Feeds:
Posts
Comments

Archive for March, 2012

Di Ko Mahanap Sa Mga Salita


(Tula)

di ko mahanap sa mga salita
sagot sa laksang mga talinghaga
di madakma sa mahabang parirala
sa sanaysay ng mga pantas at dakila
di mahimas sa metapora ng mga tula
ng makatang nabubuhay sa gunita
di malamas sa lirika ng musika
ng piyanistang dinarasal ay pagsinta
di mayakap sa aklat ng mga teorya
ng kritikong nagbabaging sa ideya
bakit ganoon? bakit ganyan?
dinidilaan ng apoy ang talahiban
naglalagablab ang kabundukan
nag-aalipato ang kabukiran
nagngangalit alon sa dalampasigan
naghihimagsik sikmurang kumakalam
sa lungsod man o kanayunan
ngunit mabini pang hinahalikan ng amihan
kuta’t palasyo ng mga gahaman
senturyon at pariseo’y naghahalakhakan
habang inililibing ang bangkay ng bayan.
bakit ganoon? bakit ganyan?
ako ba’y binulag ng mga ilusyon
sa aking pagtahak sa aking panahon?

di ko mahanap sa mga salita
sagot sa laksang mga talinghaga
di yata sapat na sa letra lamang
sisirin dagat nitong kasagutan
bakit mabunyi silang nagdiriwang
tayo’y nananangis at nananambitan?
bakit ganoon? bakit ganyan?
tayo ba’y nilunod sa kamulalaan
utak binalsamo sa morgeng hantungan?
baka kuwit,tuldok at panandang tanong
sumiksik sa rehas nitong kamalayan
kung isusudsod sa putik ng linang
paang naglagalag at balot ng libag
kung uulinigin ingit ng araro
habang niwawalwal madamong tiningkal
tuwing gagawakin dibdib ng bukirin
gagawing libingan ng mga bituin
baka magbanyuhay itong pang-unawa
kung pagmamasdan ang luha ng damo
habang pinuputol ang tuhod ng tubo
kung mga daliri’y itinuturnilyo
laging pinupukpok ng mga martilyo
sa pabrikang ataol ng layang sagrado
oo, di ko mahanap sa mga salita
kung paano babaklasin-lalagutin
tanikala ng kumakalam na sikmura
kung paano tutuyuin sa mukha ng dukha
hilamos ng maalat na luha
kung paano palalayain mga timawa
sa bilangguan ng dusa’t dalita.

di ko mahanap sa mga salita
sagot sa laksang mga talinghaga
wala nga yata sa linaw ng mga kataga
sagitsit ng kidlat
hagupit ng lintik
singasing ng punglo
silakbo ng dugo
atungal ng bomba
sa altar ng dusa
tanging nakikita
lalangoy sa mata
eksena ng pelikula
ng mahabang pakikibaka
sasagutin sa wakas
daluhong ng talinghagang di madakma
ng lamyos-linaw ng mga kataga
at ipipinta ng pinturang pula
sa lonang noong nangulubot
sa kuwadrong mukhang malungkot
maningning na liwanag ng araw
kung bakit tayo’y laging alipin
ng uring ganid at balakyot
sa lipunang nabubulok!

Advertisements

Read Full Post »


(Tula)
Pasintabi sa ilang linya sa tulang tungkol sa Aprika ni Patrice Emery Lumumba, unang Presidente ng Demokratikong Republika ng Congo na pinatay ng mga kalaban niya sa pulitika sa udyok diumano ng Central Intelligence Agency o CIA ng Amerika.

