Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘Tula’ Category


(Tula)

hindi na lupa’t mga butil ng bigas ang hihingin namin sa inyo
dahil punglo’t kamatayan ang ipinagkakaloob ninyo…
hindi na mga binhi ng palay ang ipupunla namin
kundi ngitngit na yayabong sa mga pinitak
sa inyo na ang inyong mga lupa
ni isang sangkal ay hindi na kami hihingi pa
dahil ang mga lupang iyan ang magiging libingan
ng inyong walang budhing kasakiman!

Advertisement

Read Full Post »

Di na Ako Makahabi ng Tula


ilang  araw na akong nakatulala
sa papawiring makulimlim
di ako makahabi ng tula
tumakas at nagliwaliw ang mga salita
nagkagutay-gutay papel ng kamalayan
mga metapora’y pumailanlang
sa kalawakang  nilunok ng dilim
mga imaheng mapagmulat at matulain
at mga talinghagang dapat arukin
ibinartolina sa kagubatan ng pangamba
at sa kabukirang di sibulan ng pag-asa
ibig pang gahasain ng mga buntala.

di na ako makahabi ng tula
pilantod na ang mga taludtod
mga saknong ay uugud-ugod
di tuloy makaakyat sa gulod
mga eskinita ng parnaso’y di mayakap
dibdib ng  bangketa’y di malamutak
kinulaba  mga mata at di makita
luha’t pawis ng manggagawa’t magsasaka
di marinig hinagpis ng mga sawimpalad
paano tutulain pa epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa kung mga daliri’y
ikinadena’t dinurog ng dusa?

muli akong maglulunoy sa iyong mga alaala
muli kong sasamyuin mga pulang rosas
sa ulilang hardin ng mga pangarap
muli kong idadampi ang palad
sa nagnaknak na sugat ng mga dantaon
muli’t muli kong palalanguyin ang diwa
sa ilog ng dugo at luha
at magbabanyuhay ang lahat
muling aalingawngaw singasing ng punglo
atungal ng kulog at bombang pumutok
saka lamang, oo, saka lamang
makahahabi ako ng tulang
magsasabog ng mga talulot ng apoy
sa puso’t diwa ng uring busabos at dayukdok!

Read Full Post »

Huwag Isampal Sa Akin


(Tula)

oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag ninyong ilulan sa hangin
o isakay sa pakpak ng langay-langayan
at itatak at paglunuyin sa aking isipan
mga bersong hitik sa kilig ng pag-ibig
ng mga pusong alipin ng buwan at bituin
at baliw sa lagkit ng paglalambingan.
oo, huwag isampal sa akin
mga taludtod ng nanggigitatang kalantarian
kung binubulaga ako sa aking paligid
ng nanunumbat na mga larawang
matagal nang nagnanaknak sa alaala
mga sikmurang napilipit ang bituka
mga batang nakalupasay sa bangketa
mga nahukot at namayat na katawan
sa bukirin at tubuhang walang hanggan
mga brasong kinain ang laman
sa imbing pabrika ng mga gahaman
mga dampang pawid nakaluhod sa kanayunan
mga barungbarong nagdarasal sa kalunsuran
mga kaluluwang nakabartolina
sa bilangguan ng dalita’t dusa
habang maringal na nagdiriwang
sa mesa ng grasya’t kapangyarihan
silang iilang hari-harian
sa nabubulok inuuod na lipunan.

oo, mga makata ng inaaliping lahi
saan makikita lantay na pag-ibig
sa gayong kahimahimagsik na mga larawan?
saan madarama lantay na pagmamahal
sa sumusurot na reyalidad sa balintataw
bumibiyak sa bungo sa puso’y gumugutay?
di kikiligin maging puson
gaano man katimyas ng pagsuyo
gaano man kahubad ng kariktan
ng dalawang pusong nagmamahalan
huwag isampal sa akin
mga landiang nagpapatili sa karamihan
at waring walang ipinupunla sa isipan
kundi daigdig ng ilusyon
ng pampakilig na romansa’t kahangalan
gayong naghuhumindig sa lipunan
malinaw pa sa kristal na mga katotohanan.
sa kilig ba lamang umiikot ang buhay
ng dayukdok na masang sambayanan
kaya ginagatasan ng ganid na kapitalistang
laging hangad gabundok na pera’t yaman?
kahabag-habag na mga sawimpalad
sa pusali ng karalitaan…
silang kinikilig bayag at lalamunan
silang nanginginig utong at tilin
sa munting kibot na mga eksena ng paglalambingan?
sabi nga tuloy ng makatang si amiri baraka
linisin muna nang husto ang mundo
upang lubos na umiral kabutihan at pagmamahal
at huwag munang ibandila mga tula ng pag-ibig
hanggang nakabalandra inhustisya’t panlalamang.

oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag isampal sa akin
himutok ng mga pusong nabigo sa pagmamahal
o nalulunod sa lungkot ng paghihiwalay
punuin ng pulbura inyong mga taludtod
gawing mga bombang gigiba’t dudurog
sa pader ng inhustisya’t kasakiman
inyong mga berso’y sukbitan ng baril
taglayin sa bakal na tubo himagsik ng punglo
itutok iputok sa mukha ng mga diyus-diyosang
walang mahalaga kundi kinang ng pilak at ginto
walang sinasanto kundi lukbutang puno
at magarbong buhay at bundat na tiyan
walang malasakit sa mga sinaktan
hindi naririnig ni nararamdaman
tagulaylay ng pusong ninakawan
ng dangal at yaman
at bulaklak ng kinabukasan.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag isampal sa akin
nakaduduwal na mga berso ng pag-ibig
huwag akong himasin ng libog at kilig
habang lipuna’y naaagnas inuuod
nais kong marinig tulang sa hangi’y rumaragasa
at waring mga palaso’t punglong itinutudla
sa mga impakto’t palalo
habang pinagmamasdan
pagbagsak sa lupa ng mga tinudla
iyon ang araw ng totoong mga makata
iyon ang araw na dakila!

Read Full Post »

Hindi Ninyo Ako Matatakasan


(Tula)

hindi ninyo ako matatakasan
magtago man kayo sa pinakasulok ng mundo
manirahan man kayo sa mga igloo
o sa mga lugar na iniiwasan ng tao
hindi ninyo ako matatakasan
naglulublob man kayo sa kayamanan
nagtatampisaw man kayo sa kapangyarihan
nakokoronahan man kayo ng katalinuhan
hindi ninyo maikukubli  inyong katawan
kahit sa inyong tierra incognita
sa ayaw man ninyo o gusto
dadalawin at dadalawin ko kayo
lalo na kung mga oras na wala sa hinagap ninyo.

hindi ninyo ako matatakasan
at hindi ninyo ako mahahadlangan
naka-kanyon man mga guwardiya ninyo
malalaki man mabagsik ninyong mga aso
sa napapaderan ninyong mga mansiyon at palasyo
sa inyong maringal na tierra inmaculada
kadluan ng makukulay ninyong mga alaala
papasukin at papasukin ko kayo
makulimlim man ang umaga
naninimdim man ang dapithapon
at nagdarasal ang gaplatong buwan
sa pagyakap ng itim na mga ulap sa kalawakan
dadalawin at dadalawin ko kayo.

oo, maraming paraan ang pagdalaw ko
at hindi ninyo ako matatakasan
nasa tuktok ako ng marahas na tsunami sa dalampasigan
nasa haplit ako ng kidlat sa inyong katawan
nasa alimpuyo ako ng habagat sa inyong bakuran
nasa singasing ako ng punglo sa karimlan
nasa ragasa ako ng mga sasakyan sa lansangan
nasa sumasambulat na mga bomba’t granada ako sa digmaan
naririyan ako, oo, naririyan ako
sa lahat ng lugar at sa lahat ng bagay
at hinding-hindi ninyo ako matatakasan
ikaw na palalo at gahaman
ikaw na patron ng kasamaan
ikaw na berdugo ng sambayanan.

oo, hinding-hindi ninyo ako matatakasan
at kapag nasamyo na ninyo halimuyak ng aking hininga
hindi ninyo maiiwasang manambitan
at sagad-langit kayong magdarasal
maninikluhod sa lahat ng santo’t santa sa kalangitan
ngunit walang makaririnig ng inyong tagulaylay
hindi kayo tutulungan ng sinumang pinakamakapangyarihan
upang hadlangan pagdalaw ko sa inyo
upang kayo’y tulungang matakasan ako
huwag kayong hangal, anak kayo ng buwaya’t kabayo
aali-aligid lamang akong lagi sa inyo
ako, akong pinipilit ninyong takasan
ako, ako, ang di ninyo matatakasang kamatayan!

