Feeds:
Posts
Comments

Archive for October, 2007


(Editoryal)

HANGGANG nang sinusulat ito, Oktubre 22, wala pang malinaw na resulta ang makupad na  imbestigasyon ng pulisya kung sino ang may kagagawan sa pagsabog ng malaking bahagi ng Glorietta 2 noong nagdaang Biyernes, Okt. 19.  Hindi pa rin  tinitiyak ng mga opisyal ng PNP kung aksidente lamang iyon o isang tahasang pambobomba.   Labing-isa  (11) ngang  inosenteng mamamayan ang nasawi at mga 120 pa ang nasugatan.  Natural – at dapat lamang – kinondena ng iba’t ibang sektor ng lipunang mapagmahal sa kaayusan at kapayapaan ang gayong malagim na insidente.

Sa punto ng isang retiradong militar –  Commodore Rex Robles – apat na grupo lamang sa bansa ang may kakayahang magsagawa ng gayong napakalakas na pagsabog, o sabihin nang pambobomba,  dahil may nakitang RDX (isang mabisang elemento ng malakas na bombang C4 na karaniwang gamit ng militar).  Lumitaw pa ngang  walang   nakaimbak doon  na mga tangke ng LPG (liquefied petroleum gas), o maging ng “oxygen,” o  ng iba pang kemikal na maaari ngang basta na lamang magliyab at malakas na pumutok.  Ayon kay Robles, ang Abu Sayyaf lamang na konektado diumano sa Jemaah Islamiyah, ang MILF (Moro Islamic Liberation Front), ang MNLF (Moro National Liberation Front), at ang espesyal na yunit ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang pawang  may kapasidad na  magsagawa nito. 

Agad namang ipinangalandakan ni Sekretaryo Norberto Gonzales, tagapayo ng Pangulo sa pambansang seguridad, na mga terorista tulad nga ng Jemaah Islamiyah at Abu Sayyaf ang nambomba sa Glorietta 2 bilang operasyon ng mga ito  para makakuha diumano  ng higit na pondo mula sa mga kaalyado sa labas ng bansa.  Ayon pa sa kanya, may mga ulat nang tinanggap ang kanyang opisina, noon pa man, na target ng  pambobomba ng mga terorista ang Kamaynilaan; ang nangyari sa Glorietta 2, sabi niya, ay hudyat lamang ng higit pang malalaking pag-atake.  Bilang pagpapakitang-gilas, agad namang nag-alok  ng pabuyang P2-M  si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa ikadadakip ng mga kriminal.

Bagaman nagpadala ng mensahe ang isang Sheikh Ruben Omar Lavilla ng grupong RSM (Rajah Solaiman Movement) at inako ng mga ito ang naganap na pambobomba, lumitaw nang malaon na moro-moro o gawa-gawa lamang iyon  upang iligaw ang mga imbestigador at, sa opinyon ng PNP, hindi na iyon dapat patulan o pagkaabalahan pa ng panahon.  Sapagkat ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, ayon naman  kay Eid Kabalu ng MILF, ang nais ng kanilang grupo, lalong hindi nila iyon magagawa at handa pa nga silang tumulong upang matiyak ang nambomba sa Glorietta 2.

Gaya rin ng sangkatutak na imbestigasyong isinagawa ng mga kinauukulan, halimbawa na lamang ang jueteng payola, Hello Garci, “fertilizer scam,” mga pagpatay na pampulitika at  kontratang ZTE-NBN, tatak na yata ng naghaharing rehimen na labuin ang kalinawan at maskarahan ang katotohanan.  Malinaw pang halimbawa rin ngayon na pinalalabo ng mga guwardiya de honor ni La Gloria  – kahit may mga umamin na – ang   garapalang pamumudmod ng kuwarta ng bayan sa inimbitahan   kamakailan sa Malakanyang na   kaalyadong mga kongresista, gobernador at alkalde.  Hanggang ngayon, itinutuwid ng rehimen ang baluktot, at binabaluktot ang tuwid at, sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga retorika, patuloy na ipinagdidiinan ng mga tambolero ng Palasyo na hindi iyon lantarang panunuhol upang “bugukin” ang panibagong kasong “impeachment” laban sa kanilang Reyna.

