(Tula)
sa jupiter, pinagpala ang mga aso
kahit iba’y mukhang estupido
ilan ay masarap na estopado
sa mundong planeta ng mga tao.
mahal na mahal nila ang mga aso
pinaliliguan, sinasabon, pinababango
hinihimas, niyayakap, hinahalikan
magdamag na kasiping sa higaan.
sariwang gatas ang ipinaiinom
makatas na karne ang ipinalalamon
ipinapasyal tuwing umaga
sa maaliwalas na parke’t bangketa.
pag-ihi’y sinusubaybayan
pagdumi’y binabantayan
pinupulot ibinuga ng puwit
isisilid sa supot na plastik
kung maaari’y magiliw na sahurin
utot, laway, tumutulong sipon.
sa jupiter, pinagpala ang mga aso
parang sinusuyong kalaguyo
pipisil-pisilin makinis na mukha
lalo na dibdib at hita
hihimasin singit pati puwit
para manatiling masunurin at mabait.
ganoon din ba nila kamahal
mga tao ng aking planeta
lalo na ang dayukdok na masa
sa pinakasisintang la tierra pobreza?
sa lupain kong inulila ng ligaya
anong lungkot, anong pait
di lamang aso ang pinapatay, kinakatay
pati tao’y inaatado, inaadobo
sa marangyang kusina ng mga dorobo
lalo’t kalaban ng inhustisya
lalo’t nagmimithing mabago na
lipunang mapagsamantala!
sa jupiter, binasbasan ang mga aso
ng mapagpalang grasya’t milagro
di gaya ng masang nalunod sa dusa
sa sinisintang la tierra pobreza
mga robot sa asyenda
mga robot sa pabrika
mga anak nagbubungkal ng basura
mapalad na kung galunggong
ilang subong kanin at bagoong
lantakan ng pamilya sa maghapon.
ano, mga nilikhang jupiteriano
kami bang tao’y mahal din ninyo
tulad ng inyong mga aso?
o baligtad ang utak ninyo
ang silangan ay kanluran
ang umaga’y gabi naman
ang puso’y nasa bumbunan
ang tao’y robot lamang?
ako po’y simpleng tao lamang
at simple rin ang aking buhay
hangad ko’y hustisya sosyal lamang
para sa masang sambayanan!
o, taong nandayuhan sa jupiter
huwag kang hangal,
huwag kaming pagsabihan
mga pinuno ninyong kasapakat
ng mayaman at gahaman
ay amin ding mahal na mahal
sila’y amin ding mga aso
sumisinta sa dikta nami’t gusto
ipagkanulo man kayo
at ipako sa kalbaryo!