(Lathalain)
MAGPAHANGGANG NGAYON, pinagtatalunan pa ng mga eskolar kung nararapat kilalanin o hindi si Rizal bilang ating pambansang bayani. Sa ibang mga bansa, ayon sa mananalaysay na si Renato Constantino, itinanghal na pambansang bayani ang mga naging lider ng kani-kanilang rebolusyon gaya, halimbawa, ni George Washington ng Amerika, ni Lenin ng Rusya, ni Ho Chi Minh ng Vietnam, ni Simon Bolivar ng Timog Amerika, at nina Sun Yat-sen at Mao Tse-tung ng Tsina. Ngunit, sa ating bansa, ayon pa rin sa kanya, “ang ating pambansang bayani ay hindi naging puno ng rebolusyon. Sa katunayan, itinakwil niya ang rebolusyon. Walang pasubali niyang tinutulan ang kilusan nina Bonifacio at ng mga Pilipinong nakibaka upang matamo ang pambansang kalayaan.”
Maaalaala, nang hulihin si Rizal noong Hulyo 6, 1892 at ipatapon sa Dapitan dahil sa pagkakatatag niya ng La Liga Filipina, at nang sadyain siya doon nang malaon ni Dr. Pio Valenzuela upang himuking maging pandangal na tagapangulo ng Katipunan, mahigpit na tinanggihan ni Rizal ang alok na iyon. Hindi ba sang-ayon si Rizal na kailangang makamit ang pambansang kalayaan sa pamamagitan ng himagsikan? O naniniwala kaya siya na hindi pa handa noon ang sambayanan?
Nang sumiklab noong Agosto 23, 1896 ang himagsikan ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio, maaalaala rin na nagboluntaryo si Rizal na maging doktor ng hukbong Kastilang nakikidigma noon sa Cuba. Ngunit nang papunta na siya roon, muling ipinadakip ng mga prayle at ng mga awtoridad na Kastila si Rizal. Batay sa manipestong ipinalabas niya noong Disyembre 15, 1896, tinuligsa niya ang himagsikan at ang Katipunan.
Ipinahayag niya:
“Sa simula pa lamang nang mapansin ko ang binabalak, tinutulan ko ito, kinalaban ko ito, at ipinakita ko na ang kilusang ito ay tiyak na hindi magtatagumpay. At higit pa rito, nang ilunsad pa rin ang kilusang salungat sa aking payo, kusa kong inihandog hindi lamang ang aking mabuting pakikitungo kundi ang aking buhay at pati na rin ang aking pangalan upang ito’y magamit sa anumang paraang makasusugpo sa paghihimagsik. Dahil sa ako’y naniniwala na magdudulot lamang ito ng maraming kahirapan, ipinalagay ko na isang kapalaran ko kung sa kabila ng anumang pagpapakasakit ay mahadlangan ko naman itong mga walang kabuluhang kapahamakan. Sumulat din ako, at inuulit ko ito, na ang mga reporma ay dapat magmula sa itaas, at ang mga repormang magmumula sa ibaba ay nakakamit nang pabaluktot, di maaasahan, at walang katiyakan.
“Sa ganitong paniniwala, hindi ko maiiwasan ang sumpain at isinusumpa ko itong himagsikang ito na itinuturing kong baligho, malupit at binalak na lingid sa aking kaalaman, isang paninirang-puri sa ating mga Pilipino at inilalagay sa alinlangan ang lahat ng maaaring magtanggol sa ating layunin. Kinasusuklaman ko ang salaring pamamaraang ito at itinatatwa ko ang anumang pakikisali rito. Buong pusong kinahahabagan ko ang mga walang kabatiran na nalinlang upang sumanib sa kilusang ito.”
Bakit ganoon ang pahayag ni Rizal? Bakit hindi niya ikinatuwa na nagising na rin ang sambayanan, kagaya ng gusto niyang mangyari sa kanyang mga nobelang Noli at Fili, at naghimagsik na sa wakas upang putulin ang tanikala ng pagka-alipin sa ilalim ng kolonyalismong Kastila? O naniniwala kaya si Rizal, sa pamamagitan ng nabanggit na manipesto, na maililigtas niya ang kanyang sarili sa mga Kastila? Higit na maituturing natin siyang bayani kung inihandog niya ang kanyang sarili na maging doktor ng mga Katipunero kaysa maging manggagamot ng mga sundalong Kastilang nakikidigma noon sa Cuba.
Ano nga kaya ang ideya ni Rizal tungkol sa pambansang kalayaan? Kung tinutulan niya ang pagkakamit ng kalayaan sa pamamagitan ng rebolusyon, ano kaya ang ipinalalagay niyang tamang pamamaraan upang makamit noon ng Pilipinas ang kalayaan? Ang mga ideya kaya niya hinggil sa kalayaan ay angkop pa sa ating panahon?
