iba nilang lupain. Higit na masama, hindi naibalik sa mga Pilipino ang pagmamay-ari niyon matapos maibagsak ang kolonyalismong Kastila. Sa pamamagitan ng Tratado ng Paris sa pagitan ng pakialamerong Amerikano at ng mga opisyal na Kastila, binayaran ng Amerika ng $20-M ang Espanya upang ang mga Amerikano naman ang sumakop sa bansa pero, sa kabilang banda, kailangang irespeto ng pamahalaang Amerikano ang karapatan sa mga ari-arian ng mga Kastila dito; ibig sabihin, hindi maaaring galawin o kumpiskahin o pakialaman ng mga Amerikano ang mga propiyedad ng mga Kastila dito — lupain man o negosyo, mga bahay man o gusali o anupaman — kaya patuloy na nanatili sa kamay ng Simbahan at ilang tao ang pagmamay-ari sa malalawak na lupain, mga bangko at imprenta, mga kolehiyo at unibersidad, at iba pa, sa maraming dako ng kapuluan.

Bukod sa Simbahan, batay sa datos ng Estadistikang Pang-agrikultura, 21% ng lupaing agrikultural sa bansa ang pag-aari lamang ng 500 tao habang, sa kabilang banda, ayon kay Danilo Ramos, sekretaryo-heneral ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, 2 milyong magsasaka ang nagtitiis bungkalin at pagkunan ng ikabubuhay ang hindi pa kanilang tig-kalahating ektaryang bukid bawat pamilya.

Katunayan, sa Cebu, 155 tao lamang ang may-ari ng lahat ng maisan at niyugan; sa Timog Katagalugan, 835 tao ang may-ari ng 70% ng lupaing agrikultural — 16 na pamilya lamang, halimbawa, ang may-ari ng 26,000 ektaryang tubuhan sa Batangas. Sa Negros Oriental, 10 pamilya naman ang may hawak ng halos lahat ng lupain doon at, sa Mindanaw, kontrolado naman ng dayuhang mga korporasyon ang mahigit na 207,000 ektaryang taniman ng palmera’t pinya.

Batay sa mga nabanggit, hindi na nga katakatakang milyun-milyong magsasaka at iba pang ordinaryong mga mamamayan ang wala ni isang dangkal na lupa, o kahit paglilibingan, at tanging libag lamang sa singit at kilikili, sa leeg at paa, at sa iba pang bahagi ng katawan ang maituturing nilang sariling lupa ngunit, ayon sa isang tula, “kapag hinugasan sa poso ay babalik din sa lupa ng asendero.”

Sapagkat inutil pa nga ang pamahalaan, at lumilitaw na kasabuwat pa ng interes ng mga propiyetaryo’t asendero, kaya hindi ganap na maipatupad ang reporma sa lupa, at nagagawa pang salaulain ng mga kinauukulan ang CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) at ginagawang korporasyon ang kanilang mga asyenda upang malusutan ang batas at hindi iyon masakop ng repormang pang-agraryo, kaninong santo’t santa pa nga ba dudulog ang nagdaralitang mga magsasaka? Sa pamahalaan ba at mga lider nito na matagal nang patawing-tawing at waring pakitang-tao lamang ang pagpapatupad sa naturang batas? O sa Simbahan na waring paimbabaw naman o pagkukunwari lamang ang ipinangangaral na kawanggawa at pagkalinga sa mga maralitang hindi pinagpala ng sinasamba nilang Diyos sa kaitaasan?

Kung usad-pagong ang pamahalaan sa bagay na ito, doble-kara naman ang Simbahan. Maaalaala, pinagmalasakitan at tinulungan ng mga alagad ng Simbahan ang 55 magsasakang Higaonon na naglakad mulang Sumilao, Bukidnon hanggang Malakanyang upang hinging ibalik sa kanila ng San Miguel Corporation ang 144 na ektaryang lupaing agrikultural na naipagkaloob na sa kanila ng DAR (Dept. of Agrarian Reform). Ngunit, sa kabilang banda, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 21, 2007 pabor sa mga magsasaka, ayaw namang ipasakop ng Simbahan sa reporma sa lupa ang 268.5 ektaryang lupain nitong pansakahan sa Nueva Caceres, Camarines Sur. Ano na nga ba ang nangyari sa kasong ito? O malinaw na pumapayag lamang ang Simbahan na ipamahagi sa mga magsasaka, sa ilalim ng reporma sa lupa, ang mga lupaing hindi pag-aari ng Simbahan? Ang sa Diyos ay sa Diyos at ang kay Cesar ay kay Cesar. O, Diyos ni Abraham!

Ano pa nga ba ang maaasahan ng pobreng mga magsasaka mula sa Simbahan kaugnay ng bagay na ito? Sabagay, sa panahon pa ng kolonyalismong Kastila, kilala na ang Simbahan bilang matibay na kuta ng ipokrisya at huwad na kabanalan. Gaya rin ito ng pamahalaang lubos na nangangakong matapat na paglilingkuran ang sambayanan ngunit siya pang nandarambong sa mga mamamayan.

Opo, Virginia, opo, huwag ka nang umasa sa dalawang institusyong nagpapayabong pa ng ipokrisya! — #

Read Full Post »

SONA: Nakasusuka Na


(Kolum — Hulyo 19, 2009)

NAKASUSUKA na, sa ilalim noon ng iba’t ibang rehimen, at lalo na sa panahon ngayon ng pamamayagpag sa kapangyarihan ni La Gloria, na makinig pa ng mga SONA (State of the Nation Address). Natatandaan namin, mga ilang taon na ang nakalilipas, higit naming pinagkaabalahang panoorin ang laban sa bilyar ni Efren “Bata” Reyes kaysa pakinggan sa telebisyon ang SONA noon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Sa palagay namin, higit na makatotohanan ang bilyar dahil kitang-kita kung paano tinitira ang bola para papasukin sa kinauukulang buslo; kitang-kita rin kung paano kinokontrol ang bola y mano para sa eksaktong preparasyon tungo sa tamang direksiyon upang matumbok nang maayos ang susunod na bolang ihuhulog at, sa bawat tumbok, perpekto ang kinakailangang kalkulasyon upang matagumpay na maibuslo ang tinitirang bola o maitago kaya sa kalaban at hindi direktang matumbok ang bolang dapat tirahin at ihulog. Higit sa lahat, malinaw sa isip ng manlalaro ang detalyadong plano sa bawat tira — hindi padaskul-daskol o bara-barang gaya ng maraming malabo, magulo at mapandambong na mga plataporma at proyekto ng gobyerno — upang mahusay na makamit ng kinauukulang manlalaro ang layuning magtagumpay.

Sa kabilang banda, karaniwan nang hitik lamang sa hungkag na retorika at mga buladas at pinaganda o inimbentong estadistika ang SONA. Natural, walang pangunahing layunin ang mga salamangkero at tambolero ng Malakanyang kundi kung paano pagagandahin ang pangit na reyalidad o tunay na pambansang kalagayan upang patuloy na iduyan sa ilusyon at isakay sa ruweda ng panlilinlang ang dayukdok at busabos na masang sambayanan at, sa pamamagitan ng madamdaming mga pangakong karaniwang suntok sa buwan, pipiliting lunurin naman ang mga ito sa balon ng walanghanggang pag-asa habang nilalatigo ng inhustisya at nakadipang nakangudngod sa hindi matakasan at malupit na karalitaan.

Di nga kasi, palilitawing papaunlad ang ekonomiya, nababawasan ang talamak na katiwalian sa burukrasya, napapangalagaan at hindi nasasalaula ang demokratikong mga proseso at sagradong mga karapatang pantao, napaghahari ang kapayapaan at kaayusan sa maraming dako sa pamamagitan ng kunwa-kunwariang pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa MILF at NDF-CCP-NPA mapabango lamang ang administrasyon at, higit sa lahat, nalulunasan na diumano ng rehimen ang grabe nang mga sakit ng bansa. Natural din, palilitawing bida o bayani at nagsasakripisyo nang husto ang “kahabaghabag” na Presidente ng bansa para “matapat” na mapaglingkuran ang sambayanan
kaya kinakailangang magkaisa na ang lahat, magtulungan, para sa ikauunlad pa ng bansang ito, hindi ng bulsa lamang ng uring naghahari-harian na patuloy na naglulublob sa kayamanan at kapangyarihan sipsipin man nang husto ang pawis at dugo ng sambayanan at ibenta man at ipagahasa sa salabusab na dayuhang mga interes ang pambansang soberanya’t kapakanan.

