Feeds:
Posts
Comments

Archive for July, 2008

Bulkang Sosyal Ang Bansa


(Kolum)

MGA ILANG dekada na ang nakararaan, maraming mga palaaral sa lipunan at pulitika ang naghambing sa bansa sa isang bulkang sosyal na maaari diumanong sumabog anumang oras kagaya ng Mt. Pinatubo kahit mga 600 taon na itong natulog.  Mula pa sa nagdaang mga rehimen dahil sa napakasamang kalagayang panlipunan, lalo na sa panahon ng diktadurang Marcos, kung sinu-sino na ang humula na puputok na sa wakas ang naturang bulkang sosyal kapag hindi nabago ang grabeng kalagayang panlipunan, pampulitika man o pangkabuhayan.

Katunayan, sa isang artikulo ng yumaong Teodoro M. Locsin, Sr. ng Philippines Free Press, nilinaw niyang inihambing na noon   ni Claro M. Recto — namayapa na rin at kinilalang makabayang senador noon ng Republika — ang pambansang kalagayan sa umiral na mga pangyayari sa Cuba bago nagkarebolusyon doon na pinamunuan ni Fidel Castro at nagbagsak sa malupit at mapagsamantalang rehimen ni Fulgencio Batista.  Sa isang artikulo rin sa Reader’s Digest ni Carl Rowan, dating direktor ng US Information Agency,  binigyang-diin niya na kagaya nga ng Cuba ang Pilipinas bago napatalsik sa poder si Batista.

Ano ang mga kalagayang umiiral noon sa Cuba na masasabing namamayani rin ngayon sa Pilipinas?

Sabi nga ni Rowan: “ang pagwawalang-bahala ng naghaharing-uri, ang pagkakaroon ng mga subersibo at gerilya sa kabundukan, ang patuloy na pag-ungol ng disgustadong mga estudyante at intelektuwal sa mga siyudad.”  Idinagdag pa niya na “napakaliit ng minoryang mahigpit na pumipisil” o kumokontrol sa kayamanan at pulitika ng bansa at nagigising na ang masa, ang sambayanan, sa katotohanang ito.  Nakikita na ng mga mamamayan, ayon kay Rowan, “ang kasalanan ng isang oligarkiyang gumagamit ng katiwalian, at umuupa ng mga mamamatay-tao, para makapanatili sa kanilang pribilehiyadong katayuan.”  Kung hindi diumano mababago ang masamang kalagayang ito, kung hindi diumano “magigising ang naghaharing-uri sa mga pangangailangan ng masa,” dagdag niya, “maaaring magkaroon ng malaking gulo sa bansa.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong noon pa man ni T. M.  Locsin, Sr.   O nabago na ng kasalukuyang rehimen ang napakasamang kalagayang panlipunan at kontento na ang sambayanan?

Sinasabing lalo pa ngang naging malaganap ang karalitaan ngayon.  Mga 85% ng sambayanan ang talagang pobre at lubhang miserable na ang pamumuhay.  Hindi na maikakailang marami sa kanila ang kulang sa masustansiyang pagkain, nagtitiis sa kanin at asin o lugaw na hangin ang ulam.  Marami sa kanila ang walang bahay, walang lupa, walang-wala, at nakikisiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod habang, sa kabilang banda, nagtatampisaw sa kayamanan ng bansa ang dayuhang mga negosyante, ang bastardong mga pulitiko, ang iilang grupo ng maimpluwensiya’t mapribilehiyong Pilipino.  Katunayan, batay sa pananaliksik ni John Doherty — Amerikanong Heswita — isang ikalimang (1/5) bahagi lamang ng populasyon ang nakikinabang sa 50% ng pambansang kita at 60 pamilya lamang, ayon naman sa manunulat-mananalaysay na si Stanley Karnow, ang kumokontrol sa kabuhayan ng bansa. 

Bunga ng naturang katotohanan, bukod pa sa mapaminsalang galamay dito ng imperyalismong Amerikano, hindi na dapat ikagulat kung manatiling busabos ang malaking bahagi ng sambayanan, ang 85% ng populasyon na halos kumain-dili.  Hindi na rin katakatakang lalong lumaki ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at sa mahirap at lalo pang maghirap ang milyun-milyong maralitang Pilipino.