Dahil sa gayong nakaugaliang pagtatakip ng pambansang liderato sa sagradong katotohanan makapanatili lamang sa nakababaliw na kapangyarihan, hindi na tuloy nakagugulat ang napakaseryosong paratang ni Senador Antonio Trillanes na sina Sekretaryo Norberto Gonzales at Hen. Hermogenes Esperon, hepe ng estado mayor ng AFP, ang utak ng pambobomba sa Glorietta 2 at, natural, ayon kay Trillanes, may basbas ito ni La Gloria.  Binigyang-diin pa ni Trillanes – sapagkat hindi naman siya estupido – na may mga batayan at ebidensiya ang kanyang mga paratang at handa siyang paimbestiga pero  isang independiyenteng lupon – kung maaari’y mga pari o mga kagaya ni dating Sen. Jovito Salonga na hindi nakatali sa asintos ng Palasyo – ang dapat mag-imbestiga.

Sa maikling salita, hindi dapat na ipagkibit-balikat na lamang at ituring na isang walang kalidad na pamumulitika ang seryosong mga paratang  ni Trillanes sapagkat, unang-una, seryoso din ang mga implikasyon nito sa pambansang kapakanan.  Kung totoo ang mga iyon, ipinabomba ba ang Glorietta bilang isang taktika muna ng naghahari-hariang rehimen para mailigaw nito ang nag-aalab na opinyon publiko laban sa kultura ng talamak na  katiwalian at panunuhol, ng paninikil at inhustisya?  

Dahil  sa mala-kumunoy na mga krisis na kinalulubluban ng administrasyong Macapagal-Arroyo, lalo na ang isyu ng kredibilidad at lumalala pang katiwalian,    hiningi tuloy kamakailan  nina Arsobispo Emeritus Julio Labayen at mga Obispo Antonio Tobias at Deogracias Iniguez, mga tagapayo ng Kilusang Makabansang Ekonomiya, gayundin ng iba pang sektor ng namumulat na sambayanan,  na magbitiw na agad sa poder si La Gloria upang maituwid ang pambansang direksiyon.

Pero, sa kabilang banda, kung magtuluy-tuloy ang mga pambobomba ng mga “terorista”  – gaya ng palagay ni Sekretaryo Norberto Gonzales batay diumano sa ulat sa  paniniktik na tinanggap ng kanyang opisina – hindi kaya taktika din ito ng rehimen, batay naman sa paratang ni Trillanes, upang lubos na mapangatuwiranan ni La Gloria na ideklara naman ang Batas Militar na lalong magpapalawig sa kanyang pamamayagpag sa kapangyarihan?  Sariwa pa nga sa alaala ang mga pambobombang naganap noon bago pinaghari sa bansa ng yumaong diktador Ferdinand E. Marcos ang mapanikil, malagim at kasumpa-sumpang Batas Militar.

Ano nga ba, Kuya?  Gloria at Glorietta: magkaugnay ba?

Read Full Post »

Kawalanghiyaan


PARANG mga piranha noong nagdaang Oktubre 11 na nag-unahan papuntang Malakanyang ang mga 190 kongresista nang makaamoy ng dugo ng sambayanan. Inimbitahan sila ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa isang pulong-almusalan na, hindi man tuwirang sinabi, layunin lamang na “bugukin” na naman sa Kamara ng Kongreso ang pangatlo nang kasong “impeachment” laban kay La Gloria mula nang mamayagpag siya sa poder. Inanyayahan din, tanghalian naman, ang ULAP (Union of Local Authorities of the Philippines) para talakayin naman diumano ang progreso ng mga proyekto ng gobyerno sa mga rehiyon na, kung tutuusin, ay isa lamang tandisang pagpapamalas ng Malakanyang na hawak nito sa ilong ang mga gobernador, alkalde, at iba pang mga opisyal ng pamahalaang lokal.

