Feeds:
Posts
Comments

Archive for April, 2011

Intifada! Makibaka!


(Tula)

nang mag-alimpuyo
sa kampo ng jabalia hanggang gaza
nang maglagablab sa west bank
hanggang east jerusalem
unang intifada
ng magigiting na palestino
sa pananakop ng mga hudyo
sa kanilang sagradong teritoryo
isang ina ang tumimbuwang
sa sumisikdong kalsada
sinibasib ng punglo
dibdib na malusog
at tiyang mapintog
kipkip na sanggol
biglang nabitiwan
parang bolang gumulong
sa gilid ng lansangan
mayamaya’y gumapang
pausad-usad palapit
sa inang duguang
nginasab ng kamatayan
suso’y pilit hinawakan
nguso’y idinuldol
sa namutlang utong
may gatas pa kayang masisipsip
ang labi ng sanggol
sa katawan ng inang inulila
ng pagaspas ng hininga?

sa la tierra pobreza
gatas ng nestle’y bumabaha
dekadekadang kinatas
kinulta’t pinulbos
mula sa agos ng dugo’t pawis
ng inaliping manggagawa
ngunit ngayo’y
mga sanggol pa nila ang timawa
di makalasap ng nestle
dila nila’t ngalangala
walang gatas na rin
naluoy na suso ng ina
dahil sa paglamutak
ng dalita’t dusa
habang dalisay na gatas
panghugas lamang
ng puwit at puwerta
ng mayayaman at elitista
sa imperyo ng mga kapitalista.

intifada! makibaka!
tulad ng marcha intifada sa bahrain
sa kolonyal na pananakop ng bretanya
intifada! makibaka!
gaya ng zemla intifada
sa espanyol na sahara
laban sa kolonyalista
intifada! makibaka!
gaya ng sidi bouzidi intifada sa tunisia
intifada! makibaka!
sa imperyo ng nestle
sa la tierra pobreza
palaso man
ng mga tula ang sandata
dagundong ng tinig man
ang siyang bomba
kadensa’t taguktok man
ng laksa-laksang paa
ang putok ng mga kanyon
sa lansangan ng protesta!

intifada! makibaka!
hanggang milyong manggagawa
at uring busabos
sa pabrika’t empresa
ganap na matubos
at lubos madurog
moog ng mga diyus-diyosan
ng pambubusabos
intifada! makibaka!
hanggang magluningning
liwanag ng bilyong bituin
sa lupaing sakbibi ng dilim
ng dusa’t sagimsim
duyan ng madugo
naming mga alaala
kadluan ng aming pagsinta
ikaw, ikaw
nagdurusang la tierra pobreza!

Advertisements

Read Full Post »