Kung hindi nga naging lider ng rebolusyon si Rizal, bakit siya itinanghal na pambansang bayani?
BAGAMAN hindi mapapasubalian ang mga dakilang katangian ni Rizal, gayundin ang marubdob niyang pagmamahal sa kanyang bayan at ang pagiging martir dahil sa pagmamahal na ito, lumilitaw na ang mga Amerikano ang nagproklama sa kanya upang maging pambansang bayani ng Pilipinas.
Batay sa kasaysayan, nang sakupin tayo ng mga Amerikano, iminungkahi noong 1901 ni Gobernador Heneral William Howard Taft sa Philippine Commission na kailangang humirang ng pambansang bayani ang ating bansa. Kinabibilangan ng tatlong ilustradong Pilipino ang naturang komisyon – sina Pardo de Tavera, Benito Legarda, at Jose Luzurriaga.
Sa librong “Between Two Empires” ni Theodore Friend, sinabi ni Taft: “Kasama ang ilang pinunong Amerikano at ilang reaksiyonaryong Pilipino, pinili si Rizal bilang huwarang bayani higit sa ibang katimpalak.” Hindi pinili ng naturang komisyon si Hen. Emilio Aguinaldo sapagkat lubha raw mapanlaban; masyado daw namang radikal si Andres Bonifacio; at lubha daw namang suwail si Apolinario Mabini. Matapos ngang mapili si Rizal, ipinalabas ng Philippine Commission ang Batas Blg. 137 na nagtadhanang ang Morong ay panganlang lalawigan ng Rizal; sinundan ito ng Batas Blg. 243 na nagpahintulot na magkaroon ng pambansang abuluyan upang maipatayo ang monumento ni Rizal sa Luneta; at ang Batas Blg. 345 na nagtadhanang maging pista opisyal ang Disyembre 30, araw ng kamatayan ni Rizal.
Sa aklat namang “The Philippine Island” ni W. Cameron Forbes, malinaw na isinulong nang husto ng mga Amerikano ang pagiging pambansang bayani ni Rizal. Sinabi ni Forbes: “Tunay na karapatdapat na kilanlin si Rizal bilang pambansang bayani ng bayang Pilipino. Idinulot lahat ng pamahalaang Amerikano ang maaaring itulong sa pagpaparangal na ito. Ipinagdiriwang ang araw ng kanyang kamatayan, inilagay ang kanyang larawan sa selyong karaniwang ginagamit sa kapuluan, at sa salapi… at itinuturo sa mga bata sa pambayang paaralan sa lahat ng dako ng kapuluan na igalang siya na pinakadakila sa lahat ng mga bayaning Pilipino. Idinagdag pa ni Forbes na “si Rizal ay di kailanman nagtaguyod sa kasarinlan at hindi rin niya sinang-ayunan ang armadong pakikipaglaban sa pamahalaan. Iginiit niya ang pagbabago mula sa loob sa pamamagitan ng propaganda, pangmadlang edukasyon at pagpukaw sa budhi ng bayan.”
Malinaw, kung gayon, na gusto ng mga Amerikano na hindi marahas at kontra rebolusyon ang ating maging pambansang bayani, hindi kagaya nina Bonifacio at Mabini na ang mga ideyang rebolusyonaryo ay salungat sa patakarang kolonyal ng Amerika. Sapagkat binibigyang-diin ni Rizal sa kanyang mga akda ang kahalagahan ng edukasyon tungo sa ikapagkakaroon ng isang bansang malaya, ang ideyang ito ni Rizal ang ginamit ng mga mananakop na Amerikano sa kanilang mga layuning kolonyal.
Batay sa naturang mga punto, maitatanong natin ngayon:
Angkop pa kaya sa ating kasalukuyang panahon o lipunan ang mga ideya ni Rizal tungo sa kalayaan at kasarinlan? Kung susundan natin ang kanyang mga ideya, magiging ganap na malaya kaya at nagsasarili ang ating bansa? At kung hindi na angkop ang kanyang mga ideya, ano ang nararapat namang gawin kaya ng sambayanang Pilipino? Ano nga ba ang ideya ni Rizal tungkol sa kalayaan? Ito ba’y nangangahulugang isang bansang may kasarinlan?