Sa kabila ng kung anu-anong mga buladas na maririnig sa bawat SONA, maipinta lamang sa mata ng publiko na maganda’t mahalimuyak ang pambansang kalagayan, lumilitaw lamang na lalo pang ibinubulid ng bawat rehimen sa kumunoy ng karalitaan at kawalang-pag-asa ang Republika at lalong nagiging kahabag-habag ang buhay ng nakararaming ordinaryong mga mamamayan. Kung P2 lamang ang katumbas ng $1 noong panahon ni dating Presidente Elpidio Quirino, bakit sa sumunod na mga rehimen na pawang nangalandakang umuunlad ang pambansang ekonomiya, bumagsak nang bumagsak ang halaga ng piso kontra dolyar at mahigit na itong P48 ngayon? Kung pangalawa na ang Pilipinas noon sa Japan sa larangang pangkabuhayan, bakit lumagabog ang bansa at nakalalamang na lamang ito nang bahagya sa Bangladesh at Pakistan? Naunahan na nga ito ng Tsina, Korea, India, Malaysia, Thailand, Indonesia at Brunei Darusalam sa maraming larangan.

Ilang ulit na nga bang ipinagyabang ni La Gloria, sa pamamagitan ng mga SONA, na ihahatid niya at iluluklok ang kanyang tinaguriang “Matatag na Republika” sa piling ng mauunlad at industriyalisadong mga bansa (First World)? Ilang ulit na rin ba niyang ipinangalandakan na talagang sumusulong ang bansa tungo sa minimithing kaunlaran at, di nga kasi, unti-unting nakaaahon diumano sa dagat ng karalitaan ang masang sambayanan sa pamamagitan ng kanyang supergaling na mga programa’t proyekto sa iba’t ibang rehiyon? Reyalidad nga ba ito o ilusyon?

Lubhang balintuna o kabaligtaran nga ang mga iyon kung susuriin ang naghuhumindig ngayong mga katotohanang puwedeng isampal sa magkabilang pisngi ng mga salamangkero’t tambolero ng rehimen. Una, nangangahulugan na bang umuunlad at tumatatag ang ekonomiya dahil lamang sa halos $15-B taun-taon na ipinapasok sa bansa ng kahabag-habag na migranteng mga manggagawa (OFW) na patuloy na biktima ng inhustisya’t kalupitan, ng pang-aabuso’t pagsasamantala sa banyagang lupang kinaroroonan nila ngayon?
Kung hindi nga sa naturang halaga, at patuloy na pangungutang ng rehimen, baka hindi na nga maayudahan ang lumalaking depisito o kakulangan sa pambansang badyet sa bawat taon.

Kung totoo ang ipinangangalandakan ng kasalukuyang rehimen — hindi nambobola lamang upang pahupain ang tumitinding disgusto ng malawak na sektor ng sambayanan sa dispalinghadong liderato ni La Gloria na pinatutunayan ng lumalaganap na mga protesta, gayundin ng -31% grado niya sa pinakahuling sarbey — bakit sa masusing pag-aaral sa pambansang kalagayan, lumilitaw na 80% ng mga mamamayan ang nagtitiis mabuhay sa halagang $2 sa isang araw? Bakit mulang 15% hanggang 20% ng sambayanan ang siya lamang nagpapasasa at nagpapakabundat sa 50% ng pambansang kita?

Bakit, sa kabila ng paglaki ng 20% taun-taon ng tinutubo ng pangunahing 1,000 korporasyon sa bansa, kumain-dili pa rin ang milyun-milyong manggagawa at hindi maibigay ang hinihingi nilang umento sa sahod na P125 bawat araw? Bakit lumulubha ang disempleyo? Bakit sa kabila ng napakalaking halagang ginugugol ng gobyerno sa kung anu-anong walang kapararakang biyahe sa ibang bansa ng pambansang liderato, mumo lamang mula sa isang platong kanin ang umento sa suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan at hindi maibigay ang matagal na nilang hinihinging buwanang karagdagang P3,000? Bakit nadaragdagan taun-taon ang bilang ng mga manggagawang nandarayuhan sa ibang bansa kung maganda’t maraming oportunidad sa sariling bayan upang maluwag at desenteng makapamuhay? Bakit patuloy at patuloy ang migrasyon ng mga Pilipino at nakakalat na silang parang mga layak sa iba’t ibang panig ng mundo?

Higit na masama, kahit kulang at kulang ang badyet ng bansa taun-taon at kinakailangang patuloy na mangutang (mga $60-B na ang kabuuang utang ng bansa), 30% pa ng pambansang badyet ang napatunayang nauuwi lamang sa talamak at garapal na katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, ibinubulsa ng mga mandurugas at mandarambong sa pamamagitan ng mga hokus pokus sa kung anu-anong proyekto at kontrata bukod pa sa maalingasaw na “pork barrel” (P70-M bawat kongresista at P200-M bawat senador taun-taon na, sa pamamagitan din ng mga maniobra at pakikipagsabuwatan ng kinauukulang mga kontratista, nagagawang ataduhin upang mapunta sa mala-imbudong bulsa ng “mararangal” na lingkod ng bayan); nariyan din ang tinatawag na “intelligence fund” na hindi maabot ng isip ng karaniwang mamamayan kung paano niwawaldas ng mga kinauukulan; nariyan din ang kung anu-ano pa, at iba pa, at iba pa na pawang mapagkakakuwartahan sa kapinsalaan ng bansa at masang sambayanan.

Sa pambansang badyet na lamang noong nakaraang taon na P1.2267-T (P1.415-T naman ngayong 2009), maliwanag na hindi nito natugunan ang maraming pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan — lupa’t pabahay, edukasyon, pagkain at kalusugan, trabaho at seguridad, bukod sa iba pa. Saan iyon napunta? P624.1-B ang itinakdang pambayad-utang agad — P295.8-B sa interes lamang at P328.3-B sa prinsipal. Hindi pa nga nasiyahan ang diumano’y mararangal na mambabatas sa regular nilang “pork barrel” noon na P12.2-B, parang mga bampirang uhaw sa dugo na isinalaksak nila sa badyet ng DPWH (Dept. of Public Works & Highways) — batay sa paratang ni dating Sen. Franklin Drilon — ang karagdagang P13.5-B bilang “pork barrel” din! (Ginawa rin ito noong 2005 sa kasaysayan ng Kongreso ng Estados Unidos na isinalaksak din ng mga Republikano sa badyet ng kanilang DPWH ang karagdagang “pork barrel” na $24-B na mahigpit na tinuligsa ng mamamayang Amerikano sa pamamagitan ng Citizens Against Government Waste.) At dahil hindi pa napuputulan ng kamay ang mga mandurugas, at 30% ng pambansang badyet ang nahokus pokus, ano pa nga ba kundi kakarampot na lamang nito ang naiukol sa lubhang kinakailangang maayos na serbisyo publiko? O, Diyos ni Abraham, nabawasan na nga ba ang mga katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng burukrasya, lalo na sa Kongreso at Malakanyang?

Habang naglulublob sa grasya’t pribilehiyo ang pambansang liderato, patuloy at patuloy pa rin nilang ipinampupunas ng tumbong ang demokratikong mga proseso at sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan. Ilan na bang peryodista at komentarista o miyembro ng “mass media” at ilan na bang kritiko ng rehimen, gayundin ang mga lider at kasapi ng makabayan at progresibong mga organisasyong naghahangad ng pambansang pagbabago, ang walang habas na dinukot, ibinilanggo, nawala, o pinatay pa? (Tingnan na lamang ang datos ng grupong KARAPATAN kaugnay nito.) May nalutas na ba sa mga kasong ito? May naparusahan na bang mga kriminal?

