Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘Panayam’ Category


(Panayam)

Bilang pagsariwa sa rebolusyonaryong mga alaala ni Ka Roger Rosal, pagkilala sa paninindigan ng kanyang anak na si Andrea, at pakikiramay sa mapait at wala sa panahong pagkamatay ng kanyang apong si Diona, minabuti naming ilathala sa Pluma at Papel ang aming panayam sa kanya noong nalalapit na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, Marso 29, 2003. Una itong nalathala sa labas ng PINOY WEEKLY ( may petsang Marso 23-Abril 1, 2003).

ROGER AT ROGER —

AGRESYONG US: LALABANAN NG CPP-NPA-NDF

1.Sinasabi ninyong sa paglusob ng US sa Iraq ay lumalakas ang banta ng agresyong US sa Pilipinas? Bakit?
————————

Kahit naman wala pang pananalakay sa Iraq, palaging nakaamba sa Pilipinas ang agresyon. Kaya nga pinipilit ilusot ng gobyerno ni GMA ang Balikatan, ‘yun ang simula. ‘Yung mga Amerikano, nagpunta sa Kabikulan, nagsiyasat sila kung saan puwedeng maglunsad doon ng “joint humanitarian assistance” — ‘yan ay panimula na. Nauna ang Afghanistan, sumunod ang Iraq. Baka ang sumunod ay North Korea. ‘Yung dito sa Pilipinas ay tuluy-tuloy sapagkat kailangan nila ang Pilipinas para maging base sa Southeast Asia.

2.Kung tuwirang lumahok sa sagupaan ang tropang Amerikano dito sa bansa, ano ang gagawin ng CPP-NPA? Nakahanda ba at kakayanin ng Bagong Hukbong Bayan ang ganitong agresyon ng mga Kano?
——————

Malinaw sa mga Komunista’t rebolusyonaryo kahit noong umpisahan pa lamang ang rebolusyong ito na ang pangunahing kaaway ay ang imperyalistang Estados Unidos, at sa malao’t madali ay makakaharap nang tuwiran ang tropang militar ng Estados Unidos.
Kung magkaroon man ng agresyon, ang kasalukuyang digmang sibil sa Pilipinas ay matatransporma bilang isang pambansang rebolusyonaryong digma at maraming mga patriyotiko, mga Pilipinong nagmamahal sa bayan ang lalahok at hahawak ng sandata para sa rebolusyong pinamumunuan ng Partido Komunista pagkat hindi nila papayagang mayroong ibang dayuhang p’wersa o tropa na mangibabaw o manalakay dito sa ating bayan. Mas bibilis ang pag-unlad ng rebolusyon, at ang NPA ay sinisikap na makapaghanda d’yan. Matagalang digmang bayan ang tumalo sa Estados Unidos dun sa Vietnam, eh. ‘Yun din ang naging daan para magtagumpay ang Tsina sa panahon ni MaoZedong. Dun sa Afghanistan, dalawang “superpower” ang tinalo ng mga kapatid na Mujahideen, ang Estados Unidos at ang sosyal imperyalistang Unyong Sobyet.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay nakahanda nang gawing mga target militar ang tropang Amerikano. Halimbawa, kung lalahok sa Balikatan ang mga Amerikano, at sila’y magkamaling tumahak o lumapit sa larangang gerilya, makakasagupa nila dito ang mga yunit panlaban ng Bagong Hukbong Bayan.

3.Paano nakatutulong ang mga “sympathy strikes” laban sa gerang US sa Iraq?
—————

Sa kasalukuyan, ‘yung sinasabing koalisyon ng mga mananalakay sa Iraq ay binubuo ng mga imperyalistang Estados Unidos at Bretanya at saka ‘yung mga pangunahing papet na gobyerno, tulad ng gobyerno ni GMA. Kaya anumang atake sa mga papet na gobyerno at iba pang kolonya ay atake laban sa Estados Unidos.
Ang pagbagsak ng mga papet na gobyernong ito ay pagpapahina sa kabuuang lakas, saklaw o impluwensiya ng EU sa buong daigdig. Kaya nga hinihikayat ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng mamamayan, lahat ng mga organisasyon na mag-ambag ng kanilang kakayahan — ‘yan man ay kilos-protesta, o iba-ibang anyo ng pagtutol na kanilang makakayanan. Samantalang sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) naman ay ang pagpapatindi ng atake, ng opensibang militar sa papet na gobyernong Macapagal-Arroyo.
Para mapabilis ang pagpapatalsik kay GMA ay maglulunsad ng maraming atake sa kanayunan sa militar ang BHB, marahil pati na ang MILF. Tulad ng pagpapatalsik kay Estrada na naging posible sa isang pag-aalsang bayan… dahilan sa ‘yung sandatahang lakas ni Erap ay tinira nang tinira ng BHB sa kanayunan.

