Feeds:
Posts
Comments

Archive for June, 2007

Buwaya!


(Editoryal)

MATAGAL nang inihalintulad sa buwaya ang mga miyembro ng diumano’y marangal na Kongreso dahil sa kasibaan nila sa pera. Panahon pa yata ng yumaong Presidente Elpidio Quirino, kilala na sa pagiging salabusab sa pondo ng bayan ang kung sinu-sinong senador at kongresista kaya, tulad din ng hunyangong agad nakapagpapalit ng kulay batay sa inaangkupang kapaligiran, marami sa kanila ang biglang tumatalikod sa dating mga prinsipyo’t paninindigan, nangangayupapa sa dikta ng Malakanyang, masagpang lamang ang nakalalaway na multi-milyong pisong “pork barrel” na, dahil maalingasaw na sa mga katiwalian, pinaganda pa nga ang pangalan at tinawag ngayong CDF (countryside development fund).

Sa panahon ngayon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, P200-M sa bawat senador at P70-M sa bawat kongresista ang itinakdang CDF taun-taon, bukod pa nga sa kung anu-anong pondo at ganansiyang walang habas nilang nasasalamangka kaya, hindi na katakataka, kung bakit marami ngayon ang halos mabaliw at makipagpatayan maluklok lamang sa Kongreso. Mabuti nga kung matapat na nagagamit ang naturang pondo sa pagpapaunlad sa kanilang kinakatawang mga lugar ngunit, kalakaran na yata, nariyan ang limpak-limpak na “kickback” sa mga proyekto o pagawaing-bayan na pinondohan mula sa CDF na mula naman, sa kabilang banda, sa labis-labis na buwis na patuloy na kumukuba sa dayukdok nang sambayanan.

Noon pa mang nagdaang mga rehimen, napatunayan na ng kasaysayan ang pagkabuwaya sa “pork barrel” ng maraming mambabatas. Sa maraming pagkakataon, parang matabang karne itong inilalawit-lawit ng Hari o Reyna ng Malakanyang sa naglalaway na bunganga ng mga mambabatas na gusto nitong masilo’t mapasunod sa anumang kagustuhan o kapritso at, marami nga sa kanila, ang nagbenta ng delikadesa, ng nalalabing karangalan at ng dating prinsipyo’t paninindigan. Sa ilalim ng rehimen ni La Gloria — sa ngalan ng “pork barrel” – marami ang sumukob sa kanyang palda, lalo na sa Kamara, kaya para silang mga manyikang de susi o mga payaso sa karnabal na nagbasura agad sa dalawang kasong “impeachment” laban sa kanilang amo kahit hindi pa nasusuring ganap ang iniharap na mga impormasyon at ebidensiya.

Lalo pang tumingkad ang kanilang pagkabuwaya nang ibulgar kamakailan ni Rep. Herminio Teves ng Negros Oriental ang ipinaparatang niyang mga katiwaliang nagaganap sa CA (Commission on Appointments) ng Kongreso. Binubuo ang naturang komisyon ng 12 kongresista at 12 senador at, ayon kay Teves, kinikikilan o binabakalan o hinihingan ng mga P5-M ng tinatawag niyang “Big Five” ang mga hinihirang sa gabinete at maging sa herarkiya ng militar upang makalusot doon ang nombramiyento. Sabi ni Teves, ibubunyag niya ang pangalan ng mga ito sa isang opisyal na imbestigasyon at, kung totoo nga ang lahat, isang matinding sampal na naman ito sa makapal nang mukha ng Kongreso.

Hindi na lihim at bulgar na bulgar na, ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, ang gayong garapalang pangingikil sa CA sa mga nombradong manungkulan sa gabinete o sa mataas na puwesto sa AFP. Sapagkat mapagkukuwartahan ang maging miyembro ng CA, tulad din ng iba’t ibang makapangyarihang mga komite sa Kamara man o sa Senado, hindi na nga nakagugulat na ngayon pa lamang, ayon sa isang babaing mambabatas, 63 kongresista na ang nagbabalyahang maging miyembro nito. Hindi malayong maglabu-labo din ang marami sa kanila para pamunuan ang mga komiteng labis na pinagkakakitaan halimbawa na, unang-una, ang Komite sa mga Pagawaing-Bayan (Public Works).

Sapagkat talamak ang katiwalian sa burukrasya at, sabi nga, balon ng pera ang kakambal ng mataas na puwesto sa gobyerno, hindi lamang nga sa Kongreso naghambalang ngayon ang mga buwaya. Sa iba’t ibang ahensiya o tanggapan nito, nakalitaw ang kanilang mga pangil at handang sakmalin sa bawat pagkakataon ang pondong mula sa pawis at dugo ng nagdaralitang sambayanan. Higit na masama, maging sa templo ng karunungan at karangalan, namumugad na rin ang mga buwaya at, batay sa natuklasan ng Komisyon ng Awdit o COA, maraming katiwalian ang naganap sa PLM {Pamantasan ng Lungsod ng Maynila) tulad ng ilegal na paggastos sa pondo, ilegal na mga kontrata at iba pang mga anomalyang naglaladlad ng katiwalian. Mismong Presidente ng PLM at Lupon ng mga Rehente nito ang nasasangkot diumano sa gayong mga bagay. Sa PLM ba lamang ito nangyayari o sa iba pang pampublikong mga unibersidad na nasa kandili ng Estado?