Marami pang halimbawang maaaring banggitin upang mapatunayang nagdudumilat ang reyalidad laban sa ipinangangalandakan sa mga SONA na bumubuti’t gumaganda kaysa rati ang pambansang kalagayan. Sa halip nga na pagsikapang balangkasin ng pambansang liderato ang lantay na makabayang mga patakarang pangkabuhayan at panlipunan — hindi sa pamamagitan lamang ng hungkag na retorika’t mga buladas — upang ganap na maisulong ang bansa’t sambayanan tungo sa matagal nang minimithing kaunlaran, ano nga ba ang inaatupag pang pag-ukulan ng panahon ni La Gloria at ng kanyang masusugid na basalyos?

Maliwanag pa sa sikat ng araw sa disyerto na pansariling interes at ambisyon ang labis nilang pinagsisikapang mapangalagaan kaya, sa kabila ng tumitindi’t lumalawak na mga protesta, puspusan pa rin nilang isinusulong ang Cha-Cha o pagbabago sa umiiral na Konstitusyon para gawing parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno. Kung matagumpay ngang maisasalaksak ito sa lalamunan ng tumututol na malawak na sektor ng sambayanan, tiyak na patuloy na makapamayagpag, sa malapit na hinaharap, sa kubeta ng kapangyarihan si La Gloria bilang Punong Ministro naman. Sa halip nga na kumawala ang pambansang liderato sa dikta ng mapandambong at mapambusabos na dayuhang mga interes na pangunahing bumabansot at lumulumpo sa pambansang ekonomiya, lalo na ng mapagsamantalang mga patakaran ng imperyalismong Amerikano, buong giliw pa nga nitong ibubukaka ang bansa upang kontroling ganap at gahasain ng mga banyaga ang ating ekonomiya. Sa babaguhing Konstitusyon, nilinaw nang aalisin ang mga probisyong naglilimita sa karapatang pang-ekonomiya ng dayuhang mga kapitalista at pahihintulutan na silang magmay-ari ng mga lupain dito, laspagin ang likas na mga yaman ng bansa, 100% kontrolin ang mga korporasyon at negosyo kabilang ang pambayang mga utilidades tulad ng transportasyon at telekomunikasyon, tubig at kuryente, ospital at mga paaralan, at maging mga peryodiko, radyo’t telebisyon na dapat lamang na nasa kamay at kontrolado ng mga Pilipino alang-alang, unang-una, sa napakahalagang pambansang seguridad. Ano ba ito? Bakit hindi pa muling gawing kolonya ng Estados Unidos ng Amerika ang Pilipinas at italaga si La Gloria — masunod lamang ang makasariling ambisyon — na Punong Ministro ng Republikang Mamon?

Opo, Virginia, opo… kung mapilit ka pa ring makinig ng mga SONA, uminom ka muna ng tabletas na gamot sa hilo upang hindi mo isiping ikaw ay nasa ibang planeta! —

Read Full Post »

Salonpas Para Sa Kanser


(Kolum — Hunyo 13, 2009)

SA KABILA ng lumalawak at tumitinding mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan — bukod pa sa mga miyembro ng Senado na malinaw ang pansariling mga interes — laban sa iginigilgil na Con-Ass (Hole) o asamblea constituyente para baguhin ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa (tulad nang ginawa ng lehislatura ng Pransiya noong 1789-1791), at kahit napakakontrobersiyal na gawin ito kung Kamara lamang ang magsasagawa at lalabagin nito ang mga probisyon ng Konstitusyon ayon sa mga dalubhasa sa Saligang-Batas, lumilitaw na igigiit at igigiit pa rin ng masusugid na basalyos ni La Gloria sa Kongreso ang bagay na ito kahit pagbabambuhin pa ang kanilang mga ulo o kasuklaman man sila nang husto ng mulat na sambayanang Pilipino.

Natural, maliwanag ang posisyong ipinangangalandakan ng masusugid na tagahimod ng kuyukot ng Malakanyang: hindi isasaksak sa babaguhing Konstitusyon ang pagpapalawig sa termino ng panunungkulan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo o ng sinuman pero, sa kabilang banda, gagawin namang parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno, hindi na presidensiyal tulad nang umiiral ngayon. Samakatuwid, at malinaw na ang mga senyales, hindi imposibleng kumandidato si La Gloria bilang kongresista sa kanyang distrito sa Pampanga at, sapagkat, mayorya ng mga basalyos niya ang inaasahang miyembro ng mabubuong Parlamento at sila ang maghahalal ng Punong Ministro at seremonyal na Presidente ng Republikang Mamon, imposible pa bang maging Punong Ministro naman si La Gloria lalo’t masidhi ang ambisyon niyang makapangunyapit na parang tuko sa nakababaliw na kapangyarihan, impluwensiya’t pribilehiyo hanggang siya’y humihinga?

Napakatuso nga ngayon ang taktika ng mga diyus-diyosan ng balintunang lipunan. Una, isulong nang husto ang Cha-Cha o pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng nilalarong asamblea constituyente o kahit kombensiyon konstitusyonal (tulad nang ginawa sa Philadelphia, USA noong 1787 o noong 1970 sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos). Masidhi nga ang pagisisikap na gawing parlamentaryo ang sistema ng gobyerno para maging Punong Ministro si La Gloria. Ikalawa, kung mabigong maisakatuparan ito bago mag-eleksiyon sa darating na Mayo 2010, kakandidato naman siyang kongresista ng Pampanga bilang paghahanda sa malililikhang parlamento dahil, sa anumang paraan, itutuloy at itutuloy pa rin ng mga basalyos niya ang pagsusulong sa Cha-Cha lalo na’t may basbas pa ito ng Amerika. {Gusto naman ng Amerika, sa dikta ng imperyalista nitong mga patakaran, na alisin sa babaguhing Konstitusyon ang mga limitasyon sa pagmamay-ari ng mga lupain at negosyo o mga korporasyon dito upang lubusan nang magahasa ang ekonomiya ng Republikang Mamon.) Ikatlo, at nakababahala, sukdulan nilang igigilgil sa Kongreso na mag-Cha-Cha na ngayon na, tiyak, magbubunsod at magpapasiklab ng higit pang mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan na maaaring mauwi sa mga kaguluhan at karahasan sa buong bansa na pabor pa rin kay La Gloria sapagkat may katuwiran naman siyang ideklara ang Batas Militar (tulad nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Marcos) at, samakatuwid, garantisadong mapapalawig ang pananatili niya sa poder — maliban na lamang kung magkudeta ang militar o matagumpay na magrebolusyon ang sambayanan.

Gayunpaman, batay sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang nakatuon na ang mata ng mga diyus-diyosan sa eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010 at, kung hindi magkakagulo o SADYAING palaganapin ng mga salamangkero ang karahasan sa bansa upang maideklara ang Batas Militar, tiyak na ngang idaraos ang sarsuwela o malakarnabal na pagtatanghal ng bastardong mga pulitiko mga ilang buwan na lamang mula ngayon. Katunayan, nagkakarambola na ang mga nag-aambisyong maging kahalili ni La Gloria sa poder at, sa pamamagitan ng tuso o disimuladong mga pamamaraan, tulad ng mga bayad na anunsiyo sa telebisyon — sarili mang pera o pondo ng bayan ang ginastos — ibinabandila na nila ang kanilang mga pagmumukha at adhikaing “mapaglingkuran ang bayan” kahit hindi pa sila opisyal na kandidato at labag sa reglamento ng inutil na Comelec na mangampanya na sila ngayon pa lamang.

