Feeds:
Posts
Comments

Archive for August, 2008

Hacienda Magdalena


   (Tula)

 (Pasintabi sa mga linya ni Antonio Jacinto ng Angola, Timog Aprika)

             1.  sa malawak na lupaing iyon

                  ay bihirang umulan

                  pawis ng aming noo

                  ang nagdidilig sa tubuhan.

                  sa malawak na lupaing iyon 

                  matataas na ang mga tubo

                  dugo ng aming katawan

                  ang katas ng mga tubong iyon.

                  masdan mo: puputulin na ang mga tubo

                  dudurugin at gigilingin

                  hanggang maging kayumanggi

                  sintingkad na kayumanggi ng mga sakada.

              2.  tanungin mo ang nagliliparang ibon

                   ang nagluluksuhang agos

                   at malakas na hangin sa kaparangan:

                   sino ang gumigising

                   bago magbukang-liwayway?

                   sino ang nagbabanat ng buto

                   hanggang halos sumuka ng dugo?

                   sino ang  mga kamay sa paggapas

                   ang sapin-sapin ay kalyo at pilat?

                   sino ang sunog ang balat ng braso’t mukha

                   sa tindi ng sikat ng araw?

                   sino?

               3.  sino ang nag-aalaga sa mga tubo

                    sa mga palayan at manggahan?

                    sino?

                    at ano lamang ang kabayaran:

                    alipusta at paghamak

                    panis na lugaw

                    kapirasong galunggong

                    damit na basahan

                    singkuwenta pesos

                    at gulping katakut-takot

                    kapag umangal at nagdabog!

               4.   sino ang nagkakandakuba sa trabaho

                     may maibili lamang ng kotse

                     mansiyon at babae ang asendero

                     at makapagliwaliw pa

                     sa hongkong, amerika at europa?

                     sino?

                     sino ang nagpapayaman sa mga dayuhan

                     ang nagpapalaki sa malabutete

                     nilang tiyan?

                     sino ang tagaktak ang pawis

                     habang nagkakamot lamang ng bayag

                     ang puting dayuhan?

                 5.  tanungin mo ang nagliliparang ibon

                      ang nagluluksuhang agos

                      at malakas na hangin sa kaparangan…

                      sino?

                      at sila’y sasagot:

                      putang-ina n’yoooooooooo

                      hacienda magdalena!

                      nababanaagan na namin

                      ang isang madugong bukang-liwayway!

                                                                                     (Tula) (more…)

Advertisements

Read Full Post »

Jihad At Bangsamoro


(Kolum)

BATAY sa maniobra ng mga basalyos ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, maliwanag na ginagamit lamang na instrumento ng Reyna ng Malakanyang ang usapin ng Bangsamoro upang makapanatili siya sa poder matapos man ang kanyang termino ng panunungkulan sa 2010.  Alam na alam nila na kung hindi pansamantalang ipinatigil ng Korte Suprema at  natuloy  agad ang pirmahan ng kasunduan sa Kuala Lumpur, Malaysia kamakailan sa pagitan ng mga kinatawan ng MILF  (Moro Islamic Liberation Front) at ng Republika ng Pilipinas   na magpapalawig sa teritoryong bumubuo ngayon sa ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) na magiging isang nagsasariling Bangsamoro, hindi naman agad maipatutupad ang mga nilalaman ng naturang kasunduan.  Kailangan pang lumikha ng isang batas ang Kongreso, magdaos ng isang plebisito at susugan o baguhin ang Konstitusyon ng bansa upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng isang Bangsamoro na may sariling lehislatura, hukuman at pulisya, at karapatang makinabang sa likas na mga kayamanan sa katutubong lupain (ancestral land)  ng mga Muslim doon.

Katunayan, binigyang-diin ni Sekretaryo Hermogenes Esperon, Jr., tagapayong pangkapayapaan ni La Gloria,  na “hindi sakop ng kasalukuyang Konstitusyon ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa BJE (Bangsamoro Juridical Entity) na mangulekta ng lokal na buwis, magkaroon ng administratibong hurisdiksiyon, at kontrolin ang mga minahan at iba pang likas na yaman sa sakop ng lupain nilang katutubo.”  Samakatuwid, ayon na rin sa kanya, kailangang susugan o baguhin ng Kongreso ang kasalukuyang Konstitusyon at ganito rin ang opinyon ni Rodolfo Garcia, punong negosyador ng gobyerno hinggil sa kapayapaan.  Idinagdag pa nga ni Esperon na “hindi kasarinlan” ang ipagkakaloob ng gobyerno sa Bangsamoro kundi gagawin lamang itong “isang estado sa loob ng isang estado” na tinatawag na pederalismo. 