SA PANAHON ng Kilusang Propaganda na kinatawan nina Rizal, Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar at ilan pang Pilipinong nasa Espanya noon, makikitang hindi ang paghiwalay ng Pilipinas sa kandungan ng Espanya ang kanilang hinihingi kundi mga reporma lamang sa pamamahala ng gobyernong Kastila sa Pilipinas. Hiniling nila na pagkalooban ng pantay na karapatan ang mga Pilipino kagaya ng mga karapatang pampulitika at pangkabuhayang tinatamasa noon ng mga Kastila sa Pilipinas. Hiniling nila na bigyang pagkakataong humawak ng mataas na puwesto sa gobyernong Kastila ang mga Pilipino, kagaya ng pagiging kinatawan sa Cortes o Kongreso ng Espanya. Higit sa lahat, kung maaari, maging probinsiya, hindi kolonya, ng Espanya ang Pilipinas.
Nang hindi maibigay ang mga repormang nabanggit, marahil si Marcelo H. del Pilar lamang ang ganap na naniwala, batay sa isa niyang liham kay Andres Bonifacio, na talagang kailangan nang maghimagsik ang sambayanan upang putulin ang tanikala ng pagkaalipin ngunit, ayon kay Renato Constantino, “isinumpa ni Rizal ang Rebolusyon sapagkat bilang isang ilustrado, likas niyang minaliit ang lakas at katalinuhan ng masa. Naniniwala siya na ang kalayaan ay hindi isang pambansang karapatan kundi isang bagay na ipinagkakaloob sa karapat-dapat tulad ng medalya para sa mahusay na ugali.” Ang kalayaan diumanong hinihingi ni Rizal, ayon pa rin kay Constantino, ay “yaong kalayaan lamang na kailangan ng piling uri upang umunlad ang kanilang kabuhayan at hindi inakala ni Rizal na ang pampulitikang kasarinlan ang siyang pangunahing kailangan bago natin makamit ang kalayaan.”
Sa kabanata 50 ng nobela niyang Noli Me Tangere, sa usapan nina Elias at Ibarra, maaaring ipinahiwatig ni Rizal ang pagtutol niya sa rebolusyon at pagbibigay-diin sa edukasyon para makamit ang kalayaan. Sinabi ni Ibarra: “At kung ang madlang taong iyan ay makikita kong may sandata ay pipiling ako sa pamahalaan at sila’y aking kakalabanin, sapagkat di ko aariing bayan ang madlang taong iyan. Ibig ko ang kanilang kabutihan, kaya’t nagtayo ako ng paaralan; hinahanap ko ang kabutihan niya sa pamamagitan ng pagdunong, sa unti-unting pagkakasulong; kapag walang liwanag ay walang landas.” Ngunit, ayon kay Elias, “kung walang kalayaan ay walang liwanag.”
Ganap na nilinaw ni Rizal ang tunggaliang ito ng paniniwala nina Elias at Ibarra tungkol sa kalayaan sa sinulat niyang manipesto noong Disyembre 15, 1896. Batay sa aklat na “Pride of the Malay Race” ni Ramon Ozaeta, sinabi ni Rizal: “Mga kababayan, nagbigay ako ng mga patunay higit kaninuman na pinakananasa ko ang kalayaan ng ating bansa, at ninanasa ko pa rin ito. Ngunit ipinalalagay kong pangunahing batayan ang edukasyon ng mga mamamayan upang sa pamamagitan ng edukasyon at pagsisikap, magkakaroon sila ng sariling personalidad at magiging karapat-dapat silang maging malaya.”
Samakatuwid, gusto ni Rizal na magkaroon muna ng edukasyon ang mga mamamayan bago maging malaya at naniniwala siyang ang edukasyon at kalayaan ay dapat na laging magkaugnay kagaya ng kanyang sinabi sa sanaysay niyang “Sobre la Indolencia de los Filipinos” na “kung walang edukasyon at kalayaan na siyang lupa at araw ng isang tao, walang repormang posibleng maganap, walang hakbang na magbubunga ng ninanasang resulta.”
Sa usapan naman nina Padre Florentino at Simoun sa huling kabanata ng El Filibusterismo, inamin ni Simoun na nagkamali siyang udyukan ang bayang maghimagsik, gayundin sa kanyang mga pamamaraan upang ilunsad ang rebolusyon, gaya ng pagpapalaganap ng katiwalian, kasakiman, kasamaan, at pagbulok sa lipunan. Lumilitaw tuloy na, sa punto ni Rizal, ang tamang paraan upang makalaya ang bansa ay ang mga binigyang-diin ni Padre Florentino:
“Hindi ko sinasabi na ang ating kalayaan ay matatamo sa pamamagitan ng dulo ng espada sapagkat hindi makabuluhan ang papel na ginagampanan ng sandata sa pangkasalukuyang pangyayari, kundi dapat muna tayong maging karapat-dapat sa pamamagitan ng pagdakila sa katalinuhan ng tao, sa pamamagitan ng pagmamahal sa katarungan, katuwiran at kadakilaan sukdulang ibuwis ang ating buhay – at kung marating na ng bayan ang tugatog na ito, ipagkakaloob ng Diyos ang sandata, mawawasak ang mga diyus-diyosan, madudurog ang paniniil, at sisikat ang kalayaan tulad ng unang bukang-liwayway.”