Pero, magka-eleksiyon man taun-taon, o malimit mang baguhin ang Konstitusyon ng bansa sa bawat panahon, malulunasan ba ang grabe nang mga sakit na panlipunan mulang doble-karang hustisya hanggang palsipikadong demokrasya kung ang uri pa ring naghahari-harian at mapagsamantala ang mamamahala at uugit sa bansa, lalo’t mahigpit nilang kontrolado o monopolyo nila ang pambansang pulitika’t ekonomiya? Sabi nga, natural lamang na puspusan nilang pangalagaan ang pansarili nilang mapandambong na mga interes sa kapinsalaan ng bayan at masang sambayanan.

Sa pagpapalit ng mga rehimen sa pamamagitan ng mga eleksiyon simula pa sa panahon ni dating Presidente Elpidio Quirino hanggang sa ngayon, o pagbabago man sa Konstitusyon tulad noong 1970, o sa pamamagitan ng Edsa 1 at Edsa 2, paulit-ulit na napatunayang salonpas lamang para sa kanser ang lahat ng ito. Malinaw na kinakasangkapan lamang ng uring naghahari-harian, ng mga elitista’t kinatawan ng oligarkiya at dayuhang mga interes ang suporta ng masang sambayanan at, pagkatapos na maluklok sa poder ang mga diyus-diyosan, agad nilang inilalampaso sa kubeta ng kapangyarihan ang pambansang kapakanan, lalo na nga ang nilulumot nang adhikain ng masang sambayanan na makalaya sa kabusabusan.

Wala ngang naganap, noon hanggang ngayon, na radikal na mga pagbabagong panlipunan. Lumulubha pa nga nang lumulubha ang disempleyo at karalitaan habang sumisidhi nang sumisidhi ang talamak at garapal na katiwalian ng mga nasa poder sa salapi ng bayan. Nananatiling dayukdok at busabos o inaalipin ng gahamang mga kapitalista ang uring manggagawa habang walang sawa silang nagtatampisaw at nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga ito. Nakatanikala pa rin sa lupa ng mga asendero’t propiyetaryo at kumain-dili ang mga magsasaka at ni hindi man lamang mabanaagan ang tunay na repormang agraryo habang masaganang nagpipiging at nagkakamot lamang ng bayag ang mga kinauukulan sa loob ng kani-kanilang alpombradong mansiyon at palasyo. Higit pang masama, paulit-ulit na itinitihaya at ibinubukaka ang Pilipinas ng nagririgodong pambansang liderato upang ipagahasa at ipalaspag ang ekonomiya’t pambansang kapakanan sa mapandambong na dayuhang mga interes, lalo na sa masibang imperyalistang mga patakaran ng Amerika.

Sa kabila ng mga kilusan para sa isang mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon, ano pa nga ba ang maaasahan ng bayan at masang sambayanan sa mga halalang tulad nito na lagi’t laging kinakatawan at pinaghaharian ng dati at dati ring mga diyus-diyosan sa umiiral na lipunan gayong lumilitaw na pasimuno pa ang mga ito ng inhustisya, bentador ng pambansang kapakanan, at masugid na mga kaaway ng lantay na katarungang panlipunan? Ano pa nga ba ang maaasahan din ng bayan at masang sambayanan sakaling baguhin man ang Konstitusyon kung ang magpapasok ng mga pagbabago ay ang naturan ding uri na dumadaloy na sa dugo at nakatanim na sa mga puson at puklo ang mapagsamantalang pribadong mga interes para sa kapakanan lamang ng kanilang uri? Sabi nga, hindi makalilikha ng banal na kasulatan ang grupo ng mga impakto!

Opo, Virginia, opo: magka-eleksiyon man araw-araw, baguhin man ang Konstitusyon oras-oras, hindi magkakaroon ng radikal na pambansang mga pagbabago — lalo na sa buhay ng masang sambayanan — hanggang hindi nababago ang napakasamang balangkas ng lipunang kontrolado lamang ng iilang naghahari-harian ang ekonomiya’t pulitika ng bansa. Hanggang hindi lantay na makabayan, makatao, makamasa, maka-Pilipino at progresibo ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan o hindi tangan ng masang sambayanan ang pampulitikang kapangyarihan, mananatiling salonpas lamang para sa kanser ang naturang mga proseso at mananatiling paghaharian ng kampon ng kadiliman ang pinakamamahal nating bayan.– #

Read Full Post »

Pakana Ng CIA


(Kolum)

TIYAK, ngayon pa lamang, nakatutok na ang mata ni Uncle Sam sa mga ambisyosong maging Presidente ng bansa kung matutuloy nga ang eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010. Kung hindi nga maisalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang Cha-Cha o pagbabago sa umiiral na Konstitusyon dahil sa tumitinding mga protesta at tuluyang mabigo ngayon ang layuning gawing parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan — hindi na presidensiyal — ang porma ng gobyerno upang maging Punong Ministro o Presidente na naman si La Gloria, wala nang dahilan pang kapunin o patayin ang nakatakdang eleksiyon, maliban na lamang kung sadyaing lumaganap ang mga karahasan at kaguluhan sa bansa upang mapangatuwiranang kailangang ideklara ang Batas Militar gaya nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Natural, at lagi naman itong ginagawa, sinusuri na ng Amerika kung sino ang mamanuking susunod na Presidente ng Republikang Mamon upang maging tagapagtaguyod ng imperyalista nitong mga patakaran sa Pilipinas. Si Bise-Presidente Noli de Castro ba? Isa ba kina Sen. Manuel Villar, Panfilo Lacson, Dick Gordon, Mar Roxas, Loren Legarda at
Chiz Escudero?.Si Sekretaryo Gilbert Teodoro ba ng DND (Dept. of National Defense)? Si Gobernador Ed “Among” Panlilio ba ng Pampanga? O si Alkalde Jojo Binay ng Makati? Si Tagapangulong Bayani Fernando ba ng MMDA (Metro Manila Development Authority)? O si Bro. Eddie Villanueva ba ng JIL (Jesus is Lord) o si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai? O sinumang impaktong handang maging masugid na tagahimod ng kuyukot ni Uncle Sam?

Hindi na tuloy katakataka, hanggang ngayon, kung bakit wala ni isa sa mga nabanggit ang bumabatikos sa mapambusabos at mapanggahasang imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika. Nang magharap sa programa ni Tina Monzon Palma sa telebisyon kamakailan sina Roxas, Gordon, Escudero, Panlilio at Teodoro, naging mababaw ang kanilang mga pahayag. Hindi nila sinaling man lamang ang isyu tungkol sa ganap na kasarinlan o soberanya ng bansa na ipinampupunas lamang ng puwit ng Amerika, gayundin ang isyu sa tunay na reporma sa lupa, at wala silang pinagtuunang lamutakin kundi ang pagsugpo sa katiwalian lalo na sa burukrasya.

Sapagkat walang sinuman sa kanila ang bobo, tiyak na alam nilang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karalitaan sa bansa ang mga galamay ng imperyalismong Amerikano at, dahil sa mapambusabos nitong mga patakaran, imposible tuloy na maisulong ang pambansang kapakanan at kaunlarang minimithi ng dayukdok na sambayanan. Pero, sa kabilang banda, dahil alam nilang kailangan nila ang bendisyon at suporta ni Uncle Sam upang maisakatuparan ang nakababaliw nilang ambisyong pampulitika, natural nga lamang na huwag nilang salingin man lamang ang gayong usapin o sadyain nilang embalsamuhin ang sariling utak, kandaduhan ang bibig, o putulin ang dila para ibenta ang sarili sa mga diyus-diyosan sa Washington.

Sa proseso ng pagsusulong at pagpapairal sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa alinmang bansa, hindi mapapasubaliang malaki ang papel na ginampanan — at patuloy na ginagampanan — ng mga ahente ng CIA (Central Intelligence Agency) nito. Malinaw na ibinunyag ang lahat-lahat sa mga aklat na “Who’s Who In The CIA” ni Jules Mader at “Rogue State” ni William Blum. Noon pa man, mga 3,000 katao na — mga sibilyan, militar, pulitiko at maging peryodista — ang sinusuwelduhan ng CIA bilang mga ahente.
Nakakalat sila sa mundo upang maniktik, mangalap ng mga impormasyon, magwasak ng unyon ng mga manggagawa at ng mga organisasyong makabayan, magbagsak ng mga rehimeng anti-Amerikano, manabotahe ng ekonomiya, at magluklok sa poder ng mga lider na kayang pilipitin ang leeg upang maging papet ni Uncle Sam. Higit sa lahat, kung kinakailangan, maaari pa silang magpakana ng mga pagpatay, mapangalagaan lamang ang mapandambong na interes ng Amerika.

