Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘Talumpati’ Category

TUNGKULIN NG MANUNULAT


(Talumpati)

Tungkulin Ng Manunulat

(Pambungad na pananalita sa Kongreso Nasyonal ng Pambansang Linangan at Ugnayan ng mga Manunulat)

TUNGKULIN muna ng manunulat sa kanyang lipunan ang dapat talakayin at linawin.  Taglay ang mataos na paniniwalang ang sining ay hindi dapat na para sa sining lamang kundi dapat na makatulong sa paghubog at pagbubuo ng isang lipunang makatao, malaya at progresibo, minabuti namin na ang naturang paksa ang maging kauna-unahang testamento ng aming pakikiisa at pakikisangkot sa anumang adhikaing makabayan at mapagpalaya ng sambayanan.

Sinasabing ang manunulat ay “mambabatas ng daigdig” at “direktor ng konsensiya ng bayan” kaya hindi lamang siya dapat na maging matapat na tagapaglarawan ng buhay, kundi dapat din siyang maging pinakamahigpit na kritiko nito.  Ang talikdan niya ang tungkuling ito at, sa halip, maging tagabenta lamang siya o tindero ng mga kasinungalingan at kahangalan sa palengke ng lipunan ay isang napakalaking kasalanan hindi lamang sa kanyang sarili kundi maging sa buong sambayanan.  Higit sa lahat, kinakailangan ng manunulat na maging matapat sa kanyang sarili,  at sa kanyang sinulat,  upang mapangatwiranan niyang may karapatan siyang ipabasa sa sambayanan ang kanyang obra — tula man iyon, kuwento o nobela, dula man o sanaysay o artikulo at maging balita.

Sa nagdaang dalawang dekada ng pasista’t diktatoryal na rehimeng Marcos, hindi iilang manunulat — lalo na sa larangan ng peryodismo — ang waring inurungan ng bayag bagaman, sa isang banda, maikakatwirang sinensor ang kanilang sinulat o walang publisistang maglathala ng mga iyon.  Mapatatawad ang manunulat kung totoo ang kadahilanang ito, ngunit kung sinadya niyang sumakay sa ruweda ng panlilinlang at ang totoo lamang sa kanyang sinulat ay ang kanyang pangalan — na minsa’y hindi pa rin totoo — makabubuti pa marahil na itinapon niya sa basurahan ang kanyang makinilya at baka napakinabangan pa ng mga magbobote’t magbabakal at ang mapagbibilhan ay maibili man lamang ng tinapa’t galunggong at ilang kilong bigas.  Maaaring ituring pa siyang bayani kung pinutol niya ang kanyang mga daliri kaysa maging kasangkapan iyon ng panloloko sa sambayanan ng masusugid na tagapagtaguyod ng bulok at mapambusabos na “status quo” at ng mga basalyos ng inhustisya’t pagsasamantala, ng paninikil at kalupitan, ng pang-aalipin at pagmamalabis sa kapangyarihan.  Kung naduwag man siya, makabubuti pa marahil na hindi na siya sumulat at maaaring mapagkamalan lamang siyang tamad o kinakalawang ang utak.

Maging sa kasalukuyan, hindi maitatatwang marami pa ring mga obrang iniluwa ng mga “vendo machine” at naghambalang sa mga bangketa na diumano’y para sa sining ang puwedeng ihalo sa darak at ipakain sa mga baboy.  Naglulunoy pa rin ang mga ito sa kabalbalan at kababalaghan sa “swimming pool” ng mga Captain Barbel at Darna, ng mga salamangkero at drakula at aswang, o nagpapakalunod kaya sa masabaw at malibog na pag-iibigan habang, sa kabilang banda, nagdudumilat ang malapulmonyang mga sakit ng bayan na hindi na basta-basta magagamot sa pamamagitan ng karaniwang mga tabletas tulad ng decolgen at aspirina.  Sa ganitong mga paksang nilalangaw at inuuod sa poso negro ng panitikan, wala kaming masalat ni gahiblang dahilan upang sabihin na ang kinauukulang mga manunulat ay naging matapat na tinig ng budhi ng bayan.  Kung tunay ngang tagapaglarawan at tagapagsalita ng kani-kanilang panahon ang mga manunulat — gaya halimbawa nina Marcelo del Pilar at Lopez Jaena at Jose Rizal noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, o ng mga Amado V. Hernandez at Lazaro Francisco ng kanila namang panahon — ano, kung gayon, ang dapat namang isatinig ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat?