Matatandaan, dahil sa nakararami at asal-aliping mga alipores ni La Gloria sa Kamara, mabilis pa sa ipu-ipong naibasura agad noon ang dalawang naunang “impeachment” at, ngayon, napakahina diumano at kulang na kulang sa merito — sinadya man o hindi — ang iniharap sa Kamara ni Atty. Roel Pulido laban sa Presidente ng Matatag na Republika. Marami tuloy ang naghihinalang binayaran si Pulido para pahinain iyon at unahan ang Oposisyon sa paghaharap ng malakas at makatotohanang mga sakdal na maaaring magpatalsik sa poder kay La Gloria kung mananaig sa kinauukulang mga mambabatas ang makabayang paninindigan at pagmamahal sa katotohanan, hindi ang garapal na oportunismo.

Sapagkat baldado ang nilalaman, tiyak na itatapon lamang sa poso negro ng Kamara ang iniharap ni Pulido pero, higit na mahalaga, kailangang iendorso agad iyon ng mga basalyos ng Malakanyang sa Komite sa Hustisya ng Mababang Kapulungan para hindi na puwedeng ipagharap pa ng panibagong malakas at makatotohanang kasong “impeachment” si La Gloria hanggang Oktubre 2008. Tinangka pa ngang suhulan ng P2-M si Rep. Crispin Beltran ng Anakpawis – at mahigpit nga niyang tinanggihan — para iendorso din niya iyon at palitawing lehitimo, o hindi hinokus-pokus lamang ng mga salamangkero, ang dokumento ni Pulido.

Higit na masama, sa naturang pagpupulong sa Malakanyang ng mga kaalyado ng Presidente – na marami ngang nag-uunahang dumalo dahil napabalitang “may ibibigay” – umiral na naman ang kultura ng panunuhol ng naghaharing rehimen. Tawagin mang “maagang pamasko” mula kay Santa Kulasa, “pabaon” o “pang-gasolina” o “tulong” sa eleksiyong pambarangay — na hindi naman dapat sawsawan ng Malakanyang unang-una at, gayundin, ng mga gobernador at alkalde — lumilitaw na suhol ang ipinamudmod na P200,000 hanggang P500,000 sa mga dumalo. Ipinangako din sa mga nagbenta ng katiting na lamang nilang karangalan na ibibigay agad ng Malakanyang ang pinaglalawayang “pork barrel” ng kinauukulang mga piranhang nakabalatkayong kongresista.

Higit pang masama at pandarambong na rin, at kawalanghiyaan, galing sa pawis at dugo ng patuloy na kinukuba sa buwis na mga mamamayan ang ipinamudmod na kuwarta mapanatili lamang sa kapangyarihan ang Reyna ng Malakanyang. Bagaman mahigpit na pinasisinungalingan ng mga guwardiya de honor ng Palasyo na naganap ang gayong panunuhol – kahit umamin na si Rep. Antonio Cuenco ng Cebu na binigyan siya ng P200,000 at, gayundin, si Gob. Among Ed Panlilio ng Pampanga, bukod pa sa dalawang gobernador sa Timog Katagalugan, na pawang nagsitanggap ng “tulong pambarangay” na tig-P500,000 – pinatingkad pa ng mga basalyos ng rehimen ang umiiral na ipokrisya ng pambansang liderato.

Sabagay, sabi nga, may sariling pamamaraan ang kawalanghiyaan, at madaling magkasundo ang mga kinauukulan sa mga bagay na kaugnay nito – nariyan ang iba’t ibang maanomalyang transaksiyon o kontrata ng gobyernong nilaspag ang pondo ng bayan tulad na lamang ng Venable LLP, Northrail, Macapagal Blvd., Piatco, “fertilizer scam,” at “call centers.” Mahirap ding makalimutan ang naging inutil na teleponong pambarangay at multi-milyong pisong inamag na mga libro at kagamitan sa Kagawaran ng Edukasyon. Kung matutuloy sa hinaharap, lalong mangangalingasaw din sa baho ang bilyun-bilyong pisong “cyber education” at nahadlangang kontratang ZTI-NBN. Kalakaran na nga yata sa halos lahat ng proyekto ng gobyerno, laging sagad hanggang langit ang presyo ng mga iyon dahil lamang sa inaasahang “kickback” o “padulas” o “suhol” para sa mga kinauukulan.