Read Full Post »

Paghuhukom


(Tula)

babalikwas ang mga kalansay
sa kanilang mga nitso at hukay
iwawasiwas malagablab na mga sulo
sa maalinsangang madaling-araw
at iduduldol mga dila ng apoy
sa inuuod na mga mansiyon at palasyo
tutupukin mga diyus-diyosan, eskribano’t pariseo
silang sumalaula sa kanilang tinapay at buhay
silang dumapurak sa kanilang dangal at pagkatao
silang ngumatngat sa kanilang laman
at lumaklak sa kanilang dugo
sa kuta ng mapang-aliping mga makina
at palayan at tubuhang walang hanggan
silang nandambong sa kanilang kanin
at kapirasong ulam sa mesa ng kapighatian
silang nagkait sa kanila
ng mabulaklak na kinabukasan
sa luntiang hardin ng mumunting pangarap
silang ninakaw sa kanilang mga puso
matimyas at dalisay na pagmamahal
sa mapayapa’t marangal na buhay.

oo, babangon at babangon
mga kalansay ng kinitil na mga pangarap
babalikwas mga kalansay ng naunsiyaming pagsamba
sa ginintuang araw at mabining haplos ng amihan
makikinig sila sa oyayi ng agos ng ilog sa kaparangan
at hosana ng mga ibon sa kasukalan
habang hinahabol ng mga mata
naglalakbay na balumbon ng puting ulap sa kalawakan.
kasama ng humpak na mga pisngi
ng impis na mga dibdib na hitik sa ngitngit
at nagpupumiglas na butuhang mga bisig
ng mga kadugo’t kauring nakabartolina
sa bilangguan ng dalita’t dusa…
lahat sila’y sasalakay sa moog ng inhustisya
at nakasusukang pagsasamantala
sa bulok na lipunang mga panginoon
namanhid budhi at mukha
sa dagok at sampal ng ginto at pilak
at hindi naririnig, hindi nadarama
tagulaylay ng mga sawimpalad
at daing ng mga pusong ginutay ng dusa.

oo, humanda na kayo at kabahan
kayong mga impakto’t kampon ng kadiliman
kayong walang mahalaga kundi tiyan ninyo’t bulsa
kayong walang malasakit sa inyong aliping sinamantala
babalikwas at babalikwas
mga kalansay ng mapagpalayang mga layunin
at sagradong mga adhikain
paglalagablabin milyun-milyong sulo
tutupukin hanggang maging abo
palalo ninyong mga mansiyon at palasyo
at wala kayong pagtataguan
dahil ipagkakanulo ng alingasaw ng inyong katawan
inyong mga lunggang kinaroroonan
ituturo ng naghihimagsik na sikat ng araw
o maging ng nagrerebeldeng mukha ng buwan
sa darating na araw ng paghuhukom
maging butas ng inyong puwit
maging hibla ng inyong buhok
maging bulbol ng inyong puklo
at silang  dati ninyong mga aliping inagawan ng dignidad
sila naman ang titibag ng inyong hukay
upang ilibing kayo nang buhay!

Read Full Post »

Awit ng Abantero


(Batay sa mga datos ng aklat na Undermining Patrimony)

tulungan mo po ako ngayon
iahon mo po ako
malamig at napakadilim
di po ako makahinga
napakabigat po  ng mga bato
bumabagsak po ang mundo
o, panginoon, tulungan mo po ako
nagsusumamong huwag mo pong ipahintulot
na mamatay agad ako
nais ko pa pong masilayan
ginintuang sikat ng araw
at mukha ng asawa ko’t anak
panginoon, huwag mo pong ipahintulot
na  mamatay agad ako.

ngunit sinong makauulinig
sa mga daing ng hamak na abantero?
sinong makakikita sa kanyang pawis at dusa?
sinong magpaparangal
sa di kilalang bayaning ito?
halos di siya maaninag
halos kalahati ng katawan niya’y
nakabaon sa lupa
minamaso niya pader ng yungib
hinahanap ang mga ugat ng ginto
ngunit lahat ng gintong kanyang makukuha
mawawala rin sa kanya
dahil mundo’y di para sa kanya.

oo, huli na ang lahat
bago maunawaan ng hamak na abantero
mga kabalintunaan ng buhay
siyang nakahuhukay ng ginto
siya namang labis na nagdaralita
at siyang nangangarap
ng hangin at sikat ng araw
ay nalilibing naman sa minahan.