Naniniwala marahil noon si Rizal na hindi pa handa ang bayan sa pagyakap sa kalayaan at hindi pa iyon ang takdang panahon para maghimagsik ang sambayanan. Parang wala pang tiwala noon si Rizal na magagampanan ng sambayanan ang mga tungkulin para sa kalayaan kaya maging sa kanyang mga akda, nagtatalong lagi ang kanyang mga tauhan – halimbawa’y sina Elias at Ibarra, sina Simoun at Basilio, o sina Simoun at Padre Florentino – tungkol sa kung paano mapalalaya ang bansa. Gayunpaman, sa kabila nito, lumilitaw na pinag-isipan din ni Rizal ang paggamit ng lakas para makamit ang kalayaan. Makikita sa Noli at Fili na pabor sina Elias at Simoun sa paghihimagsik, gayundin sina Kapitang Pablo at Kabesang Tales, at iba pang mga pinag-uusig. Katunayan, batay sa aklat na “The First Filipino” ni Leon Ma. Guerrero, sa sulat ni Rizal na may petsang Hunyo 19, 1896 sa kaibigan niyang eskolar na Austrian na si Dr. Ferdinand Blumentritt, ipinahayag niya:
“Matitiyak ko sa iyo na hindi ko ninanais na makisangkot sa anumang binabalak na paghihimagsik na sa palagay ko’y hindi pa napapanahon at lubhang mapanganib. Ngunit kung itinutulak kami ng pamahalaan tungo doon, ang ibig kong sabihin ay kung wala nang nalalabing pag-asa kundi yakapin namin ang aming pagkawasak sa pamamagitan ng digmaan, kapag mamatamisin pa ng mga Pilipino ang mamatay kaysa pagtiisan pa ang kanilang mga kasawian at paghihirap, ako man kung gayon ay magpapanukalang gumamit ng marahas na pamamaraan. Ang Espanya ang dapat mamili: kapayapaan o pagkawasak, sapagkat hindi mapapasubaliang katotohanan, gaya nang alam ng lahat, na kami’y matiisin at mapagmahal sa kapayapaan… Ngunit may wakas ang lahat sa buhay na ito; walang walanghanggan sa mundong ito, at kabilang na rito ang aming pagtitiis. Hindi ako naniniwala na ikaw bilang isang malayang mamamayan ng Europa ay magnanais na pagpayuhan ang mabuti mong kaibigan na pagtiisan na lamang ang lahat at kumilos na kagaya ng isang taong duwag, ng isang taong walang katapangan.”
Pero bakit nga nang sumiklab ang himagsikan ng Katipunan noong 1896, tinutulan at isinumpa ito ni Rizal batay nga sa manipesto niyang may petsang Disyembre 15, 1896?
Nilinaw pa nga ni Rizal sa kanyang liham na sinulat sa loob ng bilangguan, may petsang Disyembre 12, 1896, ang pagkakaiba ng kalayaan (freedom) at kasarinlan (independence) upang patunayan marahil sa mga awtoridad na Kastila na hindi ninais humiwalay at magsarili ng Pilipinas sa kandili ng Espanya sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang nabanggit pa ngang liham ang ginamit ng kanyang tagapagtanggol at iniharap sa hukumang humatol sa kanya ng kamatayan. Ipinahayag ni Rizal:
“… ipinapakahulugan ng marami na ang aking pariralang magkaroon ng kalayaan ay katumbas ng magkaroon ng kasarinlan. Ito’y dalawang magkaibang bagay. Maaaring maging malaya ang isang bayan nang hindi nagsasarili, at maaari namang magkaroon ng kasarinlan nang hindi malaya. Lagi kong ninanais ang kalayaan ng Pilipinas at ipinahahayag ko ang aking damdamin. Ang ibang nagpapatunay na ang sinabi ko ay kasarinlan ay pinauna ang kariton sa kabayo o nagsisinungaling.”