Sa kabila ng mayabang na ipinangangalandakan ng mga tambolero o propagandista ng kasalukuyang rehimen na “maganda’t papaunlad ang buhay ng mga mamamayan at ang ekonomiya ng bansa,” hindi na kailangan marahil ng sinuman ang may mataas na gradong salamin upang makita ang tumitinding mga kontradiksiyon sa ating lipunan.  Mahirap nang mapasubalian ang katotohanang patuloy na lumalaganap ang kawalang-trabaho o disempleyo, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nang walang kaukulang pagtaas sa suweldo lalo na ng ordinaryong mga manggagawa. Patuloy na tumataas ang mga buwis, at nag-iimbento pa ng mga bago, patuloy na bumabagsak ang halaga ng piso kontra dolyar habang patuloy namang ibinabaon sa utang ang bansa — kaya patuloy at patuloy ngang nagiging miserable ang kalagayan ng masang sambayanan.

Malinaw nang nailarawan ng yumaong Senador Benigno “Ninoy”  Aquino, Jr. sa isa niyang pagtatalumpati sa Amerika noon ang naturang marawal na pambansang kalagayan.  Bagaman ang katayuan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos ang tinutukoy niya noon, kapansin-pansin na parang wala ngang ipinagbabago ang mga problemang pangkabuhayan at pampulitika o panlipunan ng bansa magpahanggang ngayon. 

Sinabi ni Ninoy Aquino: “Ang Pilipinas ay isang lupain ng nakalilitong pagkakaiba. Narito ang isang lupaing iilan ang labis na mayaman habang lubos na nagdaralita ang masa.  Narito ang isang lupaing ang kalayaan at mga biyaya nito ay totoo lamang para sa iilan at isang ilusyon lamang o pangarap para sa nakararami. Narito ang isang lupaing nananalig sa demokrasya ngunit pinatatakbo ng isang matibay na plutokrasya.    Narito ang isang lupain ng pribilehiyo at ranggo — isang republikang diumano’y para sa pagkakapantay-pantay pero sinasalaula ng isang sistema ng pag-uuri-uri.”

Idinagdag pa niya na ang pamahalaan nito’y “halos bangkarote sa pananalapi” at ang mga sangay nito’y “pinaghaharian ng mga utang at katiwalian” at, higit sa lahat, “bagsak ang mga industriya.”  Sa kabila ng lahat, binigyang-diin ni Ninoy, “wala namang pagpaplanoing pangkabuhayan, walang pagtatangkang paunlarin ang ekonomiya, kung kaya nanlulupaypay ang mga Pilipino… nakakulong sa kawalang-pag-asa, walang layunin, walang disiplina, at walang pagtitiwala sa sarili.”  Sabi niya, ito’y dahil na rin sa ating “mga lider na nangangalandakan ng pagmamahal sa bayan ngunit, sa katotohanan ay higit ang pagmamahal sa kani-kanilang sarili.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong nga noon pa man ni Locsin.  O hindi pa totoong miserable ang sambayanan?

Maaaring kontento pa nga ang sambayanan at nakangingiti pa sa kanilang kabusabusan.  Ikinakatuwiran ng mga palaaral sa pulitika na ang sambayanang Pilipino ay hindi naman kasing miserable ng sambayanang Ruso bago ibinagsak ng mga Bolshevik, sa pamumuno ni Vladimir Ilyich Ulyanov o Lenin, ang rehimeng Tsarista ng mga Romanov sa Rusya.  Hindi rin sila diumano kasing miserable ng sambayanang Tsino bago naluklok sa poder ang rehimeng Komunista nina Mao Tsetung.  At, ayon noon kay Locsin, lalong hindi sila napakamiserable kagaya diumano ng milyun-milyong taga-India na hindi naman naghimagsik laban sa kanilang sistema sosyal at sa gobyernong dahilan ng kanilang pagkamiserable.

Kung hindi pa nga ganap na miserable at kahabaghabag ang sambayanang Pilipino, bakit nga ba magagalit at maghihimagsik? dagdag na tanong pa ni Locsin.