4.Ano ang inyong pagsusuri sa tunay na lakas ng AFP at rehimeng Arroyo?
———–

Ibayong mas marami at mas malakas ang reaksyunaryo at mersenaryong AFP at PNP. Pero tulad nang sinabi ni Chief of Staff Dionisio Santiago, ang kalagayan daw ngayon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay hindi maaaring tumagal ng isang araw man lamang sa isang labanan kung sakaling sisiklab ang isang digmaang kaugnay ng pagsalakay ng Estados Unidos sa Iraq.
Pero sa totoo, ang kahinaan ng AFP ay dahil sa napakabulok na gobyernong sibilyan na humahawak sa kanila. Ganun din sa AFP, laganap ang kurakutan, maraming mga heneral ang sangkot sa mga sindikato ng krimen kaya matindi ang demoralisasyon sa hanay ng mga sundalo.

5.Gaano naman kalakas ang CPP-NPA-NDF?
————-

Ang CPP-NPA-NDF ay nakapagtayo na ng mahigit na 128 larangang gerilya sa buong bansa, na ang pinakamaliit ay platun at pinakamalaki ay kumpanya. Sa susunod pang mga taon, sisikapin ng NPA na ‘yung mga antas platun ay maitaas sa antas kumpanya para pare-pareho nang lakas kumpanya ang mga larangang gerilya.
Ang kasalukuyang lakas ng NPA ay katumbas ng siyam na brigada o dalawapu’t pitong batalyon. May ilang libong mga regular na mandirigma at sampu-sampung libong milisya, ‘yung mga reserba ng NPA sa mga barangay. Ganundin ang daan-daang libong “core” ng depensa na nakapaloob sa mga samahang pangmasa na itinatayo ng rebolusyonaryong kilusan sa bawat barangay na kanilang kinikilusan. Maliit pa rin kung ihahambing sa lakas at laki ng reaksyunaryong hukbo pero matindi ang pagkakaisa, aral na aral dahil galing sa Ikalawang Dakilang Pagwawasto. Matatag, determinado at handang-handa sa pagharap sa anumang maaaring gawin ng reaksyunaryong sandatahang lakas.

6.Sinasabing sa malapit na hinaharap, hahantong sa patas-lakas ang bakbakan ninyo ng militar. Paano ninyo ito maisusulong?
———-

Kapag ang 2/3 ng kabuuang bilang ng mga munisipyong ‘yan ay nakilusan na ng isang platun ng Hukbong Bayan ay madali na laang maitaas ang antas ng pakikidigmang gerilya. Ibig sabihin ngayon ay nasa taktikal na yugto ng estratehikong depensiba ang antas ng digmang bayan. Kapag naabot na ang 2/3 ng kabuuang bilang ng mga munisipyo, maaari nang itaas sa sinasabing estratehikong pagkakapatas. Mga ilang taon pa seguro ang dadaan, pero tiyak hindi magtatagal ang mga bagay na iyan.

7.Ano rin po sa kabuuan ang hinaharap ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas?
———–

Napakabilis na ang isinulong ng rebolusyonaryong kilusan. Sa pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang ganap na tagumpay ay maaaring makamit ng rebolusyong Pilipino sa mga unang dekada ng kasalukuyang milenyo.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nananalig na ito’y makakamit sapagkat ang mga imperyalista sa pangunguna ng Estados Unidos ay hindi makakaahon sa krisis ng imperyalismo. Kaya nga naglulunsad sila ng gera. Ito naman ang nagsisilbing magandang sitwasyon para makapagpalakas ang mga p’wersang rebolusyonaryo di lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Buo ang determinasyon ng rebolusyonaryong kilusan na makamit ang tagumpay sa unang dekada ng kasalukuyang milenyo.#

======= Marso 23, 2003

Advertisement

Read Full Post »