Sa punto ng kalayaan at rebolusyon o tungkol sa pagsasalungatan ng kanyang mga tauhan sa dalawa niyang nobela ukol sa bagay na ito, mahalaga tuloy banggitin ang obserbasyon ni Miguel de Unamuno, isang eskolar na Kastila na nakasabay ni Rizal sa Universidad Central de Madrid, hinggil sa katauhan ni Rizal. Sinabi ni Unamuno:
“… sa palagay ko, siya ay kapwa si Ibarra at si Elias, at ito ay higit na totoo kapag sila’y nagtatalo. Sapagkat mismong si Rizal ay diwa ng pagsasalungatan, isang kaluluwang natatakot sa rebolusyon pero, sa kaibuturan ng kanyang sarili, ninanasa niya iyon; isa siyang taong sa isang sandali ay nagtitiwala at hindi sa kanyang mga kababayan at kalahi; na naniniwalang may ganap na kakayahan ang kanyang mga kababayan kapag tinitingnan niya ang kanyang sarili bilang isa sa kanilang kadugo, ngunit naniniwala ring wala silang sapat na kakayahan kapag iba naman ang kanyang tinitingnan. Si Rizal ay isang taong lagi nang naninimbang sa pagitan ng pangamba at pag-asa, ng pananalig at kawalang-tiwala. Ang lahat ng kontradiksiyong ito ay nagkasanib-sanib sa kanyang mapangarapin at matulaing pag-ibig sa bayan, sa kanyang pinakamamahal na lupa ng araw at Perlas ng Silangan, sa kanyang nawalang Eden.”
Makabuluhan din marahil na banggitin dito ang pananaw ni Rizal tungkol sa isang malayang Pilipinas. Sa kanyang sanaysay na “Ang Pilipinas sa Darating na 100 Taon” na paputul-putol na nalathala sa La Solidaridad mulang Setyembre 30, 1889 hanggang Pebrero 1, 1890, malinaw na nakita ni Rizal na kung hindi magbabago ng pamamahala ang gobyernong Kastila sa Pilipinas, “maghihimagsik ang mga Pilipino at balang araw ay ganap na idedeklara ng Pilipinas ang kanyang paglaya” sa kamay ng Espanya. Nakita rin niya na hindi nanaisin ng Inglatera, Alemanya, Pransiya, at lalo na ng Holland, na sakupin tayo. Manapa, “ang dakilang Amerikanong Republika” ang “maaaring mangarap sakupin tayo balang araw.” At kapag malaya na tayo, ang ating kalayaan “ay buong tapang nating ipagtatanggol kahit sa pamamagitan ng dugo at pagpapakasakit.” Sinabi pa niyang “malaya nating papasukin ang malawak na daan ng kaunlaran” at muling mabubuhay ang pagsasaka o agrikultura, muling bubuksan at pauunlarin ang mga minahan, ang kalakalan, ang pangingisda at maritima. Ipinahayag niyang “muli, magiging malaya tayong kagaya ng ibong nakawala sa hawla, kagaya ng bulaklak na bumubuka sa simoy ng hangin, at muling makakamit natin ang mga dakilang katangian na unti-unting namamatay, at muli nating tatamasahin at yayakapin ang kapayapaan.”
Bagaman hindi nakita ni Rizal na ang pampulitikang kasarinlan ang higit munang kailangan bago makamit ang kalayaan, hindi naman maitatatwang sa pamamagitan ng kanyang mga akda, malaki ang kanyang naiambag sa tinatawag ni Constantino na “pagsibol ng pambansang kamulatan.” Maituturing nga siyang dakila sapagkat “ang mga taong dakila ay yaong mga nakakaunawa ng kanilang panahon at ng tunay na pangangailangan ng madla.” Utang sa kanya ng kasalukuyang salinlahi ang pag-unlad ng pambansang pananaw at kamulatan at pagyabong ng nasyonalismo o damdaming makabayan.
“Bilang panlipunang kritiko at tagapagsiwalat ng pang-aapi, tinupad niya ang isang kahanga-hangang gawain,” sabi ni Constantino. “Ang kanyang mga sinulat ay naging bahagi ng ating tradisyon ng protesta na sa wakas ay humantong sa himagsikan… bagaman, sa kabilang banda, maituturing na ang kanyang iniwan ay isang tagumpay (lamang) sa larangan ng kamulatan, isang tagumpay sa diwang panlahi, dahil hindi lubos sapagkat itinakwil ni Rizal ang tunay na kasarinlan.”
MAGPAHANGGANG NGAYON, mula nang agawin ng mga Amerikano ang tagumpay ng Rebolusyong 1896 dahil sa panlilinlang kay Heneral Aguinaldo nina Konsul Pratt at Wildman, at Komodor George Dewey – batay sa mga ulat sa librong “Little Brown Brother” ni Leon Wolff at “In Our Image” ni Stanley Karnow, lumilitaw na hindi pa rin “ganap na nagsasarili” ang ating bansa kahit sinasabing “tayo’y malaya.” Malinaw na ang ating sistemang pangkabuhayan at pampulitika, o maging pangkultura at pang-edukasyon, ay nasa ilalim pa rin kapritso’t bendisyon ng Amerika.