Sa punto ng mga konserbatibo, totoong patuloy na yumayaman ang mayaman at talagang lalong naghihirap ang mahirap dahil kontrolado nga ng iilang pamilya ang ekonomiya’t pulitika ng bansa habang, sa kabilang banda, patuloy pang hinuhuthot ng mga dayuhan pero, sa bawat panahon, anuman ang dumating na rehimen, nakasanayan na daw ng masang sambayanan ang kahirapan at kilalang-kilala na nila ang mukha ng karalitaan.  Kung totoo mang binubusabos ng mga kapitalista sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon ang mga manggagawa, o kung inaalipin man ng mga propiyetaryo’t asendero ang mga magsasaka, may trabaho pa naman daw sila kahit papaano at higit daw mahirap ang wala silang pinagkakakitaan lalo na ngayong laganap ang disempleyo.

Kung hindi man daw sapat ang kanilang suweldo o kinikita sa kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo — bigas man o mais, tubig man o kuryente, sabon man o mantika — may kinikita pa rin daw sila kahit paano. Makabibili pa rin daw sila ng kape’t ilang pandesal na pantighaw sa kumakalam na sikmura.  Kahit malimit na hindi na sila kumakain nang tatlong beses sa maghapon, kahit kamote’t mais, kahit lugaw at asin ang kanilang kinakain, ang mahalaga daw ay may kinakain pa rin sila at sanay naman silang kumain ng kahit ano, basta puwedeng kainin.

Kung mataas man daw ang pasahe sa mga sasakyan, puwede daw naman silang maglakad na lamang dahil hindi pa naman sila pinuputulan ng mga paa.  Kung sa dampa man daw sila nakatira, o sa mumurahin at masikip na entresuwelo, o sa mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod, o natutulog na lamang sa mga bangketa, sa mga kariton at mga damuhan ng parke, ang mahalaga daw ay may natutulugan pa rin sila at puwede bang lumikha ng bata.  Kung nagdaramit daw sila ng animo’y basahan, kung hindi man daw nila mapag-aral ang kanilang palabuy-laboy na mga anak, kung anuman ang lahat ng kahirapang ito, ang mahalaga daw ay nabubuhay pa rin sila kahit ipinagkakait sa kanila ng tiwaling lipunan ang karapatang mabuhay nang parang tao sa ilalim ng isang tunay na hustisya sosyal.

Bakit nga ba magagalit pa? tanong ng mga konserbatibo.  Matitiis pa naman daw, marahil, ang lahat-lahat.

Ayon nga sa artikulo ni T. M. Locsin, Sr. noon, nariyan pa naman ang Simbahan kung saan puwedeng magdasal kahit minu-minuto, oras-oras o araw-araw.  Baka nga mahabag din ang maawaing langit at kahit hindi kami naniniwala sa mga milagro, baka bigla ngang umulan ng bigas at talong na may kasama pang bagoong, ng damit at pera para sa sambayanang dayukdok.  Isa pa, sabi ng mga relihiyosong nag-uunan ng Bibliya, mapapalad daw ang mga maralita.  Mas matindi diumano ang paghihirap nila sa lupa, mas malaki daw naman ang kanilang gantimpala sa kalangitan.  Hindi na bale daw na maghirap, magtiis at magsakripisyo sila nang husto sa lupa sapagkat, sa kabilang banda, puro kaligayahan naman daw ang naghihintay sa kanila sa sinasabing kabilang-buhay — walang gutom, walang uhaw, at buhay na walanghanggan basta’t manuntunang lubos sa mga aral ni Kristo.  Puwede ngang tiisin ang lahat — kung gayon.

Nariyan din daw ang kalayaan sa pamamahayag at binubuhay nito diumano ang ilusyong may kalayaan.  Sabi nga, huwag lamang libelo, pinahihintulutan daw ang sambayanang ipahayag ang anumang pagtuligsa sa masama’t tiwaling administrasyon, batikusin man ng maaanghang na mga salita ang kinauukulang mga opisyal o isumpa man ang umiiral na sistema sa lipunan.  Kahit kontrolado ng mga hari-harian sa lipunan ang “mass media” — radyo, diyaryo at telebisyon — iplnahihintulot naman daw ang mga pagtuligsa upang mabawasan sa pamamagitan nito ang galit ng sambayanan.  Pero, kaiingat, kung banta na ito sa katatagan o kapangyarihan at kaayusan ng uring naghahari-harian, malamang na ipasara ang mga iyon tulad noong rehimeng Marcos.  Maaaring ipakulong pa — o ipapatay — ang masusugid na kritiko ng nakasusulukasok na rehimen.