Dekada ’60 pa, mga 100 na ang ahente ng CIA sa India, 34 sa Afghanistan, 15 sa Ceylon, 86 sa China, 72 sa Indonesia, 44 sa Burma, 80 sa Hongkong, 140 sa Japan, 26 sa Cambodia, 40 sa Laos, 11 sa Malaysia, 16 sa Nepal, 90 sa Timog Korea, 100 sa Thailand, 150 sa Vietnam, 85 sa Pilipinas, bukod pa sa mga 100 ahente sa iba pang mga bansa. Natural, sa paglipas ng mga panahon, lubos na naragdagan ang naturang bilang sa masidhing ambisyon ng Amerika na makontrol at mapagharian ang buong mundo. Sa Pilipinas ngayon, tinatayang mahigit sa 200 ang naglisaw na mga aso ng CIA, lalo na’t inihahanda na ang tanghalan ng malakarnabal na eleksiyon sa 2010 at, sa anumang paraan, dapat na manyikang de susi o papet ni Uncle Sam ang susunod na maupo sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang.

Maraming pangyayari nga sa ibang mga bansa ang pinaniniwalaang minaniobra ng mahiwaga at makapangyarihang kamay ng CIA. Nariyan, halimbawa, ang pagpatay kay Patrice Lumumba, unang Punong Ministro ng Congo, noong 1961. Nariyan ang pagpapabagsak sa maka-Komunistang rehimen diumano ni Sukarno ng Indonesia noong 1962 at pagluluklok sa poder kay Suharto na nagpakatuta sa Amerika. Nariyan ang pagpapatalsik sa makabayang rehimen ni Mohammed Mossadegh ng Iran noong 1953 hanggang sa mailagay sa kapangyarihan ang papet na si Shah Reza Pahlavi. Nariyan ang pagpatay kay Ngo Dinh Diem ng Vietnam (tinulungan muna ng CIA na maging presidente saka nilikida nang ayaw nang sumunod sa kagustuhan ng Amerika noong 1963). Malinaw din ang pagmamaniobra ng CIA sa kudeta sa Guatemala noong 1954 at pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Francois “Papa Doc” Duvalier ng Haiti noong dekada ’60. Bukod sa mga nabanggit, hindi iilang ulit na ring pinagtangkaang patayin ng CIA sina Fidel Castro ng Cuba at Moammar Qaddafi ng Libya.

Sa mga naging lider na lamang ng Pilipinas, pinag-iisipan pa rin hanggang ngayon ng mga palasuri sa pandaigdig na pulitika na bahagi ng teroristang mga pakana ng CIA ang biglang pagkamatay ni Sen. Claro M Recto noong dekada ’50 sa Roma. Kilalang makabayan si Recto at mahigpit na kritiko ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas matapos ang kolonyalismong Kastila. Sa isang piging sa Roma, bigla na lamang diumanong inatake sa puso si Recto gayong sinasabing wala siyang sakit sa puso. Tumibay ang paniniwalang nilason siya ng CIA.

Makabuluhan din, marahil, na banggitin ang nangyari kay dating Presidente Ramon Magsaysay. Batay sa aklat na “The Invisible Government” nina David Wise at Thomas Ross, lumilitaw na inalagaan at pinasikat ng CIA hanggang maging Presidente ng bansa ang mekanikong si Magsaysay sa ilalim ng pagmamaniobra ni Col. Edward Landsdale, hepe noon ng CIA sa Asya-Pasipiko. Iniluklok muna siyang kalihim ng Tanggulang Bansa at ginamit nang husto laban sa rebelyon ng mga Huk. Pero, nang Presidente na siya, at nagsisimulang sumuway sa kagustuhan ni Uncle Sam, bigla ngang bumagsak sa Mt. Manunggal ang sinasakyan niyang eroplanong pampangulo gayong lagi iyong sinusuri’t tinitiyak na ligtas bago paliparin at, makatuwirang isipin, pinakamahusay na piloto rin ang inaatasang magpalipad niyon.

Mahalaga ring sariwain kung paano niwawasak ng CIA ang gulugod ng unyonismong anti-Amerikano sa bansa. Noong 1968 na lamang, walang patumanggang pinatay si Resureccion Nazareno, presidente ng Clark Field Labor Union matapos ang isang malaking kilos-protesta laban sa mga opisyal ng base militar ng Amerika sa Clark Field, Pampanga. Pagkatapos, nang nasa kainitan ang welga ng mga empleyado sa Clark, bigla ring pinatay sa isang restawran si Konsehal Jose M. Roman, Jr. ng Angeles ng naturang probinsiya makaraang pamunuan ang dalawang matagumpay na demonstrasyon laban sa mga opisyal ng Clark at interes ng Amerika sa bansa.

Bukod sa mga nabanggit, malaki rin ang papel na ginampanan ng CIA, hindi ng Birhen ng Edsa, sa mapayapang pagpapatalsik sa diktadurang Marcos. Masugid na papet din ng Amerika si Marcos pero nang labis na umabuso sa kapangyarihan at tumindi na’t lumawak ang galit ng sambayanan, natakot ang Amerika na magkarebolusyon sa bansa at maluklok sa kapangyarihan ang mga makabayan, progresibo at sinasabing maka-kaliwa na, tiyak, ikawawasak ng lahat ng mapandambong na interes ng Amerika sa bansa. Ipinasiya nga ng mga diyus-diyosan sa Washington na maniobrahing patalsikin na si Marcos, palitan ng bagong papet na katanggap-tanggap sa mga mamamayan, kaya tinawagang “You better pack-up. No bloodshed!” nang nasa kasagsagan na ang Edsa 1. Helikopter nga ng Amerika ang sumundo sa Unang Pamilya at kanilang pangunahing mga basalyos sa Malakanyang at dinala sila sa Haway.

Ayon nga kay Blum, karaniwan na lamang ang tuwiran o di- tuwirang pakikialam ng Amerika — sa pamamagitan ng CIA — sa mga bansang gusto nitong kontrolin at gahasain gaya na nga lamang ng paghokus pokus sa mga eleksiyon. Kung kinakailangan pa, naglulunsad din ito ng lantarang agresyon tulad sa Iraq at Afghanistan madamay man ang inosenteng mga sibilyan sa pamamagitan ng paggamit ng mapamuksang mga sandatang kemikal at bayolohikal. Ibinunyag pa ni Blum na ang CIA ang nagmaniobrang ipakulong ng 28 taon si Nelson Mandela ng Aprika, gayundin ng dalawang tangkang pagpatay noon kay dating Presidente Jose Figueras ng Chile.

Maisulong nga lamang ang gahaman at mapang-aliping interes ng Amerika sa alinmang bansa, ginagawa ng CIA ang lahat — magpakalat ng mapanlinlang at baluktot na mga propaganda, mangidnap at pumatay, magpalaganap ng droga, magpahirap at manggipit ng itinuturing na mga kaaway, manabotahe sa makabayang pamahalaan, magsalamangka sa mga halalan, at magpakana ng kung anu-ano pang maruruming taktika para sa interes ni Uncle Sam. Katunayan, bukod sa Iraq at Afghanistan ngayon, tuluy-tuloy ang masugid na pagkilos ng CIA sa Libya at Iran, sa Syria at Hilagang Korea at iba pang mga bansang hindi nito basta mapilipit ang leeg para mangayupapa sa altar ng imperyalismong Amerikano.