Sapagkat hindi pa tayo malaya at nagsasarili noon matapos sakupin ng mga Amerikano, malinaw na sa larangan na lamang ng edukasyon, kinopya ito nang pira-piraso sa edukasyong Amerikano samantalang hindi naman angkop ang agrikultural na ekonomiya ng Pilipinas sa industriyalisadong ekonomiya ng Amerika. Sapilitang isinaksak sa utak ng mga Pilipino ang mga pagpapahalagang maka-Amerikano kaya naniwala tayo na ang anumang mula sa Amerika ay magaling kaysa anumang mga bagay sa Pilipinas. Itinuring nating bobo at hindi edukado ang sinumang hindi marunong ng wikang Ingles at nananatiling sa dayuhang wikang ito ang sistema ng ating edukasyon, gobyerno at komersiyo. Samantalang umunlad ang ibang mga bansa hindi sa pamamagitan ng wikang Ingles kundi sa pamamagitan ng paggamit sa sarili nilang wika sa anumang larangan ng kanilang kabuhayan, nagpipilit naman tayong pilipitin ang dila’t utak araw-araw sa wikang Ingles. Nanatili tuloy na kolonyal ang kasaysayan ng Pilipinas, ayon kay Karnow, kaya maging sa kultura, lumikha tayo ng mga Pilipinong Frank Sinatra, Elvis Presley, Tom Jones, Michael Jackson, at marami pang iba. Mulang pelikula hanggang pagkain at damit, labis nating pinahahalagahan ang anumang imported, lalo na’t mula sa USA.
Sa larangan ng ekonomiya, nananatili pa rin tayong nakatanghod sa Amerika, namamalimos, nangungutang, kaya patuloy nila tayong nadidiktahan bago pautangin o “tulungan” at nagagawa nga ng IMF-World Bank na manduhan ang ating pamahalaan na sundin ang kanilang mga programang pangkabuhayan na nakapipinsala naman sa sambayanang Pilipino tulad, halimbawa, ng pagpapataw ng bagong mga buwis, hindi pagtataas sa suweldo ng mga manggagawa, at walang kontrol na pagpasok dito ng dayuhang mga produkto. Malinaw na gusto ng Amerika na manatiling isang bansang agrikultural ang Pilipinas, huwag maging industriyalisado, upang patuloy na maging tambakan ng kanilang produkto at patuloy pang mapagsamantalahan ang mga likas nitong kayamanan at kabuhayang-bansa.
Sapagkat nasa ilalim ng bendisyon ng Amerika ang kapalaran ng sinumang naging pambansang lider, mula kina Quezon, Roxas at Osmena hanggang kina Marcos, Cory at Ramos, hanggang kina Erap at Gloria, maliwanag na kailangan muna nilang paglingkuran ang interes ng Amerika bago ang kapakanan ng Pilipinas. Sa maikling salita, ang iniluwal nating mga lider ay tau-tauhan lamang ng Amerika, mga manyikang de susing tagahimod ng pundilyo ni Uncle Sam.
Dahil sa mga nabanggit, ang umiral na lipunan – at patuloy pang umiiral – ay para lamang sa iilang piling grupo ng mga taong mapribilehiyo, maimpluwensiya’t makapangyarihan. Ang Pilipinas, tulad ng pangarap ni Rizal, ay dapat na para sa lahat ng Pilipino, hindi para sa iilan lamang. Ayon nga kay Karnow, “isang ikalimang (1/5) bahagi ng populasyon ng Pilipinas ang tumatanggap ng kalahati (1/2) ng pambansang kita.” At batay naman sa kuwenta ni Padre John Doherty, isang Amerikanong Hesuwita, “60 pamilya lamang ang kumukontrol sa ekonomiya” ng bansa.
Bunga ng katotohanang ito, hindi katakatakang lumaganap ang disempleyo at tumindi ang karalitaan sa bansa at lalong maging busabos ang malaking bahagi ng sambayanan. Ang mapait na kalagayang ito ay nailarawan na ng yumaong Sen. Benigno Aquino, Jr. nang magtalumpati siya sa Amerika sa panahon ng paghahari sa bansa ng diktadurang Marcos:
“Ang Pilipinas ay isang lupain ng nakalilitong pagkakaiba. Narito ang isang lupaing iilan ang labis na mayaman habang nananatiling lubos na nagdaralita ang masa. Narito ang lupaing ang kalayaan at ang biyaya nito ay totoo lamang para sa iilan at isang ilusyon o pangarap naman para sa nakararami. Narito ang isang lupaing sumasampalataya sa demokrasya ngunit pinatatakbo ng isang matibay na plutokrasya. Narito ang isang lupain ng pribilehiyo at ranggo – isang Republika na diumano’y para sa pagkakapantay-pantay pero sinasalaula ng isang sistema ng pag-uuri-uri.”
