(Editoryal)
SA KABILA ng kung anu-anong propaganda’t estadistika ng mga tambolero ng kasalukuyang rehimen na maayos at nasa tamang direksiyon ang pamamahala ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo para sa kapakanan ng bansa’t sambayanan, lubhang balintunang pinakamababa ang grado niyang tinanggap mula sa mga mamamayan kung ihahambing sa nakuhang marka nina dating Presidente Corazon C. Aquino, Fidel V. Ramos at Joseph Estrada.
Batay sa resulta ng sarbey ng SWS (Social Weather Stations), mababa pa sa zero noong Hunyo 2007 ang grado ni La Gloria, -3 lamang. Sa kabilang banda, +7 noong Abril 1992 ang grado ni Cory, +19 ang kay Ramos noong Abril 1998 at +9 ang kay Erap noong Disyembre 2000. Maliwanag na lumilitaw tuloy, kung gayon, na disgustado ang maraming mamamayan sa liderato’t pamamalakad niya sa bansa mulang 2001 hanggang ngayon, at hindi na nga katakataka kung dumarami nang dumarami ang humihinging umalis na siya sa poder.
Pinatunayan lamang ng naturang sarbey na hindi kayang baluktutin ng anumang propaganda ang reyalidad. Anumang pagmamapuri ang ipangalandakan ng pambansang liderato lalo na sa mga SONA ni La Gloria — umuunlad ang ekonomiya, trabaho sa milyun-milyong mamamayan, pagkain sa bawat mesa, pabahay sa mga maralita, murang gamot, edukasyon para sa lahat, katuparan ng reporma sa lupa, kapayapaan ng bayan, malinis na gobyerno’t sistemang elektoral, paghahari ng demokrasya’t hustisya sosyal at kung anu-ano pang mailusyong mga programa – naghuhumindig naman, sa kabilang banda, ang hindi mapapasubaliang mga katotohanan.
Katakataka pa nga ba kung mababa pa sa zero ang ibinigay na marka ng mga mamamayan kay La Gloria noon lamang Hunyo 2007?
Una, sa kanayunan man o kalunsuran, tumitindi ang gutom at karalitaan kahit sinasabing patuloy na umuunlad ang pambansang ekonomiya. Sa Mindanaw na lamang – batay sa mga pag-aaral – 21.3% ng mga mamamayan ang nagugutom, 12.5% o higit pa sa Kamaynilaan, at mga 17% sa buong bansa. Maliwanag na tumitindi ang disempleyo at kawalan ng oportunidad sa bansa kaya napipilitang mandayuhan at magpaalipin sa kung saanmang sulok ng mundo ang milyun-milyong manggagawang Pilipino. Katotohanan ding nadaragdagan pa ang napakarami nang mamamayang walang bahay, walang lupa, walang-wala. Tanggapin nang umuunlad ang ekonomiya – sa kapakanan ng argumento – naramdaman na ba ng masang sambayanan ang naturang kaunlaran? Nalasap na ba iyon ng kanilang bituka at nalahiran niyon, kahit bahagya, ang kanilang pang-araw-araw na buhay?
Ikalawa, mulang 2001 hanggang ngayon, naging talamak ang katiwalian sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at usad-pagong naman ang hustisya para maparusahan ang mga kinauukulan. Sabi nga, ang mga kakaning-itik lamang ang kayang dagukan ng batas samantalang nagpapasasa sa pera ng bayan ang hari-hariang mga salabusab. Ano na ang nangyari sa jueteng payola, sa maalingasaw na mga kontratang tulad ng North Rail, Macapagal Blvd., PIATCO, at Venable LLP, bukod pa sa niwaldas na pondo sa pataba sa lupa (fertilizer scam), maanomalyang transaksiyon ng Comelec sa pagbili ng “automated counting machines,” at iba pa, at iba pa?
Ikatlo, sa kabila ng itinatambol na mga reporma sa sistema ng eleksiyon, ano na ang wakas ng “Hello Garci” na nagdulot ng matinding pag-aalinlangan ng mulat na mga mamamayan sa pagkakapanalo ni La Gloria sa eleksiyong pampanguluhan noong 2004? Sapagkat hindi naman naparusahan ang mga kinauukulan – unang-una na ang isang Virgilio Garcillano – at itinaas pa ng ranggo ang mga militar na nabanggit sa naturang kontrobersiyal pa ring tape, lalo pa ngang lumagabog ang kredibilidad ni La Gloria. At, parang nauulit ang lahat sa Magindanaw, nagkalat pa sa katatapos na eleksiyon ang isang Lintang Bedol.
Ikaapat, bagaman bukang-bibig ng pambansang liderato ang pagmamahal sa kalayaan at demokrasya, lalo na ang pangangalaga sa sagradong mga karapatang pantao o kalayaang sibil ng mga mamamayan, kabaligtaran naman ang mga hakbang ni La Gloria. Maliwanag nga itong napatunayan sa mapanikil niyang mga dekrito at proklamasyon na, sa opinyon ng Korte Suprema, ay labag sa Konstitusyon. Tuluy-tuloy pa nga ang mga pagdukot at pagpatay na pampulitika laban sa mga puwersang makabayan at progresibo at tandisang mga kritiko ng umiiral na rehimen. Puspusan pa nga ang pagkilos ng mga kinauukulan para ganap na ipatupad ang tiraniko’t mala-batas militar na HSA (Human Security Act) na sasalaula sa demokratikong mga proseso, magbubunsod ng higit pang mga karahasan at didiskaril sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA man o sa MILF.
Batay sa mga nabanggit, at umiiral na reyalidad ng pamumuno sa bansa ni La Gloria – pabanguhin man siya ng kanyang mga tambolero sa pamamagitan ng mga retorika’t inimbentong estadistika o purihin man niya’t buhatin ang sarili – ano pa nga bang grado ang maaasahan niya mula sa namumulat na mga mamamayan? Kulelat?