Sapagkat lumalakas ngayon sa Pilipinas ang mga puwersang makabayan at progresibo, at tumitindi ang mga protesta kontra sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika dito, makatuwiran nga lamang asahang mag-iibayo rin ang pagkilos, pagmamaniobra, mga pakana at pakikialam ng mga ahente ng CIA sa bansa. Asahan nang sasalamangkahin nito ang eleksiyon sa 2010 — kung hindi matagumpay na mailulunsad ang Cha-Cha sa Kongreso ng mga sirkero’t payaso — matiyak lamang na tuta ni Uncle Sam ang susunod na Presidente ng Republikang Mamon.

Opo, Virginia, opo, ngayon pa lamang ay paniwalaan mo na ito! Huwag mo nang sangguniin ang iyong horoscope araw-araw. #

Read Full Post »

Republikang Mamon


(Kolum)

HINDI na dapat ikagulat pa kung bakit napawalang-sala sa CA (Court of Appeals) ang marinong Amerikanong si Daniel Smith at walang kaabug-abog na nakauwi na sa Estados Unidos ng Amerika. Sa RTC (Regional Trial Court) ng Makati, puspusang nilitis si Smith ni Hukom Benjamin Pozon sa kasong panggagahasa sa isang Suzette “Nicole” Nicolas na nangyari noong malibog na gabi ng 2005. Napatunayan siyang nagkasala at nasentensiyahang mabilanggo ng mga 40 taon.

Habang nakaapela sa CA ang kanyang kaso, mga dalawang taon nga siyang ikinulong noon sa Embahada ng Amerika dito na, maliwanag, hindi sakop ng mga batas at hurisdiksiyon ng Pilipinas. Matapos magdesisyon ang Korte Suprema na dapat nang ilipat ng kulungan si Smith sa sakop ng teritoryo ng bansa — halimbawa’y sa Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa — hindi naman iyon naipatupad kahit isang minuto dahil kailangan pa diumanong “linawin” ang ilang teknikalidad sa mga probisyon ng nakasusukang VFA (Visiting Forces Agreement) na sumalaula na naman sa soberanya o kasarinlan ng bansa. Sadyang binimbin ang pagpapatupad ng naturang kautusan, ibinitin at pinatawing-tawing sa hangin kaya, sa wakas, namaniobra o nasalamangka ng makapangyarihang mga kamay ang lahat-lahat at nagmukhang tanga ang Republikang Mamon.

Maaalaala, kahit parang dumaraan sa butas ng karayom ang sinumang aplikante para mapagkalooban ng visa sa Embahada ng Amerika dito, biglang-bigla na lamang pumutok ang balitang nasa Amerika na si Nicole, kasama ang Nanay, upang doon na magsimula ng panibagong buhay matapos ang madamdamin niyang pagsasalaysay noon kung paano nilaspag ni Smith ang kanyang puri. Pagkatapos, bigla rin ang ipinalabas niyang bagong pahayag na hindi na niya tiyak kung ginahasa nga siya o hindi ni Smith dahil “lasing na lasing” siya noong gabing iyon. Maliwanag, ang nabaligtad na pahayag ni Nicole ang isa sa mga matibay na batayan ng tatlong babaing mahistrado ng CA — bukod sa iba pa marahil na mahiwagang mga kadahilanan, kasama diumano ang konsensiya — kaya, sa wakas, mabilis pa sa alas kuwatrong napawalang-sala si Smith at parang ipu-ipong nakauwi agad sa Amerika.

Dumaan, diumano, sa tamang proseso ang lahat, ayon kay Embahador Kristie Anne Kenny, at gayundin ang opinyon ng ilang opisyal ng pamahalaan natin, lalo na si Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan kaya, sabi nila, walang dapat hinalaing iregularidad o hokus pokus sa mga bagay na ito. “Tell it to the marines,” sabi nga sa wika ng mga Yankee. Sa paniniwala ng mga mulat at progresibo, diniktahan ng mga diyus-diyosan sa Washington ang diyosa ng Malakanyang para aregluhin ang lahat pabor kay Smith.

Batay sa kasaysayan ng Republikang Mamon, matagal nang nangangayupapa at tagahimod ng pundilyo ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika ang walang gulugod na pambansang liderato ng Pilipinas. Mula pa sa panahon ng mga Quezon, Roxas at Osmena, hanggang sa mga rehimen ng mga Marcos, Aquino, Ramos, Erap at La Gloria, maliwanag na papet lamang o manyikang de susi ni Uncle Sam ang mga naging presidente ng Republika (basahin ang aklat na “In Our Image” ni Stanley Karnow) kaya kalimitang ibinebenta ang pambansang kapakanan at labis na nasasalaula ang tunay na kasarinlan o soberanya maisulong lamang ng mga kinauukulan ang makasarili’t nakasusugapang mga interes na pampulitika.

Kailan nga ba naipatupad ang mga batas ng Pilipinas laban sa mga nagkakasalang sundalong Amerikano sa sakop ng teritoryo nito? Nang namamayagpag sa bansa ang mga base militar ng Amerika dito — sa Sangley Point sa Kabite, sa Clark Field sa Pampanga, sa Subic Bay sa Olongapo — itinambak lamang sa kangkungan ang maraming kasong kinasangkutan ng mga marinong Amerikanong kagaya ni Daniel Smith. Walang kaluskos na nakalayas agad ng Pilipinas ang mga kinauukulan at lumitaw na lamang, nang malaon, na nagkakamot na ng bayag sa Estados Unidos ng Amerika.

Sariwa pa sa alaala, noong mga huling taon ng dekada ’60,
isang mala-pistolerong marinong Amerikanong tumutugon naman sa pangalang Kenneth Smith ang hindi napitik man lamang sa ilong ng batas ng Pilipinas at agad na pinawalang-sala ng mga awtoridad na Amerikano kaugnay ng pagkakapatay sa isang pobreng Pilipinong limpiya bota na nagnanakaw diumano ng bisikleta. Ang biktima, si Rogelio Gonzales, ay basta na lamang binaril at napatay ni Smith sa tarangkahan ng Sangley Point. Bisikleta lamang ng Amerika ang katumbas ng kanyang buhay nang basta na lamang ibinasura ang naturang kaso.

Noon ding mga panahong iyon, isang Pilipinong trabahador, si Glicerio Amor na “nakatalikod at nakatalungko at umiinom” sa isang sapa na sakop ng base militar ng mga Yankee sa Subic Bay, Olongapo, ang basta din lamang binaril at napatay ng marinong si Michael Moomey. Ikinatuwiran ni Moomey na napagkamalan niyang “baboy-ramo” si Amor kaya niya binaril agad. Hindi man lamang napitpit ng batas ng Pilipinas ang kanyang mga daliri at nakauwi din agad siya ng Amerika.

Noong 1970 naman, iba’t ibang makahayop na kalupitan ang dinanas ng ilang manggagawang Pilipino sa Clark Field, Pampanga sa kamay ng binansagang Holman’s Gestapo Unit — si Col. Averill Holman ang siyang kumander ng naturang base militar na nahaharap noon sa kasong desakato sa Hukumang Unang Dulugan ng Lungsod ng Angeles kaugnay ng kaso namang tangkang pangingidnap at panggagahasa ng apat niyang sundalong sina Ronald McDaniel, Cecil Moore, Bernard Williams at Hiawatha R. Lane. Ibinaon na rin lamang sa limot ang nasabing mga kaso.

Sa isyu ng THE WHIG (Agosto-Setyembre, 1970), isang peryodikong Amerikanong lumilitaw na tutol noon sa masamang pamamalakad ng Amerika hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang mga bansa, ibinunyag ang sumusunod na mga pangyayari sa Clark Field:

Isang alas kuwatro ng hapon, nilapitan ng anim na sundalo ng Holman’s Gestapo Unit ang anim ding sibilyang empleyado ng base militar na nakatayo sa tarangkahan ng terminal ng Clark at hiningan ng mga ID. Walang kaabug-abog na pinaghihipuan ang dalawang babae sa mga iyon, kinaladkad sa malapit na gusali ang apat na lalaki at basta na lamang pinaggugulpi. Marami pang obrerong Pilipino ang walang kadahidahilang binugbog ng mga sundalo ni Holman.