Idinagdag pa niya – at halos kapareho ngayon – na halos bangkarote ang katayuan ng bansa sa pananalapi, laganap ang katiwalian sa pamahalaan, walang matinong pagpaplanong pangkabuhayan, walang pagtatangkang paunlarin ang ekonomiya, kaya nanlulupaypay ang mga Pilipino, nakakulong sa kawalang-pag-asa… “walang layunin, walang disiplina, walang pagtitiwala sa sarili.” Isinisi ni Ninoy ang lahat sa ating mga lider – tulad ng pambansang liderato ngayon – na “nangangalandakan ng pagmamahal sa bayan ngunit, sa katotohanan, ay higit ang pagmamahal sa kani-kanilang sarili.” Idinagdag pa niya na “isa tayong bansa ng mga Asyano na hindi mukhang Asyano sa mata ng mga kapwa natin Asyano, at hindi naman mukhang Kanluranin sa mata ng mga taga-Kanluran.”
BATAY sa mga nabanggit, nasaan ang Pilipinas na pinangarap ni Rizal na malaya, maunlad at mapayapa? Marahil, hanggang ngayon, hindi pa natin nakikita ang tunay nating pagkalahi, ang ating pagiging Pilipino – sa damdamin, sa kaluluwa at kaisipan, at sa pambansang adhikain. Dapat na matagal na nating naunawaan ang tunay na kahulugan ng kalayaan at kasarinlan.
Sa ganitong marawal na kalagayang pang-ekonomiya, panlipunan at pampulitika ng Pilipinas, masasabing higit na masaklaw at progresibo kaysa kay Rizal ang ipinakitang pananaw ni Padre Jose A. Burgos sa kanyang akdang “La Loba Negra” na nalathala noong 1869 nang walong taong gulang pa lamang si Rizal. Sinabi ni Burgos:
“Darating ang araw, isang araw na maaaring di ko na makita, na iiral sa bansa ang mga pinakabagong ideya, paiiralin marahil ng mga taong higit na liberal ang kaisipan; makakamit natin ang higit na katarungan at mga reporma. Maaaring masiyahan ang bansa sa ilang mga reporma. Mangingibang bansa ang iba, at sila ang uugit ng ating kinabukasan. Pero, sa kabilang banda, sapagkat nababahiran pa ng panatismo at relihiyon ang mga ito, pamumunuan nila ang tunay na sambayanang Pilipino, ang nagdaralitang masa, sa isang pamamaraang kasuklam-suklam at nakapanlulupaypay. Pagkatapos, darating ang isang higit na matinding pagbabangon – ang paghihimagsik ng masa laban sa kapangyarihan at kayamanan at pagkatapos ay magigising ang pinakadakilang ideyang natutulog sa loob ng maraming dantaon, at papatagin ng SOSYALISMO ang lahat, pagpapantayin ang mga bagay sa lahat ng dakong pinaghaharian ng panatismo at relihiyon at makikita natin ang isang tunay na digmaan; ang sambayanan laban sa palsipikadong demokrasya; makikita natin ang mga mapagpanggap na pulitiko, mga mapagmahal sa salapi, na wawasakin ng masa ang kanilang mga sikmura, uubusin sila – silang nagpapanggap na mga makabayan, silang mapanlinlang.”
Ipinayo pa ni Burgos sa susunod na henerasyon na “mahalin nang higit sa lahat ang bayan” at ihanda ang sarili sa higit pang madugong pakikibaka laban sa “mapagpanggap na mga pulitikong ipinanganganak na parang lumot sa kapinsalaan at kahihiyan ng lipunan na ang tanging layunin sa buhay ay walang iba kundi ang kapakanang pansarili sa pawis at sakripisyo ng sambayanan.” Binigyang-diin niya na ang susunod na henerasyon ay “dapat lamang paalipin sa tungkulin para sa bayan at hindi dapat pakasangkapan sa mapaghari-hariang mga pulitiko ng mapang-aliping kapitalismo na hawak lamang ng iilang malalaking negosyante.”
Sa kabila nga ng mga kapintasan ni Rizal tungkol sa kanyang pananaw sa kalayaan at kasarinlan – pangkabuhayan man o pampulitika – at kahit higit na progresibo kaysa kanya ang pananaw ni Burgos, makabuluhan pa rin marahil na palaganapin pa rin at bigyang-halaga ang kanyang mga kaisipan sapagkat, ayon nga kay Constantino, “marami sa kanyang panlipunang puna ay may bisa pa rin ng lipunang piyudal at kolonyal ng kanyang panahon… .”