Dahil sa ganitong kultura ng panunuhol ng umiiral na rehimen, o ng alinmang nagdaang mga rehimen, lalo tuloy lumalabo nang lumalabo ang sagradong mga katotohanan – halimbawa na lamang ang mga kahiwagaan sa likod ng “Hello Garci,” mga pagpatay na pampulitika’t pagsalaula sa mga karapatang pantao at iba pang gusto ng mga diyus-diyosang ibaon na lamang sa limot o burahin sa kasaysayan ng bansa. Sa anumang punto suriin, lehitimong karapatan ng sambayanang maliwanagan ang lahat-lahat na kaugnay ng pambansang kapakanan sapagkat, unang-una, sa batis ng pawis nila’t dugo naglulublob sa nakahihiyang pribilehiyo’t karangyaan ang mga nagpapanggap na lingkod ng bayan samantalang sila – lalo na ang masang sambayanan – ay alipin pa rin, hanggang ngayon, ng karalitaan o miserableng pamumuhay dahil sa inhustisya ng pambansang lideratong wala na yatang kahihiyan sa bayan at mga mamamayan.

Read Full Post »

Isusuka ng Kasaysayan



(Kolum)

HINDI na bago – sa panahon pa man ng pananakop ng mga Kastila at ng mga Amerikano nang malaon – ang panlalait o pagyurak sa dignidad ng mga Pilipino. Tinawag nila tayong mga unggoy, inihalintulad sa iba pang hayop, ginawang tampulan ng masasakit na biro at, higit sa lahat, itinuring na mga alila lamang na maaaring sigaw-sigawan, mura-murahin, sipa-sipain o walang habas na pagmalupitan at pagsamantalahan.

Hindi na nga bago, o dapat na ikagulat pa, kung bakit kamakailan lamang, sa “The Daily Show” ni Jon Stewart sa telebisyon – sa layuning makapagpatawa sa tanong na kung handa na ang Amerikang magkaroon ng babaing Presidente – ipinakita ang mga larawan nina dating Punong Ministro Golda Meir ng Israel at Margaret Thatcher ng Bretanya. Ipinakita rin ang retrato ni dating Presidente Corazon C. Aquino ng Pilipinas ngunit, sa nakasalamin at nakangiting larawan, may nakasulat na “Slut!” (ibig sabihi’y maruming babae o puta).

Kamakailan din lamang, sa programang “Desperate Housewives” ng ABC sa telebisyon, labis na pinagdudahan at minaliit ng tauhang ginampanan ni Teri Hatcher ang kredibilidad o kalidad ng Pilipinong mga doktor na nagtapos sa mga unibersidad sa bansa nang sabihin nitong gusto niyang makita ang diploma ng kanyang doktor dahil baka galing lamang sa kung anong kolehiyo ng medisina sa Pilipinas.

Matatandaan din, sa diksiyonaryong Oxford, katulong sa bahay o alila ang kahulugan ng salitang “Filipina” at, gayundin naman, ang “Filipineza” sa talasalitaang Griyego na kailan lamang yata binago’t itinama ang tunay na ibig sabihin. Sa ilang paliparan naman sa London, napakabili noon ng “pretzel” at “cookies” na pinanganlang “Filipinos” dahil kayumanggi. Sa ilang “subway” sa New York, hindi miminsang ipinaskel ang “Beware of Filipino Pickpockets” at, kamakailan din lamang, napasama ang Piliipinas sa listahan ng mga bansang talamak ang katiwalian. Higit sa lahat, napatala pa sa librong “Guinness” ang yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos bilang “pinakamalaking magnanakaw sa buong mundo.”

Napakasama na nga ng impresyon sa mga Pilipino saanmang panig ng mundo magtungo. Sa Japan, inaakala agad na “nagbebenta ng aliw” ang nagpupunta doong mga Pilipina; mga alila naman ang unang tingin sa kanila sa Hongkong, Taiwan, Singapore at Gitnang Silangan at, kahit mga propesyonal, karaniwang migranteng trabahador ang palagay nila sa mga Pilipino na puwede nilang walang habas na pagsamantalahan at tratuhing parang hayop maging sa Europa at Aprika.

Dahil sa kalambutan ng gulugod at pagiging asal-alipin ng pambansang liderato mula pa sa panahon nina Quezon, Roxas at Osmena hanggang sa rehimen ngayon ni La Gloria, at napakalalim na ng ugat ng diwang kolonyal sa pambansang kamalayan, hindi na nga katakatakang lahing busabos ang tingin sa mga Pilipino ng ibang lahi at, sa maraming pagkakataong pinatunayan ng kasaysayan, hindi mahalaga sa kanila kung laiitin man nila ang mga Pilipino at, gayundin, ang pambansang dignidad.