Ayon pa rin sa THE WHIG, muli, isang hapon, isang Pilipinong nangungumpay ng damo sa labas ng bakod ng Clark ang nilapitan ng dalawang marinong Amerikano, at basta na lamang sinipa. Sumigaw ang biktima, humingi ng saklolo, pero tinakpan ang kanyang bibig, saka muling pinagsisipa. Pagkatapos, inihagis ito sa loob ng bakod, isinakay sa dyip, tinadyakan ang bibig na ikinalagas ng tatlong ngipin. Sa tanggapan ng seguridad ng Clark, 18 pang marino ang halihaliling bumugbog sa kanya at itinapon siya, nang malaon, sa labas ng bakod ng Clark.

Isang Pilipinong nakatira sa tapat ng base, batay pa rin sa ibinunyag ng THE WHIG, ang tinalian at ipinakaladkad sa kabayo ng isa pang miyembro ng Holman’s Gestapo Unit. Isang Pilipino namang patungo sa tore ng radyo ng Clark ang hinabol at nang malapit nang abutan ng sundalong Amerikano, basta na lamang ito binaril at napatay. Nang makabalik sa Amerika ang naturang marino, ipinagyabang pa nito diumano na 15 Pilipino ang kanyang napatay sa loob ng panahong nakadestino siya sa Pilipinas.

Hindi kaya paulit-ulit na mangyari, o nangyayari na, ang nabanggit na mga halimbawa ng pag-abuso’t kalupitan ng mga sundalong Amerikano sa ilalim naman ngayon ng dapat nang ibasurang VFA? O mananatili lamang mga gulugod-dikya ang pambansang liderato at hahayaan na lamang manatiling ang bansa’y isang Republikang Mamon sa mata ni Uncle Sam na puwedeng basta na lamang salaulain ang mga batas at lamutakin ang soberanya o kasarinlan nito?

Sabi nga, huwag mong asahan Virginia, na maisusulong ang pambansang kapakanan — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika — hanggang nakatali sa asintos ng imperyalistang mga patakaran ng Estados Unidos ng Amerika ang nagpapanggap na makabayang mga lider ng Republikang Mamon. Opo, Virginia, opo…maniwala ka na lamang sa mga milagro at horoscope upang maparatangan namang may hangal kang kaisipan. #

Read Full Post »


(Kolum)

KUNG MAYROON mang batas na tandisang nagbabawal sa dinastiyang pampulitika (mayroon na nga ba?), waring imposible nang mahadlangan ang talamak nitong pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi na kailangan ang malinaw na mata upang makita ang pami-pamilyang namamayagpag sa poder. Nakasusukang tradisyon na yata — noon at ngayon — na magrigodon sa kapangyarihan ang ilang maimpluwensiya’t mayamang pamilya.

Monopolyo na nga ng mga pamilyang ito, mula pa sa panahon ng kanilang mga lolo hanggang sa mga apo ngayon, ang nakasusugapang pulitika sa kani-kanilang lugar at maging sa buong bansa. Nariyan sila, parang mga buwayang nakaabang sa anumang halal na puwestong puwedeng sakmalin ng mga miyembro ng pamilya — asawa man o anak o apo o maging mga bayaw at hipag — at kulang na lamang na magpatibay sila ng batas na maaari nang ipamana sa kanilang kadugo ang kanilang poder sa gobyerno: presidente man o senador, kongresista man o gobernador, alkalde man o konsehal o maging kapitan de barangay. Kung maaari nga lamang, baka ikandidato pa nila ang kanilang mga pusa at aso at iba pang alagang mga hayop.

Sa kampo man ng Administrasyon o ng Oposisyon — at sapagkat pamunas lamang nila ng puwit ang prinsipyo’t karangalan — madali sa kanilang magsatipaklong o magsahunyango sa pagpapalipat-lipat ng bakod-pampulitika (sa Liberal man o Nasyonalista, sa Kampi man o Laban, sa Partido ng Masang Pilipino o anuman) masunod lamang ang makasariling ambisyong makapanatili sa kapangyarihang balon yata ng kayamanan, impluwensiya’t pribilehiyo. Walang mahalaga kundi muling maibandila ang apelyido ng pamilya sa tanghalan ng sarsuwelang pulitika kahit magtaling-pusod at mag-amuyan ng kilikili ang dating magkalaban o sukdulang magsaksakan sa sikmura’t magputulan ng bituka ang dating magkaibigan.

Sa pambansang tanghalan, nariyan ang mga Roxas at Osmena at Magsaysay o Marcos, Aquino, Recto, Estrada at Enrile at, higit sa lahat, nakabalandra’t namamayagpag din ang mga Macapagal-Arroyo. Nadagdag pa ang mga Angara,Villar, Biazon, Pimentel, Cayetano at bagong kapipisang itlog tulad ng mga Escudero. Sino ang hindi makakakilala sa Kamaynilaan sa mga Asistio, Atienza at Binay? Sino ang hindi pamilyar sa kani-kanilang lugar sa mga Remulla, Revilla at Maliksi ng Kabite, sa mga Joson ng Nueva Ecija, sa mga Villafuerte, Lagman, Imperial at Escudero ng Bikol, sa mga Lapid at Macapagal ng Pampanga, o sa iba pang pawang nabibilang sa Kamag-anak Inkorporada?

Marami na ngang patunay na ang mga dinastiyang pampulitika — sapagkat pare-parehong ayaw magpatalo — ang pinagmumulan ng mga dayaan o hokus pokus at mga karahasan o patayan sa bawat eleksiyon sa bansa. Nakatatawa tuloy na parang hindi pa naranasan ng pambansang liderato ang katotohanang dugo’t terorismo, pera at dayaan ang namamayaning batas ng mga halalan sa bansa, lokal man o nasyonal. Kung naging bahagi nga nito, o promotor pa, ang mga lider ng bansa, ano kung gayon ang kanilang karapatan, maging ng kanilang mga basalyos, na paulit-ulit na manawagan para sa isang “maayos, mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon” ngayong Mayo 1

Kailan nga ba naging kapanipaniwala, malinis at mapayapa ang eleksiyon sa bansa? Tiyak, madaragdagan ang mga biktima ng karahasan kaugnay ng halalan. Ngayon pa lamang, malinaw na ang pagbabalyahan at pagbabatikusan ng putik ng mga posibleng magbanggaan, lalo na sa pagka-presidente na, di nga kasi, ay mauuwi sa tuso’t maruming mga pakanang baka magbunga ng terorismo’t mga patayan.

Kailan nga ba walang dayaan sa eleksiyon? Maging ang muling pagkakahalal nga ni La Gloria noong 2004 ay nakulapulan ng eskandalong ibinunga ng napabantog na “Hello, Garci” kaya lumagabog ang kanyang kredibilidad. Tumibay ang paniniwala ng maraming mamamayan na talagang may garapalang dayaang naganap noon sa pamamagitan diumano ng pagmamaniobra ng isang Garcellano at ilang nasangkot na opisyal ng militar na waring ginantimpalaan pa ngang itaas ng ranggo o pagkalooban ng sensitibong mga puwesto sa gobyerno matapos ang lahat-lahat.

At, sa kabilang banda, sino pa nga ba ang naniniwala sa kredibilidad din ng Komisyon sa Halalan o Comelec palitan man ang mga komisyoner nito araw-araw? De makina (automated) ang darating na eleksiyon, masusugpo nga ba, kundi man tuluyang mawala, ang dayaan lalo’t mapera, maimpluwensiya’t makapangyarihan ang mga kandidatong marami ang nabibilang sa mga dinastiyang pampulitika? Alam na alam ng mga nanalo sa bawat eleksiyon, noon pa man — bagaman hindi nila aaminin — na nabibili at nasasalamangka sa tamang presyo sa Comelec ang resulta ng mga halalan. Hindi na nga tuloy katakataka kung bakit namumutiktik sa kabi-kabilang protestang-elektoral ang mga eleksiyong ito.