“Hindi natin masasabi na lahat ng kanyang mga ideya ay dapat maging pamantayan ng lahat ng ating hangarin. Naging huwaran siya ng isang uri ng kabayanihang humantong sa pagkamartir. Maipagmamalaki natin siya bilang Pilipino at bantayog ng lahi sa kabila ng kanyang mga kakulangan. Ngunit hindi siya maaaring maging walang habas na tagapagpasiya sa ating pambansang layunin tulad ng tinatangkang gawin ng mga bulag na sumasamba sa kanya,” dagdag pa ni Constantino.
“Ang kagitingan ni Rizal ay nasa kanyang pagiging manunulat,” sabi naman ni Unamuno.
TUNGO sa ikapagkakaroon ng isang tunay na malaya at nagsasariling Pilipinas, makabubuti marahil na pag-aralan natin nang husto ang ating kasaysayan upang ganap nating makilala ang ating sarili. Makabubuting ituwid din muna ang ating kasaysayang kolonyal upang makita natin ang tunay na kaluluwang Pilipino at upang matanim sa utak natin kung paano tayo sinakop at pinagsamantalahan ng mga Kastila noong una, at ng mga imperyalistang Amerikano at mga kasabuwat na mayayamang Pilipinong negosyante’t pulitiko nitong dakong huli.
Makabubuti rin marahil na baguhin ang mala-kolonyal na sistema ng ating edukasyon at pairalin ang isang edukasyong maka-Pilipino, makatao, makabayan at siyentipiko upang mapawi sa kaisipan ng susunod na henerasyon ang pagpapahalaga sa kaisipang elitista’t makadayuhan o kolonyal. Panahon na marahil na isalin sa Filipino ang makabayang mga aklat upang higit na maunawaan ng masang sambayanan at, sa pamamagitan nito, malikha natin ang tunay na pagmamahal at pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan tungo sa ikapagkakaroon ng tunay ding malaya’t nagsasariling Pilipinas. Lubhang napapanahon na rin marahil na ganap na isulong ang reporma sa lupa tungo sa pambansang industriyalisasyon.
Sa larangan ng wika – bagaman nananaig pa rin ang rehiyonalismo sa ilang bahagi ng bansa – panahon na rin marahil na kilalanin ng sambayanan na Filipinong batay sa Tagalog ang ating pambansang wika. Natural lamang na sa diyalektong Tagalog ibinatay iyon sapagkat, sa kasaysayan ng mga bansa, ang diyalekto sa sentro ng sibilisasyon, gobyerno, edukasyon at komersiyo ng naturang bansa ang siyang nananaig o dominanteng wika sa bansang iyon. Sapagkat sa panahon pa ng Kastila, ang Maynila na bahagi ng Katagalugan ang sentro ng lahat, hindi katakatakang batay sa Tagalog ang kasalukuyang wikang pambansa.
At hanggang nasa wikang Ingles ang sistema ng ating edukasyon, mananatiling iilang Pilipino lamang ang makauunawa hindi lamang sa ating kasaysayan, kundi pati na sa lahat ng sangkap ng ating pagkalahi’t pagkabansa. Mananatili tayong may kaisipang alipin at makadayuhan at bansang mala-kolonyal.
Ano pa nga ba ang dapat gawin ng sambayanang Pilipino tungo sa ganap na paglaya at pagsasarili ng bansa?
“Ang tunggalian ay magsisimula sa larangan ng mga ideya upang pagkatapos ay dalhin sa arena na titigmakin ng dugo, “ matatandaang sinabi ni Elias kay Ibarra sa Noli.
Sinimulan nga ni Rizal ang tunggalian para sa kalayaan sa larangan ng mga ideya, “pero huminto na siya doon,” ayon sa yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto. Si Bonifacio nga ang nagtuloy ng naturang pakikibaka sa pamamagitan ng rebolusyon sa ikatutubos at ikalalaya ng Pilipinas. Nakita ni Recto ang katotohanang ito kaya ipinapayo niya sa ating henerasyon:
“Mangarap tayong kagaya ni Bonifacio, at ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa ganap na kabutihan ng ating lahi mula sa kamay ng bagong pang-aalipin, at huwag tayong padala sa takot at pag-aalinlangan, bagaman maaari tayong salubungin ng dambuhalang mga alon sa ating paglalakbay. Hindi lahat ng pangarap ay natutupad, pero ang kahanga-hangang mga bagay sa mundo ay nilikha ng mga mapangaraping kagaya ng Dakilang Proletaryong si Andres Bonifacio.” #
Read Full Post »