Feeds:
Posts
Comments

Archive for September, 2011

Natutulog Pa Rin Nazarenong Itim


(Tula)

ilang kahang sigarilyo, lolo hugo
sa maghapo’y kailangang ibenta mo
para maibili ng pansit-gisado
sa restawran ni be ho
sa kanto ng elizondo
naghihintay mong bunsong apo
sa nakaluhod na barungbarong
sa gilid ng mabahong estero?
ostiya na lamang kaya ang iuwi mo
sagana sa altar ni padre san pedro
sabawan ang kanin ng agua bendita
baka maglasang kalderetang tupa
sa bibig ng namayat lumuluhang sinta

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

gaygayin mo man, lolo hugo
mulang bibig ng r. hidalgo
hanggang dibdib ng bilibid viejo
wala kang matatalisod ni piso
walang pandesal mula sa langit
walang lugaw sa pondang maanghit
sa paa mo’y biglang hahaplit…
sigarilyo ng mga sugapang gaya ko
magpapakislap sa mata mo, lolo hugo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

ilang dekada na ba, lolo hugo
nagtitinda ka ng tingi-tinging sigarilyo?
nagtagpo na tayo sa plaza miranda
sa maalab, madugong mga protesta
sa panahon ng malagim na diktadura
mabulas ka noong gaya ko
sumasabit pa sa mga estribo
sa mga sasakya’y nakikipagpatintero
ngayo’y kapwa lolo na tayo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

ilang dupikal na ba ng batingaw, lolo hugo
sa pandinig mo’y umalingawngaw?
ilang himno’t salmo na ba ang nagpasayaw
sa utak mong humihiyaw?
sigarilyo, sigarilyo kayo diyan!
bawal mang hithitin sa maraming lugar…
pero usok ng tambutso ng mga sasakyan
di lason sa hungkag na tiyan
sa kauri nating laging nagkakalkal
ng grasyang mula raw sa poong maykapal
paano pakakainin apong naghihintay?

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

anong malay natin, lolo hugo
baka sa wakas magising din
sa pagkakahimlay nazarenong negro
sa yakap at halik ng milyong deboto
baka biglang bumangon din
sa dasal at misa ni padre san pedro
espada’y hawakan
putulin ang ulo
ng mga ganid sa mga palasyo
busbusin ang tiyan ng mga impakto
upang grasya nati’y di nila masolo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

malay natin, lolo hugo
kapag nagising negrong nazareno
itataas natin ang kalis ng dugo
bendisyon ng tabak at koro ng bomba
iparirinig natin sa mga asyenda
sa mga empresa at mga pabrika
sa naglumot na kuta ng inhustisya
prusisyon ng masa’y agad huhugos
palalayain ang uring busabos!
oo, lolo hugo
kapag nagising negrong nazareno
di ka na magtitinda ng sigarilyo
litson adobo’t asado iuuwi mo
sa pinakasisintang bunsong apo
pero, sa ngayon, lolo hugo…

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

Read Full Post »

Ayoko Na!


{Tula)

ayoko nang marinig
ritmo ng melodiya ng mga salita
sa parirala’t mahabang talata
ayoko nang marinig
kalantog ng yero
pinukpok hinubog ng mga latero
inihulmang bubong sa lumang sasakyang
pupugak-pugak na sa mabatong daan.
ayoko na, ayoko nang marinig
kadensa ng martsa ng mga lirika
sa tinahing piring ng mga taludtod
sa mga saknong na uugud-ugod
pusong binalsamo ay di na titibok
sa himas at hagod ng pantig na bansot
utak mawawakwak sa mensaheng bubot
bamban ng tainga ay baka madurog
sa nakabibinging daing at himutok
ng pusong lumangoy sa dagat ng lungkot
walang inaawit kundi tagulaylay
at nakababaliw na paghihiwalay
walang tinutula kundi panagimpan
ilusyon ng diwang alipin ng buwan.

sa mukha ng papel
nais kong makita’y dahak ng kataga
at madugong bisig sa mga talata
metaporang buhay sa mga adhika
ng masang kahalik maputik na lupa
lirikang maapoy sa utak ng madla
tayutay ng bala sesura ng bomba
sa bawat saknong ng pakikibaka.
nais kong marinig
sa himnong tinipa
sa dibdib ng masa
sagitsit ng punglo
sa gabing malalim
tagupak ng lintik
sa pisngi ng dilim
atungal ng kulog
sa burol na baog
bombang pinasabog
sa pusod ng lungsod
lagunlong ng hiyaw
ng diwang marangal
laging kaulayaw
ng bayang minahal!