Bakit nga ba maghihimagsik kung puwede namang malayang ipahayag ang matinding galit? muling tanong ng mga konserbatibo.

Nariyan naman daw, isa pa, ang sinasabing demokrasya.  Kahit hindi nga nababago ang tiwaling balangkas ng lipunan, ipinahihintulot daw naman nito na makapamili ang sambayanan ng mga manunungkulan sa gobyerno kahit pare-pareho naman, kung tutuusin, ang pagpipilian.  Mapapalitan diumano ang isang masama’t abusadong rehimen at maparurusahan ang mapagsamantalang mga opisyal.  Sa pamamagitan daw ng eleksiyon, maipahahayag ng sambayanan ang kanilang galit at pagkasuklam – sa bisa ng balota — laban sa mga lider na nagpapakabundat sa kapangyarihan at nagbabasura lamang sa tunay na pambansang kapakanan.  Sa bawat eleksiyon, nagkakaroon daw ang sambayanan ng pag-asang bubuti rin, sa wakas, ang busabos nilang buhay at magiging maganda na’t maunlad ang pambansang kabuhayan.

Bakit nga ba maghihimasik, muling tanong ng mga konserbatibo, kung puwede namang parusahan ng mga mamamayan sa bawat eleksiyon ang sinumang salanggapang na lider ng bansa?  Pero, sa kabilang banda, tanong naman ng mga radikal, may totoo bang malinis na eleksiyon sa bansa upang maibandila ang tunay ding damdaming-bayan?

Puputok na nga ba ang bulkang sosyal?  O talagang hindi pa napakamiserable’t kahabaghabag ang masang sambayanan?

                                                                                                         (Kolum)

 

Advertisements

Read Full Post »

Pakana ng Amerika?


(Kolum)

NANG pasabugin noong 1898 ang bapor pandigmang USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba na ibinintang sa mga Kastila, hindi iilang palaaral sa pulitikang pandaigdig ang naghinalang mismong Estados Unidos ang may pakana niyon upang makatuwirang ideklara ng Amerika sa sulsol ng malalaking kapitalista ang giyera laban sa Espanya, lalo na nang mabunyag ang sulat ni Frederick Remington, reporter ng diyaryong “Journal” ni Hearst, na ipinadala sa Cuba upang kumuha ng mga retrato.  Ulo noon ng balita ng “Journal” sa New York: “Sa Wakas Ang Ating Bandila Sa Havana,” at parang nahuhulaan ang mangyayari, sinabi sa balita na “handa na ang lahat para sa pangwakas na tagpo, at inaasahang mangyayari agad ito.”  Nang itelegrama ni Remington kay Hearst: “Payapa ang lahat dito.  Walang gulo.  Hindi magkakagiyera…” agad na itinugon ni Hearst: “Basta ibigay mo ang mga retrato at ako ang magbibigay ng giyera.”

Marami tuloy ang naghihinala magpahanggang ngayon na pakana rin ng Amerika ang malagim na nangyari noong Setyembre 11, 2001 nang banggain ng dalawang eroplanong pampasahero ang Twin Towers ng World Trade Center sa New York na ikinasawi ng mga 3,000 katao.  Ibinintang kay Osama bin Laden ang lahat, binansagan itong numero unong terorista, at nagkaroon ng matibay na dahilan si Presidente George W. Bush na relihiyosong ibunsod ang sinasabi nitong “giyera kontra sa pandaigdigang terorismo” kaya walang patumanggang sinalakay at sinakop ang Iraq sa hinala lamang na may WMD (weapons of mass destruction) si Saddam Hussein at banta ito diumano sa seguridad ng Estados Unidos.  At, batay sa mapandigmang utak ni Bush, hindi malayong gawin din nito sa Syria, Iran, Hilagang Korea at iba pang mga bansang kasalungat ng mapandambong na interes ng Amerika ang ginawa, at ginagawa pa nito, sa Iraq at Afghanistan.

