Feeds:
Posts
Comments

Archive for November, 2012

May Tula


(Tula)

oo, mga makata ng inaaliping lahi
may tula nga sa gumagapang na langgam
sa nalaglag na mga butil ng asukal
o sa kumikiwal na uod
sa nabubulok na laman
o sa dumarapong langaw
sa ninananang kamay
may tula rin sa nagdurugong puso
o sa himutok at tagulaylay
ng pangungulilang sinlamig ng yelo
ng mga nilikhang nabigo-nabaliw
sa di-masukat na pagmamahal
may tula rin sa nagbabaging na mga ideya
sa gubat ng pantasya’t kamulalaan
o sa lawa ng ilusyon at kawalan.

oo, may tula rin nga
sa maliwanag na mukha ng buwan
o sa luningning ng mga bituin
sa maaliwalas na kalangitan
may tula sa lawiswis ng kawayan
o sa mabining haplos ng amihan
o sa dumarambang alon sa dalampasigan
matulain din nga ang ulilang bulaklak
sa dibdib ng limot nang libingan
matulain din nga ang luha ng hamog
na dumidilig sa nanilaw na damuhan
ano pa nga’t may tula rin
sa nagbabagang singit at puson
o sa pulandit ng lumayang libog
sa init at lingkis ng gabing humiyaw.

ngunit mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang mukha ng inang luhaan
kaysa malamlam na sinag ng buwan
anak niya’y dinukot ng imbing militar
ni anino ngayo’y di na matagpuan
higit na matulain ang mata ng paslit
kaysa luningning ng bilyong bituin
dahil ni tinapay di malasahan
ni patak ng gatas di masayaran
bituka niyang hangin lang ang laman.
oo, higit na maindayog ang sayaw ng diwa
ng mga nilikhang ibinartolina
ikinadena ng mga diyus-diyosan
sa bilangguan ng dalita’t dusa
at pinalalamon sa tuwi-tuwina
ng apdo’t lasong inhustisya.

oo, mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang tula
sa lagutok ng buto ng obrero sa pabrika
sa tagaktak ng pawis ng sakada sa asyenda
sa daing at panambitan
ng biktima ng pagsasamantala
sa kadensa ng libu-libong paa
sa umaalong lansangan ng protesta
higit na matulain
soneto ng mga punglo
elehiya ng mga bomba
epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa
oo, mga makata ng inaaliping lahi
ano pa ang higit na dakila’t dalisay
kaysa reyalidad ng marawal na buhay
ng milyong nilikhang laging naglalamay
walang hinahangad kundi kalayaan
sa pagkaalipin sa kabusabusan?

Read Full Post »

Walang Alitaptap Sa Punong Acacia


(Tula)

matagal nang
wala akong nakikita
ni isang alitaptap
sa punong acacia
walang umiindak
sa natuyong sanga
walang kumikindat
sa dahong nalanta
walang nagniningning
tulad ng bituin
lalo’t nakapiring
sa mata ng buwan
itim na ulap
ng dusa’t panimdim
at lupit ng kamay
ng pang-aalipin.

tinangay ba sila
ng hanging amihan
sa burol ng dilim
at ngayon ay tanglaw
sa mithiing banal
ng mga aninong
laging naglalamay
sa pananagimpan
habang hinahabi
sa pisngi ng gabi
madugong lirika ng paghihimagsik
melodiyang umiindak sa pag-ibig
sa laya’t ligaya
ng ibinartolinang
la tierra pobreza
sa yungib ng inhustisya
ng uring mapagsamantala?

walang alitaptap
sa punong acacia
ngayong puso ko’y
sakmal ng dalita’t dusa
ngayong sa utak ko’y
naglilingkisan
sumisingasing na mga eksena
ng mga dekada ng pakikibaka
ngayong sa tainga ko’y
umaalunignig
tagulaylay ng dasal-hinaing
ng mga nilikhang
nilamon ng sakim
silang kabataang
sa gubat nalibing
silang mga inang
luha ang kapiling
silang mga amang
buto ay giniling
ng imbing makina
sa mga pabrika
dugo ay kinatas
ng lupang di kanya
pataba sa tubo
pandilig sa palay
habang nagsasayaw
sa bulwagan ng karangyaan
at naglulublob
sa balon ng kapangyarihan
silang iilang diyus-diyosan
sa maalingasaw na lipunan.

walang alitaptap
sa punong acacia
saan sila naglipana
ngayong kumakapal
ang lambong ng dilim
sa luhaang mukha
ng bayang alipin
ng mga gahaman
ngayong binubulag
ng huwad na mesiyas
masang sambayanang
lagi nang dayukdok
at lalamunan
ay titiguk-tigok?

kumpul-kumpol
sanang dumatal
sa punong acacia
laksang alitaptap
at sana’y ilulan
sa nagbukang pakpak
di lamang luningning
papawi sa dilim
kundi lagablab
ng dila ng apoy
upang gawing uling
tupukin-pulbusin
katawan ng mang-aalipin
at uring napakasakim!

Read Full Post »