Sapagkat, noon pa man, isinusulong na ng kasalukuyang rehimen ang Cha-Cha (Charter Change) o pagbabago sa Konstitusyon at gawing parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan — hindi na presidensiyal — ang sistema ng gobyerno at, kung maaari, magawa ito bago matapos ang termino ni La Gloria, hindi tuloy maiwasang hinalain ngayon na talagang hindi ang paglutas sa problema ng mga Muslim sa Mindanaw ang layunin ng kasalukuyang rehimen kundi, sa kabilang banda, ang minimithing Cha-Cha sa udyok na rin ng makasarili’t gahamang interes sa kapangyarihan.  Kung parlamentaryo na nga ang sistema ng gobyerno, kuwalipikado pang muling maging presidente o punong ministro si La Gloria.  Puwede ring palawigin ng bastardong mga pulitiko ang termino ng kanilang panunungkulan.  Higit sa lahat, sa dikta ng imperyalismong Amerikano, aalisin sa bagong Konstitusyon ang mga limitasyon upang makapagmay-ari na ng mga lupain dito ang dayuhang mga kapitalista, 100% makontrol ang mga korporasyon at pasukin maging ang pambayang mga utilidades — tubig at kuryente, telekomunikasyon at transportasyon, at maging “mass media,” mga ospital, mga kolehiyo at unibersidad na, kung tutuusin, talagang dapat na hawak o kontrolado lamang ng mga Pilipino alang-alang, unang-una, sa pambansang seguridad at makabayang ekonomiya.

Dahil nilalaro lamang sa dulo ng mga daliri ng pambansang liderato ang usapin ng Bangsamoro, at tinitingnan pa ng maraming pulitiko sa apektadong mga lugar sa Mindanaw na tunggalian ito sa pagitan ng mga Muslim at mga Kristiyano — halimbawa sa Hilagang Kotabato , Zamboanga at Iligan, lalo’t susuriin ang  mga pahayag at hakbang ng lokal na mga opisyal doon – maaari tuloy mauwi sa armadong mga karahasan o sagupaan ang bagay na ito.   Maliwanag naman na tutol lamang sila sa pagkakaroon ng isang Bangsamoro dahil mababawasan ang kanilang pampulitikang teritoryo at limpak-limpak na pakinabang sa puwesto tulad din ng pagtutol ng dayuhang mga kapitalistang namumunini sa likas na mga kayamanan ng Mindanaw at, ipinagdaralita naman, sa kabilang banda, ng libu-libong pamilyang Muslim doon.

Bakit nga ba nagrebelde, at patuloy na nagrerebelde, ang  kapatid nating mga  Muslim sa Mindanaw?  Kung uugatin, hindi ito kuwestiyon lamang ng usapin sa teritoryo o kultura o paniniwalang panrelihiyon kundi, higit sa lahat, malubhang usapin ito ng labis na kapabayaan at kainutilan ng gobyerno — ngayon at noon pa mang nagdaang mga rehimen — na paunlarin ang Mindanaw kaya atrasado at  alipin ng karalitaan at inhustisya ang maraming lugar doon.  Hindi maikakaila, ilang grupo lamang ng maimpluwensiya’t makapangyarihang mga tao, kasama na ang mapandambong na dayuhang mga kapitalista, ang lubos na nakikinabang sa likas na mga kayamanan ng lugar sa kapinsalaan, unang-una, ng libu-libong pamilyang Muslim.  Masisisi ba, kung gayon, na mithiin ng mga Muslim na magkaroon sila ng isang nagsasariling Bangsamoro upang pangalagaan ang kanilang kapakanan at kinabukasan?

Dahil sa ipinamamalas na armadong tunggalian ngayon ng mga puwersa ng gobyerno at ng MILF — na ginagatungan pa nga ang apoy ng iresponsableng mga pahayag ng lokal na mga opisyal doon upang tingnan ang lahat bilang labanan ng mga Muslim at Kristiyano – hindi tuloy malayong mauwi sa banal na pakikidigma o jihad ang pakikibaka ng kapatid nating  mga Muslim tungo sa kanilang mithiing pamahalaan ang kanilang sarili sa pamamaraang angkop sa kanilang mga pangangailangan at kultura at pangalagaan at pakinabangan, higit sa lahat,  ang likas na yaman ng lupain nilang katutubo na pinagpapasasaan lamang ng  mapandambong na interes ng iilang piling grupo ng mga tao.