Dahil nasa negosyo ng industriya ng langis, unang-una, ang pamilya Bush at kilalang mga kaalyado nito, lalo na si Bise-Presidente Dick Cheney, lumilinaw ang katotohanang ginugulo ng Amerika ang Gitnang Silangan hindi upang iligtas ang mundo sa terorismo kundi upang mapagharian iyon at makontrol ang mayamang langis ng rehiyon.  Sa kanyang aklat na “Stupid White Men,” hinihingi tuloy ni Michael Moore na ipaliwanag nang husto ni Bush ang mga sumusunod:

Na, kung talagang utak ng Setyembre 11 si Osama bin Laden, paano nito masusubaybayan ang buong operasyon niyon gayong lumilitaw na sinasalinan ito ng dugo sa isang kuweba sa Afghanistan dahil sa sakit sa bato?

Na, noong 1979, batay sa ulat ng BBC, nang gobernador pa lamang si Bush, ilang lider ng Taliban ang nagpunta sa Houston, Texas, nakipagpulong sa mga pinuno ng Unocal para sa planong paglalagay ng mga tubo ng langis sa malaking bahagi ng Afghanistan.  Isa sa nagsagawa ng masusing pag-aaral tungkol sa planong iyon ang Enron, ang pinakamalaking taga-suporta ng pondo sa kampanya ni Bush sa pagka-gobernador noon at pagka-presidente nang malaon.  Isa ang kompanyang Haliburton — tagapangulo nito noon si Dick Cheney na bise-presidente ngayon ni Bush — ang kontratista niyon.  Bakit ipinahintulot ni Bush na makipagpulong sa Texas ang mga kinatawan ng isang diumano’y teroristang gobyerno?  Ano ang nangyari sa transaksiyong iyon?

Na, makaraan ang ilang linggo matapos ang Setyembre 11, 2001, ayon sa “London Times,” ipinahintulot ni Bush na lumipad sa himpapawid ng Amerika ang isang pribadong eroplanong mula sa Saudi Arabia upang sunduin at ilabas ng Estados Unidos ang halos dalawang dosenang miyembro at kasama ng pamilya bin Laden.  Ni hindi iyon hinarang at inimbestigahan ng pulisya o ng FBI para malaman kung ano ang alam ng mga ito sa naganap na trahedya.  Habang maraming eroplano sa Amerika ang ayaw pahintulutan para makalipad, at magulo pa ang lahat, nagawa pa ni Bush na tiyaking ligtas ang mga bin Laden.  Bakit iyon ang inuna ni Bush?  Bakit espesyal na trato ang ipinagkaloob sa mga Arabo at sa mga bin Laden?

Na, mga 15 sa 19 na terorista ng Setyembre 11 ang mula sa Saudi Arabia, pero bakit ang ipinabomba ni Bush ay ang Afghanistan?  O napakahirap bombahin ang isang bansang pinagkukunan ng 25% ng gasolina ng Amerika at kinaroroonan ng maraming kasosyo sa industriya ng langis ng kanyang amang si dating Pres. George Bush, Sr.?  Tatlong libong buhay ba ang katumbas ng milyun-milyong galon ng gasolina? naitanong tuloy ni Moore.

Na, nang matapos ang kampanya ni Bush na makontrol na ang Afghanistan, isang dating kasangguni ng isang kompanya ng langis ang itinalaga ng Amerika na “pansamantalang lider” doon.  Isa ring kasangguni ng kompanyang Unocal ang itinalaga namang bagong embahador sa Afghanistan.  Sa loob lamang ng ilang buwan, isang bagong kontrata ang pinagtibay upang ibaon sa Afghanistan ang kinakailangang mga tubo ng langis.  Ngayong nakuha na ni Bush ang gusto niya, panahon na, ayon kay Moore, na pauwiin na ang tropang Amerikano mula sa naturang bansa.

Ano naman kayang pakana ang gagawin ni Bush at ng Amerika sa Pilipinas ngayong lumilitaw na naglipana sa bansa ang maraming espiyang Amerikano?  Ito ang dapat ding puspusang bantayan ng mga puwersang makabayan at progresibo.

