(Editoryal)
KAHIT dapat nang magretiro sa serbisyo militar si Hen. Hermogenes Esperon, Jr. bilang hepe ng estado mayor ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa Pebrero 9, 2008 dahil 56 na taong gulang na siya, pinalugitan pa ng tatlong buwan – o baka muli pang palugitan hanggang 2009 – ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang termino ng panunungkulan ng naturang heneral sa layunin diumanong mawakasan ang may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA bago matapos ang 2010.
Maaalaala, nagsimulang manungkulan sa kasalukuyang puwesto si Esperon noong Hulyo 21, 2006 nang halinhan niya ang nagretirong si Hen. Generoso Senga. Kung susundin ang probisyon ng PD (Presidential Decree) 1636, na sinusugan ng PD 1650, sapilitang magreretiro sa edad na 56 ang sinumang militar at, bagaman, tatlong taon ang termino ng panunungkulan ng hepe ng estado mayor ng AFP (hanggang Hulyo 21, 2009 para kay Esperon), nilinaw naman ng probisyon ng Batas ng Republika Blg. 8186 na dapat na ngang magretiro ang sinumang militar na 56 na ang edad kahit hindi pa tapos ang kanyang termino sa puwesto.
Sa kasong ito ni Esperon, maliwanag na nilabag na naman ni La Gloria ang Seksiyon 5 at 7 ng Artikulo XVI ng Konstitusyon na nagtatadhanang maaari lamang palugitan ang panunungkulan ng hepe ng estado mayor sa panahon ng giyera o pambansang emerhensiyang idineklara ng Kongreso. Nagdeklara na ba ng giyera o pambansang emerhensiya ang Kongreso? Marami tuloy ang nagsasabing hindi ang pagpuksa sa CPP-NPA ang pangunahing dahilan kaya pinalugitan ang panunungkulan ni Esperon kundi, higit sa lahat, ang malaking utang na loob ni La Gloria sa kanya noong halalang presidensiyal ng 2004, bukod pa nga sa hanggang langit na debosyon nito sa Reyna ng Malakanyang.
Ikinatuwiran ni La Gloria, sa kabilang banda, na “sumusulong na ang kampanya laban sa NPA at inaasahan naming lalong susulong ito sa darating na ilang buwan kaya mahirap magpalit ng mga kabayo” sa panahong ito. Kung gayon, natural nga na panatilihin sa puwesto – legal man o ilegal — si Esperon na naninindigang lalabanan niya ang NPA hanggang wakas kaya, ayon sa kanya, “maaaring maging madugo” ang darating na ilang buwan. Sa unang tatlong buwan ng 2008, layunin diumano ni Esperon na lansagin ang 17 prenteng gerilya sa sinasabing 87 prente nito sa iba’t ibang dako ng kapuluan. Kayang-kaya diumanong gawin ito ng kanyang tropa sapagkat, sabi pa niya, mahina na ang puwersa ng NPA at binubuo na lamang ng 5,760 armadong mandirigma kumpara sa mga 80,000 tropang militar.
Ilang heneral na ba, maging noong nagdaang mga rehimen, ang nangarap at nangalandakang wawakasan nila ang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA? Bakit tumagal ito ngayon ng apat na dekada? Kung susuriin, hindi marahas na opensiba militar o kamay na bakal ang lunas sa bagay na ito. Sa kasaysayan ng mga bansang may mga kilusang rebolusyonaryo, hindi nawakasan ng puspusang pananalakay ng militar ang gayong mga kilusan. Maaaring natalo sila sa ilang sagupaan, nahuli o napatay ang ilang lider at miyembro nila, ngunit bakit patuloy at patuloy na may humahalili sa kanila upang ituloy ang pakikibaka?
Kung susundan tuloy ngayon ang takbo ng utak ni La Gloria at ng mga Esperon, kamay na bakal at karahasan ng militar – at tiyak na madadamay at magbubuwis din ng buhay maging ang inosenteng mga mamamayan – ang tanging makalulunas sa apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA. Bakit hindi muna sikapin ng gobyernong isulong ang usapang pangkapayapaan, talakayin ang mga repormang panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika, gaya ng panukala mismo ni Jose Ma. Sison, punong kasangguning pampulitika ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines)?
Sabi nga, magiging dispalinghado lamang ang anumang pagsisikap ng kasalukuyang rehimen – o ng susunod na mga rehimen – na wakasan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA hanggang hindi masusing inuugat ng pambansang liderato ang pangunahing mga dahilan ng paghihimagsik ng mga iyon. Hanggang abusado sa kapangyarihan ang mga kinauukulan, kabi-kabila ang inhustisya’t pagsasamantala, at naglulublob sa pribilehiyo’t kayamanan ang iilang naghahari-harian sa lipunan samantala, sa kabilang banda, mailap sa masang sambayanan ang tunay na hustisya sosyal at patuloy pa silang inginungudnod sa karalitaan at kawalang-pag-asa ng uring mapagsamantala.
Samakatuwid, kahit ibuhos pa ng rehimen ang lahat nitong puwersa laban sa CPP-NPA o iba pang nagrerebeldeng mga grupo, at hindi naman nalulunasan ang matindi nang mga problemang panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan, para lamang mga talahib na muli’t muling susulpot at mamumulaklak – silaban man nang silaban – ang gayong mga rebolusyonaryong kilusang naghahangad ng pambansang pagbabago para sa masang sambayanan.