(Tula)
di na kami lalakad nang paluhod
sa paanan ng bundok ng mga olibo
di na kami mananalangin
sa hardin ng gethsemane
sa silangang jerusalem
sa may sapa ng kedron
paulit-ulit na kaming nilatigo
ng mga senturyon ng estado
nakatihayang dinuran-tinadyakan
pinalunok ng ostiya sa maruming inodoro
pinalagok ng benditang madilaw
mula sa pantog ng berdugo
iba sa ami’y isinimento sa dram
ipinakain sa tiyan ng karagatan
iba’y pinugutan ng ulo
parang bolang marahas na sinikaran
gumulong sa dalisdis ng kabundukan
dahil nangaral ng katotohanan
sa api’t dukhang mamamayan
at buong timyas na nagmahal
sa sagradong kalayaa’t kaunlaran!
di na kami mananalangin
sa hardin ng gethsemane
payungan man kami’t liliman
ng umiindak na mga dahon
ng nagnonobenang mga puno
ng olibong di naibuwal ng bagyo
di naihapay ng misa’t ritwal
ng mga pariseong mapanlinlang
siyam-na-raang taon man
mabilis na dumaan
sa payapang hardin ng gethsemane
di na namin kakausapin
mga bituin sa karimlan
bautismuhan man kami
ng kristal na luha ng kedron
paulit-ulit na kaming nagrosaryo
sa tiyan ng higanteng mga templo
nanikluhod-nagpatirapa sa altar
ng kung sinu-sinong santo
lumunok ng ostiya linggu-linggo
nakipagprusisyon sa mga deboto
naghosana sa diyos daw na totoo
krus pa ring simbigat ng mundo
lagi naming pasan-pasan
tungo sa mabungong kalbaryo!
oo, di na kami mananalangin
sa hardin ng gethsemane
malapit sa puso ng kedron
di na kami sasandal sa punong olibo
semana santa man linggu-linggo
paulit-ulit na kaming ibinayubay
ipinako sa krus ng dalita’t lumbay
muli’t muli na kaming namatay
muli’t muli ring nabuhay
dahil pag-asa’y nagsasayaw
sa telon ng balintataw
dahil ideolohiya ng pagsinta
madagundong ang kadensa
inhustisya’y bibingihin
ng bomba ng adhikain
lipuna’y papatagin
diyus-diyosang iilan
siya namang ililibing
sa burol ng mga bungo
pupunuin ng kanilang dugo
matining na sapa ng kedron
lulunurin ng baha
golgotha ng dukha!