Kolum, Pebrero 2, 2005

Read Full Post »



(Kolum)

SAMANTALANG nakatakdang idaos sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto ang susunod na talastasang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) at ng gobyerno ng Pilipinas, kaduda-dudang isasagawa naman ng puwersang Amerikano-Pilipino sa katapusan ng Hulyo sa Carmen, Hilagang Kotabato ang pagsasanay militar na binansagang Balance Piston kontra terorismo.  Ayon kay Admiral Thomas Fargo, kumander ng US Pacific Command, isa lamang ito sa serye ng gagawing mga pagsasanay upang mapahusay ng mga sundalong Pilipino ang kanilang kakayahang labanan at puksain ang mga terorista.

Dahil sa bagay na ito na malinaw na dikta ng mga diyus-diyosang Amerikano at pikit-mata namang nakaugaliang lunukin ng pambansang liderato, hinihinalang sa halip na malunasan ang inaamag nang mga problema sa Mindanaw at magkaroon ng tunay na kapayapaan doon, baka lalo pang sumiklab ang mga karahasan at tumindi ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng puwersa ng MILF.  Kahit, sa kabilang banda, binigyang-diin ni Lt. Col. Daniel Lucero, tagapagsalita ng militar, na walang dapat ikabahala diumano ang mga mamamayan sa naturang rehiyon, marami na ang nagsasabing hindi malayong mabiktima ang inosente at kaawa-awang mga sibilyan na hindi miminsang napatunayang malimit mangyari sa mga operasyong militar sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

May mga senyales ding baka gawing munting Iraq ng Estados Unidos ang Mindanaw.  Kahit wala pang matibay na batayan, gaya rin nang pagbintangan nitong nag-iingat ng mga sandatang lubos na mapamuksa (weapons of mass destruction) ang rehimen ni Saddam Hussein, ibinibintang naman agad nitong nakikipag-ugnayan  ang MILF sa internasyonal na mga organisasyong sinasabing mga terorista, lalo na sa Jemaah Islamiya na nakabase sa Indonesia at nasa ilallim diumano ng Al-Qaida ni Osama bin Laden.  Nasabi tuloy ni Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF, na lumang tugtugin na ang ipinaparatang sa kanila.

Kaugnay nito, ilang araw lamang ang nakararaan, napabalitang pinuntahan ng ilang opisyal ng USIP (United States Institute of Peace) ang pangunahing mga lider ng MILF.  Isang pederal na institusyong hindi diumano partisano ang USIP, pero ang mismong Presidente ng Amerika ang nagtalaga sa lupon ng mga direktor nito kalakip ang kompirmasyon ng Senado.  Kasama pa ng dalawang pinuno ng USIP si Joseph Saus, pampulitikang oplsyal ng Embahada ng Amerika dito, nang kausapin nila sina Mohagher Iqbal, tagapangulo ng lupong pangkapayapaan ng MILF, at ang mga abogado nitong sina Lanang Ali at Michael Mastura.

Kahit pangunahing layunin diumano ng USIP ang “mapayapang paglutas sa pandaigdig na mga tunggalian,” hindi maiiwasang hinalaing instrumento ito ng imperyalistang mga patakaran ng Estados Unidos, gaya rin ng iba pa nitong nakamaskarang mga ahensiya tulad ng USAID at Peace Corps.  Batay sa ulat, maliwanag na kinausap nina Dr. Astrid Tuminez ng USIP, kasama pa nga si Joseph Saus, ang mga lider ng MILF kaugnay ng bintang na nakikipag-ugnayan ang MILF sa Jemaah Islamiya at Al-Qaida na pawang tinatakang terorista.

Dahil sa naturang paratang na tiyak na sasangkalanin ng Amerika para pakialaman o panghimasukan ang tunggalian sa Mindanaw at lalong salaulain ang soberanya ng bansa, hindi nga malayong igiit nito ang mapaghari-hariang mga patakarang lalong ikalulubha pa ng mga problema doon gayong, kung tutuusin, ayon na rin kay Eid Kabalu, bumabagal lamang ang negosasyon para sa kapayapaan dahil sa hindi pagtupad ng gobyerno ng Pilipinas sa mga napagkasunduan na, tulad unang-una ng pag-atras ng tropa ng pamahalaan sa Buliok Complex.