Sa pagkontrol na ito ng iilang pamilya hindi lamang sa pambansang pulitika, kundi maging sa ekonomiya, hindi maikakailang maruming papel ang ginagampanan ng mga dinastiyang pampulitika kaya patuloy na nasisikil ang tunay na tinig ng sambayanan sa bawat halalan at, higit na masama, walang habas pa ngang nasasalaula ang sagradong demokratikong mga proseso.

Kahinahinala tuloy kung bakit kahit malinaw na itinadhana ng Konstitusyon (Artikulo VI, Seksiyon 5) na dapat hindi lumampas ng 250 ang bilang ng mga kongresista, nagkumahog noon ang Kongreso na lumikha ng bagong mga distrito-kongresiyonal at paabutin ng 300 ang kinauukulang mga kinatawan o representante. Ito ba’y para palawakin pa ang kanilang mga dinastiyang pampulitikang mandarambong sa pera ng bayan sa pamamagitan ng “pork barrel” (P70-M bawat kongresista at P200-M bawat senador taun-taon)? Tiyak, kung magigi pang 300 ang mga kongresista, lalo pang madaragdagan at titindi ang katiwalian sa burukrasya sa pamamagitan ng kung anu-anong pagsalamangka sa buwis ng sambayanan.

Totoo na nga marahil, kaugnay nito, ang sinabi ni Padre Jose Burgos (isa sa tatlong paring martir na ipinabitay ng mga Kastila noong 1872) sa kanyang obrang LA LOBA NEGRA (1869) na sa bansang ito, “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitiko” (pami-pamilya na nga) “sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan.”

Opo, Virginia, huwag asahang magkakaroon ng tunay at makabuluhang panlipunang mga pagbabago para sa kapakanan ng bansa’t masang sambayanan magka-eleksiyon man oras-oras, lalo’t parang lumot na nakakapit — at sumisibol pa — sa katawan ng bayan ang mga dinastiyang pampulitika. –#

Read Full Post »

Bakit May Karahasan?


(Kolum)

NAAALAALA namin, nang dumalaw sa Pilipinas sa panahon ng rehimeng Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal at makita’t masuri niya ang umiiral noong mga sakit na panlipunan ng bansa, nasabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang maaaring makalinis sa mga sakit na panlipunan” ng bansang ito. Sa pahayag na iyon ni Myrdal, maliwanag na isang marahas na pagbabagong panlipunan ang tinutukoy niya.

Hitik nga ng karahasan ang maraming bansa sa mundo bago nakamit ang minimithing mga pagbabago sa kanilang katayuang pangkabuhayan, pampulitika, pangkultura o panlipunan. Natural, sa pagsulong ng sibilisasyon at kamulatan, hindi naiiwasang mauwi sa karahasan ang mga tunggalian na nagdulot naman ng mga reporma’t pag-unlad sa gustong baguhing masama’t balintunang sistema ng umiiral noong mga lipunan.

Halimbawa na lamang, umunlad ang Rusya matapos maibagsak ng Rebolusyong Bolshevik ang mapang-aliping Tsaristang rehimen ng mga Romanov. Nakamit ng Amerika ang sinasabing demokrasya at progreso matapos ang mga karahasan ng kanilang giyera sibil. Narating ng Pransiya ang katayuan nito ngayon sa daigdig makaraang pabagsakin ang Bastille dahil sa Rebolusyong Pranses. Nakamit ng Tsina ang maunlad na katayuan nito ngayon matapos wakasan ang mga dinastiya dahil naman sa rebolusyong pinamunuan ni Mao Tse-Tung. Nariyan din ang kasaysayan ng Vietnam na batbat ng karahasan bago nakalaya sa dayuhang pang-aalipin sa pamamagitan ng liderato noon ni Ho Chi Minh. Isama na rin ang Cuba na naligo ng dugo sa pamamagitan ng rebolusyong pinamunuan ni Fidel Castro bago napatalsik ang malupit at mapanikil na rehimen ng diktador na si Fulgencio Batista.

Hindi mapapasubalian, iniluwal naman ang Republika ng Pilipinas dahil din sa mga karahasan ng Rebolusyong 1896 na pinamunuan ni Andres Bonifacio at, nang malaon, ni Hen. Emilio Aguinaldo at ng iba pang magigiting na Pilipino, laban sa kolonyalismong Kastila. Sa kasamaang- palad nga lamang o bunga ng gahamang interes, inagaw naman ng mga Amerikano ang tagumpay ng naturang rebolusyon na nagbunga rin ng matinding mga karahasan sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Matapos ibalik ng mga Amerikano ang palsipikado pa ring kalayaan at kasarinlan ng bansa noong Hulyo 4, 1946, kapalit ang di makatarungan at mapagsamantalang mga tratado at pagiging papet ng pambansang liderato, bakit nagrebelde at naging marahas ang mga Huk sa kasagsagan ng dekada ’50 na maituturing na nawakasan lamang sa rehimen ni Magsaysay? Bakit pagkatapos ng mga Huk, tuluy-tuloy naman, hanggang ngayon, ang may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA? Bakit matapos noon ang madugong rebelyon ng MNLF (Moro National Liberation Front) sa Mindanaw sa ilalim ng liderato ni Nur Misuari, tuloy pa rin hanggang ngayon ang rebelyon ng humaliling MILF (Moro Islamic Liberation Front) kaya nagaganap ang marahas na pakikipagsagupa nito sa mga puwersa ng gobyerno?

Maaaring banggitin, sa kabilang banda, na naibagsak ang halos 14 na taong paghahari sa bansa ng malupit, mapanikil at mapandambong na diktadurang Marcos sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naglundo sa tinatawag ngayong EDSA 1 — hindi angkop na tawaging rebolusyon sa aba naming palagay — pero hindi naman nito nabago ang tiwaling balangkas ng lipunan at lalong hindi nga nito nagamot ang umiiral na, noon pa man, na malubha nang mga sakit na panlipunan mulang matinding mga inhustisya at katiwalian, mulang malaganap na disempleyo at karalitaan, mulang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nasa poder at paglabag at pagsalaula sa sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan, mulang dinastiyang pampulitika at pagkontrol ng iilang piling grupo sa ekonomiya ng bansa, hanggang sa palsipikadong demokrasya’t kasarinlan at pangangayupapa at pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes.

Bakit nga ba tuloy pa rin ang mga karahasan, halimbawa’y sa pagitan ng mga puwersa ng CPP-NPA o ng MILF at ng gobyerno sa kabilang banda? Nauuwi pa rin nga sa mga karahasan, kalimitan, sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya o militar ang sa simula’y mapayapang demonstrasyon o protesta ng mga kabataan at estudyante laban sa umiiral na nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Malinaw na nailahad ni Camilo Torres, isang paring taga-Colombia na umanib sa mga gerilya sa kanilang bansa, ang kasagutan kung bakit may mga karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung susuriin ang kanyang mga pahayag, masasabing angkop na angkop sa Pilipinas ang kanyang mga obserbasyon at binigyang-diing mga punto na makabubuting pag-aralan ngayon ng pambansang liderato.

Ayon sa kanya, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang nagmamalabis sa kapangyarihan, naglulublob sa mga pribilehiyo at walang pakundangang kinokontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya at pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng pagkain, pabahay, mga ospital at paaralan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay nagiging padalus-dalos at kalimitang pumapabor sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan.

Hindi masasawata ang mga karahasan hanggang itinatanikala sa lupa ang mga magsasaka mabundat lamang ang mga propiyetaryo’t asendero at, sa kabilang banda, natutulog ang gobyerno at ayaw ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Hindi mapipigil ang mga karahasan hanggang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di makatuwiran at sobrang mga buwis para mapalamon ang mga mayayaman at may madambong ang mga opisyal ng pamahalaan.

Iiral at iiral ang mga karahasan, binigyang-diin pa ni Camilo Torres, hanggang napakasasangkapan ang Estado sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinibenta ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.

Katakataka pa ba, kung gayon, kung bakit patuloy at patuloy ang mga karahasan sa bansa? Malinaw na ngang sinagot ni Camilo Torres ang lahat-lahat.

Read Full Post »

Older Posts »