Read Full Post »

Dati Pa Silang Nakangingiti


(Tula — alay sa Lumad nating mga kapatid)

dati pa silang nakangingiti
sa bawat pagbulaga ng araw
kung umagang inaantok pa ang papawirin
at humahalik ang hamog
sa nauuhaw na mga bulaklak sa damuhan
umaawit pa sila dati
tulad ng mga ibong
naglalaro sa kakahuyan
nagsasayaw pa sila dati
gaya ng mga palakang
naglulundagan sa kasukalan
o ng mga isdang pumupusag
sa mabining agos ng ilog
humahabi pa sila dati
ng mumunting mga pangarap
habang payapang nakamasid
puting ulap sa katutubong lupaing
dibdib nila’t tiyan
at kadluan ng masiglang halakhak
ng makukulay na mga alaala.

ngunit ngayon, oo,  ngayon,
tumakas ang ngiti sa kanilang mga labi
bumukal sa kanilang mga mata
mga talulot ng lungkot at dusa
namaos na mga tinig nila
di dahil sa halakhak ng pagsinta
kundi sa protesta laban sa inhustisya
laban sa kalupitang nanibasib
sa mga katribo sa lianga
na ngayo’y namamaluktot
nakatulala sa tandag
maulap ang mga mata
maputla ang mga labi
tuliro ang diwa
at kaluluwa’y nag-aapuhap
ng kalinga’t pagmamahal.

itinaboy sila ng mga putok ng baril
ng mala-militar na mahat bagani
niligis ng takot
mga pusong lubos na nagmamahal
sa lupain nilang katutubong
himlayan ng sagrado nilang panata
kadluan ng kanilang ligaya’t pag-asa
at muli’t muling
sasalakayin ang kanilang lupain
ng dambuhalang mga makinarya
lalaplapin ang mayamang dibdib
hahalukayin ang ubod ng sikmura
gugutayin ang pinakabituka
dahil gahaman ang mga diyus-diyosan
sa gintong nasa sinapupunan
ng katutubo mong lupaing pinakasasamba…

ngunit hindi iidlip ang habagat
hindi hahalik sa lupa ang mga punongkahoy
hindi mananangis na lamang ang mga damo
o basta na lamang maluluoy ang mga bulaklak
hindi mahihimbing ang mga ilog
at sa saliw ng tagupak ng lintik
at singasing ng kidlat
at tungayaw ng kulog
magkukulay-dugo ang mga ulap
at sisilay na muli ang iyong mga ngiti
buong giliw na pakikinggan ng mga ibon
taginting ng iyong halakhak
mga kapatid naming lumad!

Read Full Post »


(Tula)

nilalagnat na init ng katanghalian
hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…

rumaragasa ang hangin sa pamamaalam
nang ikaw ay tumimbuwang
sa masukal na kakahuyan.
walang kumikindat ni isang alitaptap
noong gabing nagdarasal
malamlam na mukha ng buwang
nakatitig sa daluhong ng karimlan.
lumuha ang mga damo
nanangis ang mga ibon
sa saliw ng mga putok ng kalaban
at bumulwak sa iyong dibdib
dugo ng lahing kayumangging
hitik sa matimyas na pagmamahal
sa uring alipin at dayukdok
at bansang laging nakalugmok
sa dusa’t alipin ng himutok.

maglulunoy ako sa iyong mga alaala
isisilid sa pulang sutlang supot
nagliliyab kong mga pangarap
buong ingat itatago sa baul ng adhika
lagi iyong tatanuran ng iyong gunita
habang umaali-aligid ulap ng pangamba
at dumaramba mga alon ng inhustisya.
oo, maglulunoy ako sa iyong alaala
kasing tingkad iyon ng pulang mga rosas
sa halamanan ng pagsinta
kasing init iyon
ng lagablab ng pakikibaka
kasing dalisay ng nektar ng gumamela.
maglulunoy akong lagi sa iyong alaala
at laging mag-aalab himagsik ng dugo ko’t diwa!