Sapagkat pumapapel na siga-sigang pulis ng mundo ang Amerika sa ngalan ng ipinangangalandakan nitong demokrasyang angkop sa kanyang makasariling mga interes, hinding-hindi na nga yata ito magbabago sa kanyang pagiging likas na pakialamero kahit sariwa pa sa alaala ang mga aral ng kasaysayan sa kahihiyang inani nito sa Vietnam at, gayundin, sa nilulunok nitong negatibong mga karanasan ngayon sa Iraq.  Nang magsimulang makialam ang Amerika sa giyera-sibil sa Vietnam sa panahon ni dating Presidente John F. Kennedy at puspusang isinubo doon ang kanyang puwersa militar sa udyok ng malalapit na tagapayong sina Robert McNamara, Dean Rusk at McGeorge Bundy para mapangalagaan diumano ang demokrasya, unti-unting nalubog sa kumunoy ng kahihiyan ang Estados Unidos hanggang sa manahin pa ng sumunod na mga administrasyon nina Lyndon Johnson, Richard Nixon at Gerald Ford ang isang giyerang lubos nitong pinanghimasukan.

Sa kabila nga ng bilyun-bilyong dolyar na ginasta doon ng Amerika, sa kabila ng superyor nitong mga kagamitang pandigma at 500,000 sundalo, bukod sa tropa ng Timog Vietnam at iba pang mga kaalyado, hindi matanggap ng Amerika magpahanggang ngayon kung bakit noong Abril 20, 1975, bumagsak ang Saigon at nasakop ng mga Vietcong kaya tutop ang puwit na iniwan iyon ng mga Amerikano, tumakas pauwi kasama si Embahador Graham Martin at Frank Snepp ng CIA, gayundin ang inilikas na kaalyadong mga 50,000 Vietnamese.  Malinaw na nakatanim sa kamalayang Amerikano ang hindi malunok na kahihiyan kung bakit ang isang bansang kinikilalang napakamakapangyarihan ay parang mabagsik na asong pinatakbo lamang ng isang pusa. Nasabi tuloy noon ni dating Presidente Gerald Ford: “Isa iyon sa pinakamalungkot na araw sa aking buhay… ang makitang ang Estados Unidos ay literal na sinipa at tinalo ng mga North Vietnamese.  Isa iyong trahedya sa loob ng aking isipan>”

Sabagay, hindi naman Vietnam ang Mindanaw, at hindi rin Iraq pero kung talagang lubusang makikipaggiyera ang puwersa ng gobyerno laban sa MILF dahil sa dikta at panghihimasok ng Amerika, tatagal ba itong mantinihin o pondohan ang pakikidigma lalo na’t digmaang-gerilya — tulad ng ginawa ng mga Vietcong — ang isasagawa ng MILF?  Hindi maikakaila, bilyun-bilyong piso na ang nagagasta ng gobyerno mula pa nang sumiklab ang mga kaguluhan sa Mindanaw na lumilitaw na wala namang positibong resulta hanggang ngayon.  Madurog man ang mga kampo ng MILF, hindi pa rin nangangahulugang tapos na ang tunggaliang ito, lalo’t pinapatnubayan ng mga kaisipan at prinsipyong Islamiko ang MILF at hindi malayong suportahan pa sila, armas man o pondo, ng mga bansang naninindigan para sa mga aral ng Islam.

Sa halip tuloy na padikta at maging sunud-sunuran ang pambansang liderato sa makasariling interes ng likas na pakialamerong mga Amerikano, makabubuting masusing suriin — lalo na ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo — ang ugat ng nagkapatung-patong nang mga problema sa Mindanaw na bunga, unang-una, ng matagal at labis na kapabayaan ng mismong gobyerno sa kapakanan ng naturang rehiyon.  Makabubuti rin, di nga kasi, na pag-aralan at isaalang-alang ng kasalukuyang rehimen ang likas na paniniwala, kaisipan at kaugalian o kultura ng mga kapatid nating Muslim doon tungo sa pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang mararahas na hakbang na malinaw na isinusulong ng imperyalistang mga patakaran ng Estados Unidos.

Giyera nga ba o negosasyon?  

                                                             Kolum, Hulyo 21, 2004        

       

Read Full Post »