Matagal nang inilalampaso ang bayan sa sariling kalbaryo.  Habang mga gulugod-dikya at may kaisipang alipin ang mga namumuno sa gobyerno at parang mga pulgas na ayaw humiwalay sa kolyar ng imperyalismong Amerikano, hindi malayong lumawak ang impiyerno ng mga busabos mulang Tondo at Sapang Palay hanggang sa bawat sulok ng kanayunan habang, sa kabilang banda, sa palasyo ng iilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mapribilehiyo, ginagawang pamunas lamang ng puwit at paa ang dignidad ng sambayanan samantalang sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon, nilalamon ang ugat at laman ng braso ng mga trabahador, nilalaklak ang dugo’t binubusabos nang husto at pinasusuweldo nang hindi pa sapat na pambili ng kahit palotsinang kabaong kapag sila’y namatay; at, sa mga kanayunan naman, ang mga magsasaka’y parang mga kalabaw lamang na itinatanikala sa lupa, at tulyapis at ilang subong kanin lamang ang gantimpala.  Sa kalunsuran, habang parang mga baboy na inuulaol ng mga diyus-diyosan ang kayamanan ng bayan at binubutas ng mga punglo ang mga utak at dibdib ng pagtutol, at pinuputalan ng dila ang laksang tinig ng paghihimagsik, makokonsensiya pa kayang awitin ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat ang mga buwan at bituin, o magagawa pa kaya niyang makipagsarsuwela sa mga puwersang umaalipin at bumubusabos sa masang sambayanan?  Sa kabila ng mga problemang pangkabuhayan at panlipunan — mulang doble-karang hustisya hanggang palsipikado’t kinakalawang na demokrasya — magagawa pa kayang aliwin ng mga manunulat ang sambayanan sa pamamagitan ng pagsasakay sa mga ito sa mga saranggola ng pantasiya’t kahangalan upang dalhin sa daigdig ng mga multo at agimat at lunurin pagkatapos sa balon ng mga pangarap?:

Sa yugtong ito ng maagiw na kasaysayan ng bansa, ang kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat ang unang-unang dapat makahulagpos sa sapot ng pambubusabos sapagkat nasa kanyang pluma at papel ang maso’t pandayang huhubog hindi lamang sa panitikan at kultura, kundi maging sa ideolohiyang pangkabuhayan at pampulitika.  Ang tinig niya’y tinig ng sambayanan.  Ang dignidad niya’y dignidad ng bayan.

Sa Mga Manunulat

ikaw, ikaw na kasiping ng pluma

ay saan nga ba pupunta?

manungaw ka sa bintana ng kaluluwa

at butasin ng mga mata

ang pader ng pagkaaba.

bawat mansiyon at palasyo’y

silipin ang mga kuwarto

at matutong mag-atado

ng bituka’t mga apdo.

ikaw, ikaw na utak manunulat

ay dapat mamulat

sa mga larawang sa kuwadro’y nagsugat

isang subong kanin at ulam na hangin

ang tinititigan ng matang malungkot

sa mesang lansangan

ng humpak na pisngi, butuhang daliri’t

pudpod na sapatos

palad na naglintos sa pambubusabos.

pag iyong nakatas ang pait at dusa

ng patak ng ulan

sa bubong na pawid, sahig na kawayan,

sa langis at grasang sa mata’y humilam,

sa ugat ng brasong kinain ang laman,

sa dugong tumigis sa mga lansangan,

sa bundok at parang…

saka malalaman ang siklab at alab

ng isang paglayang iyong pupuntahan!

Advertisement

Read Full Post »