Sa maikling salita, hindi dapat laruin lamang — at guluhin — ng pambansang liderato  ang usapin ng Bangsamoro o  gawin lamang itong instrumento ng kanilang makasarili’t gahamang interes sa kapangyarihan.  Kapag nagkataon, higit na magiging masalimuot ang lahat — at hindi kayang lutasin maging ng susunod na rehimen — kung mauwi sa jihad ang lahat.  Kung dahas pa rin ang itutugon ng pamahalaan sa lehitimong mithiin ng mga Muslim sa Mindanaw, panahon na marahil na maunawaan ng pambansang liderato ang napakahaba nang kasaysayan ng kanilang banal na pakikidigma o tinatawag na jihad.

Sa simula pa ng kasaysayan ng Islam, kakambal na nito ang pakikidigma. Sinakop ng propetang si Mohammed ang Mecca sa pamamagitan ng dahas.  Nakipaglaban siya sa siyam na pakikidigma at iniutos ang marami pang ibang mga pakikipaglaban. Nang idikta niya ang mga nilalaman ng Koran, malinaw na inilahad na makatuwiran ang armadong jihad bilang kasangkapan ng ebanghelismo, bagaman ipinahihintulot din ang di-marahas na jihad sa pamamagitan ng puso, dila at kamay.

Pinagkaisa noon ng bagong pananampalatayang ito — na tinatayang halos milyon na ngayon ang mga tagasunod — ang marahas na mga tribong Bedou ng peninsulang Arabiano, at sila ang naging panagupang tropa sa mga pakikidigma para sa Islam.  Matapos mamatay si Mohammed noong taong 632, naglunsad ng sunud-sunod at waring walang katapusang mga jihad ang mga kalipang humalili sa kanya, una laban sa mga tribong tumalikod sa Islam at pagkatapos ay laban sa mga kanugnog-bansa.  Mabilis na nasakop ng hukbong Bedou ang Syria, Iraq, Palestina, Ehipto at Persia (Iran ngayon).  Isinulong ang jihad hanggang Hilagang Aprika at Espanya at nasugpo ang paglaganap noong 732 sa napabantog na labanan sa Tours, Pransiya.

Noong mga unang taon ng 1900, sa pamamagitan ng madugong mga jihad, nanalasa ang hukbong Wahhabi Bedou, minasaker ang mga kalaban ng Islam, hanggang maitayo nila ang makabago ngayong kaharian ng Saudi Arabia.  Bago ito, sa ibang panig ng mundo, dumanak din ng dugo dahil sa mga jihad.

Noong mga 1880, sa rehiyong Nile ng Sudan, ipinoroklama ni Muhammad Ahmad ang sarili bilang Mahdi o pinapatnubayan ng banal na espiritu at nagdeklara siya ng jihad laban sa mga “hindi nananampalataya” at dinurog ng kanyang puwersa ang 10,000 sundalo ng hukbo ng Ehipto, nilipol pagkatapos ang mga nagtanggol sa Khartoum, kabilang ang Ingles na heneral na tinawag na “Chinese” Gordon.  Pagkamatay ni Ahmad, itinuloy ng pumalit sa kanya ang banal na pakikidigma hanggang talunin ng magkasanib na hukbong Ingles-Ehipto ang puwersa nito.  Sa loob lamang ng isang araw, 20,000 Mahdista ang napatay ng isang pangkat ng naturang hukbo na nasa ilalim ni Sir Herbert Kitchener at ng isang batambatang opisyal na si Winston Churchill dahil sa kanilang mga baril na Maxim o “machine gun” ngayon.

Batay sa nabanggit na kasaysayan ng mga jihad, dahas pa rin ba ang itutugon ng pamahalaan sa lumulubhang usapin ng Bangsamoro?  Lubhang napapanahon na nga na matapat na harapin ng pambansang liderato — hindi laruin at gawing tuntungan ng makasariling mga interes — ang pakikipagnegosasyon sa MILF upang malutas ang deka-dekada na ring rebelyon ng mga Muslim sa Mindanaw.  Higit sa lahat, hindi dapat ipinta sa mata ng sambayanan ng ambisyoso’t bastardong mga pulitiko na tunggalian ito ng Muslim at Kristiyano upang hindi mauwi sa jihad ang lahat. Panahon nang aminin, at lunasan ng mga kinauukulan, na nag-ugat ang lahat-lahat sa kapabayaan at kainutilan ng pamahalaan na isulong ang kaunlaran ng Mindanaw noon pa man.  Mananatiling nakabalandra ang mukha ng rebelyon doon hanggang biktima ng karalitaan at inhustisya ang kapatid nating mga Muslim sa naturang rehiyon.

                                                                                                   (Kolum)

 

 

 

 

Read Full Post »