sa loob ng ilang dantaon
parang hayop kang nagdusa
ikaw, indio, ng aking la tierra pobreza
dinurog-giniling ang iyong mga buto
hanggang maging abong ipinatangay sa hangin
isinabog  sa kagubatan at kabukiran
ng puting mga panginoon ng dusa’t inhustisya
nagniningning na mga templo ang itinayo
ng iyong mang-aalipin
para pangalagaan ang iyong kaluluwa
para panatilihin ang iyong pagdurusa.
karapatan nilang matindi kang bugbugin
karapatan nilang walanghabas kang latiguhin
karapatan mong manangis at mamatay
walang katapusang gutom
walang hanggang tanikala
nililok nila sa iyong katawan…
sa luntiang kumot ng kasukalan
parang dambuhalang ahas na gumagapang
palapit sa dinusta mong kabuuan
lilingkisin ka ng kamatayan.
sa iyong leeg isinabit nila
bakal na bola ng karalitaan
asawa mo’y pinagsamantalahan
perlas na maningning ng iyong tahanan
sinakmal-sinaid di masukat mong yaman.
parang tunog ng mga tambol sa karimlan
hinagpis ng mga kaluluwang nilapastangan
parang lumalagaslas na agos ng ilog
luha’t dugo ng mga biktima ng kalupitan.
oo, mula sa banyagang dalampasigan
naglakbay sila tungo sa iyong inang-bayan
sandata’y krus at espadang itinarak
sa puso mo at isipan
upang la tierra pobreza mo’y pagharian
ginawang kalabaw ang iyong mga anak
sa mga lupaing kanilang kinamkam
ginawang turnilyo’t martilyo
bisig ng iyong mga supling
sa mga pabrika nilang gilingan ng laman
habang ipinangangaral sa sangkalupaan
mahabagin ang diyos sa kanyang nilalang
ngunit lagi kang nananangis, indio
pinaiilanlang sa hangin melodiya ng panambitan
habang sa harap ng naglalagablab na apoy
nagsayaw ka nang nagsayaw, indio
hanggang kumulo ang iyong dugo
hanggang sumilakbo ang iyong puso
sinindihan mga mitsa ng paghihimagsik
ginilitan ng leeg dating mga panginoon
ngunit nahalinhan ng bagong diyus-diyosang
umaalipin sa iyo hanggang ngayon
kasabuwat pa’y ilang kalahi mong mandarambong!

oo, indio, ng aking la tierra pobreza
daan-daang taon kang inalipin
at inaalipin hanggang ngayon
ng mga panginoon ng dusa’t pagsasamantala
ngunit sa lagablab ng apoy
ng sigang sinindihan
ng mga aninong kalansay na ngayon
patuloy na magsasayaw at maglalamay
sa karimlan ng gabi
sa burol at kagubatan
mga supling  mong magigiting
itititik ng kanilang mga dugo
sa naninilaw na damuhan ng pag-asa
laya mong labis na sinisinta
masdan mo ang pagputok ng umaga
samyuin ang halimuyak ng ligaya
tutuyuin ng amihan sa mukha mo
luha ng dalamhati ng lahi
kapag tuluyang nag-apoy
naglagablab-nag-alipato
naghihimagsik na mga talahib
sa mga burol at sabana
magdiwang ka, indio!
umindak kang buong sigla
sa kadensa ng bagong lirika
madaling-araw ay daratal na
sa puso ng ating la tierra pobreza!

Read Full Post »


(Tula)

di tayo mandarambong ng pondo ng bayan
di tayo namili o nagpalimos ng kapangyarihan
sikmura ma’y malimit na kumakalam
di natin nilulunok ang dignidad
o nginangasab ang kahihiyan
mga anino tayong naglalamay sa karimlan
sa piling ng gaplatong buwan
sa mapagkandiling kagubatan
ng cadena de amor, makahiya’t damong-ligaw
humahabi tayo ng melodiya ng kalayaan
para sa ibinartolinang bayan
sa kuta ng mga panginoon ng dusa
at mga taliba ng inhustisya.