Lubhang nakasusulak tuloy ng dugo, sabi ng mga kritikong panlipunan, na habang nakalublob sa karalitaan at walang pambili ng kahit palotsinang kabaong ang ordinaryo o masang sambayanan, walang patumanggang sinasakmal lamang ng mga buwaya sa gobyerno ang buwis na pinipiga sa kanilang bulsa.

Advertisements

Read Full Post »


(Editoryal)

NANG sinusulat ito, Hunyo 18, pinakahuling nadagdag sa listahan ng mga biktima ng mga pagpatay na pampulitika si Mario Auxillo, lider ng Bayan Muna sa Bohol at, batay sa ulat ng grupong Karapatan, umabot na nga ng 844 ang mga biktima, bukod sa 198 mga dinukot, buhat lamang noong 2001 nang magsimulang manungkulan bilang Presidente ng diumano’y Matatag na Republika si Gloria Macapagal-Arroyo.

Kailan ito magwawakas? O wala nang pag-asang magwakas sa ilalim ng naghahari-hariang rehimen?

Batay sa ibinulgar kamakailan sa Inquirer ng dalawang heneral na ayaw pang magpakilala – at ibibigay nila diumano kay Sen. Antonio Trillanes IV ang maraming impormasyon at ebidensiya kaugnay ng “Hello Garci” at mga pagpatay na pampulitika – lumilitaw na talagang malaki ang kinalaman ng militar sa mga bagay na ito. Sa isang pagpupulong ng mga sundalo, ayon sa kanila, hayagang kinumusta ng isang heneral kung ano na ang nangyayari sa kanilang “misyon” sa Luzon.

“Itinanong niya sa kanyang mga sundalo kung ilan nang militanteng mga aktibista ang kanilang napatay,” sabi ng mga nagbulgar sa Inquirer. “Hayagan nila iyong tinalakay. Ipinagyabang pa nga nila ang mga pagpatay. Utak-pulbura talaga sila.”

Dahil sa gayon, sabi ng dalawang heneral na nagbulgar ng mga impormasyon sa Inquirer, maraming militar ang nag-akalang malaking puntos para sa kanilang promosyon sa higit na mataas na ranggo kung marami silang napatay na militanteng mga aktibista, peryodista’t kritiko o mga kalaban sa pulitika ng umiiral na rehimen. Kung ganito nga ang takbo ng utak ng maraming sundalo’t opisyal ng AFP (Armed Forces of the Philippines), lalong titindi ang kaso ng mga pagpatay na pampulitika at lalong dadami ang mga desaparecidos o mga dinukot na hindi makita, hanggang ngayon, ang anino o kalansay.

Bukod sa mga nabanggit, nariyan pa nga ang ipatutupad sa Hulyo – kung hindi mahahadlangan — na HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo. Batay sa mapanikil na naturalesa ng pambansang liderato (CPR, E.O. 464, Proklamasyon 1017 at marahas na pagbuwag sa lehitimong mga kilos-protesta, kasama na nga ang nangyayaring mga pagdukot na pagpatay na pampulitika), hindi malayong abusuhin pa nga ng mga ito ang naturang kontrobersiyal na batas makapanatili lamang sa kapangyarihan.

Unang-una, napakalabo sa nasabing batas ang kahulugan ng pagiging terorista. Batay sa nilalaman nito, “ang paghahasik ng pangamba at kalituhan” at “pamimilit sa gobyerno na sundin ang labag sa batas na mga kahilingan” ay mga hakbang na ng terorismo. Pinagsama-sama maging ang karaniwang mga krimeng may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng umiiral na mga batas, at itinadhana na rin itong terorismo.

Ipinahihintulot ng HSA ang pagdakip na walang “mandamiento de arresto,” paniniktik sa mga pinaghihinalaan, pakikialam sa komunikasyon, deposito sa mga bangko at iba pa, at pagkumpiska sa mga ari-arian ng mga pinaghihinalaan pa lamang na mga terorista. Sa maikling salita, sinasalaula nito ang sagradong mga karapatan ng mga mamamayan (Bill of Rights) na ginagarantiyahan ng kasalukuyang Konstitusyon. Higit na masama, ang binuong Konseho Kontra-Terorismo ang may labis na kapangyarihang maging imbestigador, hukom, at tagapagpatupad ng batas kaugnay nito.

Ayon tuloy sa KME (Kilusang Makabansang Ekonomiya): “Ang administrasyon ni GMA ang tunay ngayong terorista laban sa sambayanan sa pagbabalat-kayong ipinatutupad ang batas. Malinaw, nakaamba ang batas kontra-terorismo laban sa mga mamamayang tunay na nagtataguyod at nagsisikap para sa mga pagbabagong panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan sa bansa. Layunin nitong lipulin ang mga kritiko ng gobyerno, ang mga nagtatanggol sa pambansang patrimonya, ang mga tumutuligsa sa mga inhustisya sosyal, at lahat ng mga taong kumukuwestiyon sa kanyang pagiging Presidente. Ang batas na ito ay bahagi ng sistematiko’t masamang pakana ng Gobyerno para permanenteng patahimikin ang anumang uri ng oposisyon at para alisin ang lahat ng hadlang sa pananatili ni GMA bilang Presidente.”

“May susulpot pang opresibong mga batas,” ayon pa sa KME. At magpapatuloy naman, sa kabilang banda – batay na rin sa ipinahihiwatig ng mga pangyayari – ang walang patumanggang mga pagdukot at pagpatay na pampulitika at garapalang pagsalaula sa mga karapatang pantao at demokratikong mga proseso.

Sino nga ba, kung gayon, ang tunay na terorista?

Read Full Post »