oo, ayokong makita
de kuwadrong larawan ng mga pagsinta
o paghahalikang di ko rin madama
ako’y nabulag na sa mga milagrong
iyong ipininta
sa telon ng mata
nakahandusay sa silid ng isip
mga imaheng dulot ay himagsik
mga aliping katalik ng lagim
sa bartolina ng mga bituin.
kailan mababago itong lahat-lahat?
brasong buto’t balat
pisnging nangulubot
likod na nahukot
katawang natuyot
bitukang nalagot
habang nagpipista mga panginoon
sa mesang sagana
sa laman at dugo
ng mga utusang tiya’y kumukulo
silang mga diyos sa palasyong ginto
nguso’y nanghahaba
sa sarap ng alak
at litsong nginasab
dilag na nginabngab
kailan lilimusan
katiting na habag
masang sambayanang
siyang pinagmulan
ng yamang kinamkam?
kailan tatapunan
ng kaning nagtutong
o natirang mumo
batang pumintog ang tiyan
sa hanging naglunoy
sa kanyang katawan?

ayoko na
ayoko nang maulinig
elehiyang malungkot
odang nagdarasal
epikong matamlay
bingaw na kataga
pilay na talata
bulol na taludtod
saknong na kulubot
at mga katagang
hindi dumudura
walang pagbabanta
sa sakim na mukha
ng diyos ng sama
sa ngayo’y nais ko
nais kong tunghayan
sa lukot na papel
letrang nag-aapoy
sa lupang naluoy
tutupok sa moog
ng uring bagulbol
nais ko’y talatang matalim
lalaslas sa dibdib
ng dusa’t sagimsim.
ayoko na
oo, ayoko na
sa mga katagang di dumaramba
di gumigising sa diwa ng masa
sana’y may dagundong ng along malakas
may alimpuyo ng bagyong marahas
upang galyos ng pambubusabos
hustisyang baluktot
ganap na madurog
bayaang manlisik ang init ng araw
bayaang humiyaw ang sanlaksang titik
ulan mang naipon sa pisngi ng langit
gawing palasong ang taglay ay ngitngit
o mga punlo kayang bubutas-lalagos
sa pusong maitim ng mga balakyot
bibiyak sa bungo ng mga nagtraydor
sa ngayon at bukas
ng bansang binitay
ng diyus-diyosa’t mga panginoon
lagablab ng titik
singasing ng lintik
siyang papatay naman
sa mga limatik!

Read Full Post »

Di Kayo Desaparecidos


(Tula)

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
kayong nilamon ng lupa
kayong mga katawa’y nilapa
kayong kalamna’y ipinataba
sa damong ligaw at makahiya
di kayo nawawala
kayong isinimento sa dram
hinigop ng pusod ng karagatan
o binulok sa tagong bilangguan
kayong ulong putol malabolang sinikaran
pinagulong sa dibdib ng kagubatan
kayong nadiskaril ang kalansay
buto ng kamay ngayo’y tangay-tangay
ng asong galang nagkalkal
sa masukal na talahiban.

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
nagbagong-anyo lamang
sinalaulang katawang-lupa
sa makulimlim mang umaga
o humihilab na katanghalian
sa namamaalam mang araw
o gabi ng buwang malamlam
naroroon kayo
sa nag-usbong na hamog sa damuhan
sa kumakaway na mga uhay ng palay
sa himno ng ibon sa kaparangan
sa hagupit ng hangin
sa lumalangitngit na punong kawayan
sa tumakas na alipato
ng naglagablab na apoy sa karimlan.

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
naroroon kayo
sa uha ng lumayang sanggol
sa nagdugong puwerta ng ina
sa gumiting pawis sa noo’t mukha
ng inaliping manggagawa
sa halas sa binti’t alipunga sa paa
ng dinustang magsasaka
sa himutok ng mga dukha
sa bilangguan ng dalita
sa singasing ng hininga
ng bawat nakikibaka
para sa dangal at laya
luwalhati’t ligaya
ng bayang pinakasisinta!

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
tubig lamang kayong nilaklak
ng uhaw na bibig ng init
magiging itim kayong ulap ng langit
saka palasong ibibinit
ulang kayong hahaginit
sa lupang tinigang ng dilim-sagimsim
binhi kayo ng pangarap
muli’t muling sisibol din
halaman kayong nanilaw
kinapon ng dahas at lagim
magluluntian din sa gabing madilim
oo, di kayo nawawala
di kayo desaparecidos
sapagkat ugat ninyo’y karugtong
ng aming mga ugat
sapagkat dugo ninyo’y dumadaloy
kumikiwal din
sa himaymay ng aming puso’t laman
sapagkat diwa ninyo’y nakikipaglakbay
sa mithiin naming ayaw humingalay.

oo, di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
nagbanyuhay lamang ang katawang-lupa
paulit-ulit nga kayong mabubuhay
sa nag-aapoy naming puso’t isip
sa siil ng madamdamin ninyong halik
sa yakap ng inyong diwang katalik
di masasayang mga dasal-tagulaylay
ng lumuhang mga mahal sa buhay
kaaway man kayong itinuring
ng mga kampon ng dilim
sa utak namin kayo’y magluluningning
tatanglawan-iilawan
landas naming lalakbayin
upang tanikala ng pang-aalipin
marahas lagutin… baklasin!

Read Full Post »