di tayo mandarambong ng pondo ng bayan
kaya wala tayo sa pinalamig na silid
ng humuhuning elektrisidad
manapa’y hinahaplos ng amihan
mapanghimagsik nating kabuuan
wala tayong platong porselana
wala tayong mamahaling kopita
wala tayong sopa de gallina
lechon o adobo sa mesa
makalyong mga palad
tenidor natin at kutsara
kaning lamig, hito’t dalag
na nahuli sa sapa
saluyot at talbos ng ampalaya
sa dahong saging na mesa
hinahalikan ng labi nati’t ngalangala.

di tayo mandarambong ng pondo ng bayan
kaya lagi tayong nagsasabi ng katotohanan
di natin nilulunod sa ilusyong kaunlaran
at tinagni-tagning kasinungalinan
masang sambayanang tumitigok ang lalamunan
manapa’y sa puso natin nagmumula
dalisay na agos-tubig na dakila
sa hininga natin dumaramba ang hangin
sa kamay natin nag-aapoy ang mithiin
sa utak natin nagngangalit ang layunin
bansa’y mapalaya sa pang-aalipin
oo, di tayo mandarambong ng pondo ng bayan
di nagsasangla ng kinabukasan
manatili lamang sa kapangyarihan
tayo’y mandirigma ng dangal at laya
musa nati’y banal na adhika
tanging sinisinta’y sambayanang masa
tanging dinidiyos lipunang maganda!

Read Full Post »

Bahay-Kubo Ko’y Giniba


(Tula)

bahay-kubo ko’y giniba
nang nananangis ang hangin
sa mga dahon ng punong mangga
at nababagabag titig ng araw
sa tinuklap na pawid-bumbunan
unti-unting ginilit-nilagari
buto ng natuyong lalamunan
binaklas kawayang kasukasuan
nilansag patpat na mga tadyang
waring babaing nanambitan
nang laslasin-hubarin
blusa’t paldang sawaling
nakabalot sa kariktan ng katawan
minaso’t pinalakol
hita’t tuhod na tumutol
hanggang tuluyang lumuhod
bumukaka’t nagpaubaya
sa sumisikdong tiyan ng lupa
saan ngayon maghohosana ang diwa
sa minimithing ligaya at laya?

naglalambitin ngayon
sa telon ng mga luha
puti-itim-asul-pula
ayaw lumisang mga alaala
dumadaluhong mga eksena
ng mga orasyon ng pagsamba
sa katalik na ideolohiya
para sa pinakasisintang
la tierra pobreza
sa kalansay ng kubong giniba
naglipana mga mukhang umiyak-tumawa
mga diwang nalasing-nabaliw
mga labing sumigaw-nagmura
mga dibdib na hitik ng ngitngit
butuhang mga daliring nakikipagniig
sa pinsel at baril
sa tinta at pluma ng paghihimagsik
ngayong kubo ko’y giba na
at gabi’y maulap-masigwa
saan makikipagromansa
talisik ng isip
at pintig ng puson at dibdib
para marating minimithing langit
ng dustang kauring alipin ng lintik?

oo, bahay-kubo ko’y giniba
katawa’y nagkalasug-lasog
mga buto’y sumabog-nadurog
inatadong laman naagnas-nabulok
ngunit pagsinta sa irog
ay di mababaog
di masasaid ang libog ng pusod
di mamamatay ang liyab at alab
ng angking pag-ibig
sa mga kauring kayakap ng lungkot
silang mga buto ay lumalagutok
sa inyong asyendang moog ng balakyot
silang katawan ay inyong hinuthot
sa inyong pabrika sa dibdib ng lungsod
habang kayo nama’y nagpapakabusog
sa pawis at dugo ng aming alindog
kayong panginoong walang pakundangan
sa aming dignidad at kinabukasan
mayroon ding hangganan
hanggang sumisibol ang damong luntian
sa gubat at bundok
hanggang lumilipad ang malayang ibon
sa bukid at gulod
hanggang dumaramba marahas na alon
sa pader ng dagat
bahay-kubo namin ay di mapipigil
sa pagbabanyuhay
tungo sa lunggating pantay na lipunan!

Read Full Post »