nilalagnat na init ng katanghalian
hininga ng iyong pag-ibig
sa pinakamamahal mong bayan…

Read Full Post »

Pulang Bulaklak Ng Mga Pangarap


(Tula)

pipitas lamang ako
ng ilang pulang bulaklak
sa ulilang hardin ng mga pangarap
buong ingat na sasamyuin
sa nakapapasong katanghalian
at paghimas ng dapithapon
at paghalik ng ulap
sa mukha ng nakatulalang buwan
buong ingat kong isisingit
mga petalya ng pulang bulaklak
sa mga pahina ng lumuluhang aklat
supling ako ng aking kasaysayan.

ilang pulang bulaklak lamang
ilan lamang ang kailangan
upang lumangoy ang dugo sa mga ugat
ilang pulang bulaklak lamang
upang sumikdo ang puso
upang diwa’y maglagablab
at ilulan sa pakpak ng hangin
himagsik ng inaaliping lahi
habang mga punglo’y umaangil
sa sinapupunan ng dusa’t hilahil.

oo, ilang pulang bulaklak lamang
aking pipitasin at hahalikan
sa ulilang hardin ng mga pangarap
upang di ko makalimutang
supling ako ng aking kasaysayan!

Read Full Post »

Kanino Ko Ibubulong?


(Tula)

kanino ko ibubulong
alimura ng utak na kumukulo
at himagsik ng pusong nagdurugo?

kanino ko ibubulong
himutok at pagdaramdam
ng mga katawang inilugmok ng karimlan
sa mga bangketa ng kalunsuran?

kanino ko ibubulong
hinagpis ng bitukang nabalumbon
tagulaylay ng mga matang luhaan
lagi’t laging nakatitig sa kawalan
ng papawiring walang hanggan?

kanino ko ibubulong
lagutok ng mga buto
ng pawisang katawan ng obrerong
inalipin ng kasakiman?

kanino ko ibubulong
daing ng butuhang mga bisig
ng sakadang nakaluhod sa tubuhan
at magsasakang naninimdim sa palayan?

kanino ko ibubulong
hinagpis ng munting mga daliring
nagkakalkal ng basurahan
para magkalaman ang tiyan?

maririnig kaya ito
ng diyos ni abraham
o ng uring mayamang walang pakiramdam?
maulinigan kaya ito ng binging lipunang
namanhid na yata ang budhi’t isipan?

kanino ko nga ba ibubulong
dalamhati ng lahing sumisiksik sa kamalayan
at mga eksena’y nagmamartsa sa kaisipan?

ibulong ko na lamang kaya
sa naglilingkisang cadena de amor
sa limot na’t ulilang libingan
sa ragasa ng marahas na habagat
sa madawag na kaparangan
sa lagaslas ng mga ilog
sa dibdib ng kabundukan
sa mahamog na mga bulaklak
sa pusod ng kagubatan
sa dagundong ng alon
sa naninimdim na pasigan
sa tungayaw ng kulog
at sagitsit ng kidlat
sa makulimlim na kalawakan?

kanino ko ibubulong ang lahat-lahat?
sa singasing ba ng mga punglo
upang malinaw na marinig, maunawaan
ng uring gahaman at tampalasan
litanya ng dusa’t bagabag
ng nakabartolinang mga sawimpalad?

kanino ko nga ba ibubulong
dalamhati ng uring ginagahasa ng lungkot
dahil sa mga diyus-diyosang budhi ay baluktot
walang pakialam sa kinabukasan
ng bansang hinuthot angking kayamanan?
tiyak mga bulong ko’y mauunawaan
ng mga kadugo at kauri lamang
kataling-pusod at kaisang-diwa
sa kalbaryo ng dusa’t dalita
walang hinahangad kundi makalaya
sa tanikala ng pagkatimawa
laging bumabangon sa pagkagupiling
upang milyong sulo ay paglagablabin!

oo, mga kauring sakbibi
ng dusa’t dalita…
“ang daing ng maralita
ay maririnig lamang
ng kapwa maralita.”

Read Full Post »

Older Posts »