Feeds:
Posts
Comments

Archive for October, 2011

Ihahasa Namin Ang Itak


(Tula)

ihahasa namin ang itak
kapag hangin hatid ay sagimsim
kapag malamlam ang mga bituin
at sikat ng araw ay laging kulimlim
ihahasa namin ang itak
kapag naluluoy ang mga bulaklak
kapag mga layak ayaw maglagablab
kapag mga hamog ay ayaw kumislap
kapag di makita isang alitaptap.

oo, ihahasa namin ang itak
kapag kaming maralita
magsasaka’t manggagawa
mapalad pang mga daga
kaming maghapon sa paggawa
laging hungkag ang sikmura
ihahasa namin ang itak
lalo’t bunsong mahal nilalagnat
kinakabag sa magdamag
walang masipsip na gatas
sa suso ng inang naluoy sa hirap.

ihahasa namin ang itak
kapag bigas sa kaldero
nilamon ng asendero
kapag pawis nitong braso
nilaklak ng mga amo
ihahasa namin ang itak
kapag kape’y maputla na’t lasang amag
habang iyo namang nginangasab
grasyang kami ang naghirap
ikaw naman laging bundat.

ihahasa namin ang itak
kapag sobrang buwis iyong pinipiga
sa sambayanang nagkakandakuba
masandat lamang kayong pinagpala
at may madambong ang uring ulikba
habang kami nama’y titinga-tingala
sa kung sinong birheng puspos daw ng awa
nabingi na yata
sa dasal-hinaing
ng uring alipin
ng dusa’t dalita.

ihahasa namin ang itak
kapag hustisya mo’y sing-ilap ng ulap
daig pa ang pagong kung ito’y umusad
sa uring mayaman ay walang kamandag
ngunit mapanikil sa uring mahirap
sa pusong matapat ang kapara’y sibat
banal na adhika ay dinadapurak
hadlang sa pangarap
sa laya’t ligaya naming nagsisikap.

ihahasa namin ang itak
oo, ihahasa namin ang itak
kapag la tierra pobrezang pinakamamahal
ipinagagahasa sa mga dayuhan
malusog na suso’y ibinubuyangyang
puklong soberanya’y itinitiwangwang
manatili lamang sa kapangyarihan
kayong nasa poder ng pagkagahaman
ihahasa namin ang itak
hanggang mapairal ang hustisya sosyal
sinta’y mapalaya
sa gabing madilim
bartolina’y ganap wawasakin
ng dahas ng hangin
ng ngitngit ng alon
ulan ng bituin!

.

Advertisements

Read Full Post »


(Tula)

la tierra pobreza
namaalam, lumisan kamakailan
supling mong inialay ang buhay
sa ngalan ng mataos na pagmamahal
walang hanggan siyang maglalakbay
sa kalawakan ng mga buntala
ngunit maningning na mga tala
iniwan niya sa palad ng dusa
ng kanyang mga kapatid at kasama
kawangis ng ulilang estrelya
sa luntian niyang sombrerong
ilang dekadang minahal ng masa
muhon iyon at sagisag ng prinsipyo
sa walang humpay na pakikibaka
matubos ka lamang
la tierra pobreza
sa kamay ng uring mapagsamantala
lumisan man siya
di naman mamamatay
kanyang mga alaala
sa magkakarugtong na mga ugat
sa nagkakaisang mga utak
sa bawat dibdib ng paghihimagsik
ng nakikibakang masa
di maaampat ang daloy
ng nag-aalimpuyong dugo
sa sumisikdong mga puso
hanggang hari-harian ang iilan
sa lupain ng dalita’t dusa.

oo, la tierra pobreza
magiting mo siyang mandirigma
ng pagsinta at pag-asa
kagaya siya ng mga bonifacio
marti, castro at che guevara
magluluningning, hahalimuyak
mabulaklak niyang mga alaala
sa bawat pagngiti
ng umiinit na umaga
sa bawat pagtitig
ng buwang marikit
sa gubat ng dilim at lagim
sa bawat hagupit
ng dahas ng hangin
sa moog ng sagimsim
oo, la tierra pobreza
huwag kang manimdim
lumisan man siya sa iyong piling
sisikat pa rin ang mga bituin
yayakapin ng init ng araw
iba mo pang mga supling
magbabanyuhay rin ang iyong panimdim
mga dugo nila’y ididilig ng giting
sa hardin ng sagrado mong adhikain
mamumukadkad din
mga gumamela ng laya mo’t ligaya!

sa lumisan mong magiting na mandirigma
sinisinta naming la tierra pobreza
kaming mandirigma ng papel at pluma
iniaalay nami’y himagsik ng tinta at letra
kami’y supling mo rin na nakikiisa
laban sa anumang uri
ng pambubusabos-pagsasamantala!

Read Full Post »