Kaugnay ng naturang mga panlalait sa lahing Pilipino, mararangal na mamamayan lamang ng bansa ang may karapatang magprotesta. At, sa kabilang banda, habang nangangayupapa sa dayuhang mga interes ang pambansang liderato dahil lamang sa makasariling mga ambisyon – lalo na’t mga manyikang de susi lamang silang sunud-sunuran sa dikta’t kapritso ng diyus-diyosan nilang mga Amerikano gaya nang ipinakikita ng mga patakarang pang-ekonomiya’t pampulitika ng umiiral na rehimen – walang karapatang manggalaiti ang mga ito laban sa gayong pagyurak ng mga dayuhan sa dignidad ng bansa’t sambayanan. Sabi nga, kung sila mismo – bilang mga lider – ay walang dignidad at himod-pundilyo sa makapangyarihang mga dayuhan – paano naman nila ipagtatanggol ang dignidad ng kanilang mga kababayan?

Kung tutuusin, masamang halimbawa sa mata ng ibang lahi ang ipinakita – noon pa man hanggang ngayon – ng pambansang lideratong walang pagpapahalaga sa sariling dignidad. Bukod sa labis na pamamanginoon sa diyus-diyosang mga dayuhan, bentador pa nga sila mismo ng pambansang soberanya’t kapakanan at alipin pa ng katiwalian kaya, tiyak, isusuka sila ng kasaysayan. Angkop na angkop tuloy sa kanila ang sinabi noon ni Rizal: “Higit na matamis na mamatay nang may karangalan kaysa mabuhay sa kahihiyan.”

Read Full Post »

Alay sa Diyosa ng Apoy



(Editoryal)

SA PANAH0N ng mga Aztec ng Mexico noong mga taon ng 1500 na matindi nilang sinasamba ang mga diyus-diyosan tulad, halimbawa, ng araw, libu-libong tao ang isinasakripisyo sa ikalulugod diumano ng iba’t iba nilang diyos. Labis nilang pinaniniwalaan na kailangang “pakainin” araw-araw ng sariwang puso ng tao ang sinasamba nilang araw kaya binibiyak nila ang dibdib ng mga isinasakripisyo sa ibabaw ng isang batong altar upang ialay ang puso ng mga ito.

Para naman huwag magalit ang diyos nilang ulan, pinapatay ng mga pari ang nag-iiyakang mga bata upang makaakit diumano ng ulan ang kanilang mga luha. Bilang ritwal naman sa diyosa ng mais, isang babaing birhen pa ang nagsasayaw sa loob ng 24 na oras, pinapatay pagkatapos at binabalatan; isusuot ng isang pari ang balat ng babae at magsasayaw rin.

Tulad ng labis na paniniwala sa relihiyon – lalo na sa Kristiyanismo — na milyun-milyong tao na ang isinakripisyo’t sinilaban nang buhay, pinahirapan, ibinilanggo at pinatay sa panahon ng mga Krusada, waring gayundin naman sa ating bansa pagdating sa daigdig ng pulitika ng mga diyus-diyosan sa lipunan na sukdulan, hanggang ngayon, ang paghahangad sa poder at pangungunyapit sa kapangyarihan, pribilehiyo’t kayamanan.

Isinakripisyo ba, kung gayon, sa diyosa ng apoy nang biglang magbitiw sa tungkulin nito lamang nakaraang Lunes si dating Tagapangulong Benjamin Abalos, Sr. ng Comelec upang masugpo ang paglaganap ng sunog kaugnay ng naglalagablab nang kontrata sa ZTE Corp. ng China tungkol sa pagkakabit ng “broadband” sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa buong bansa?

Maaalaala, sinindihan ni Joey de Venecia III ng Amsterdam Holdings Inc. – anak ng espiker ng Kamara ng Kongreso – ang isyung ito kamakailan. Ipinaratang niyang si Abalos ang “lumalakad” upang maipatupad ang kontratang labis-labis diumano ang presyong $329-M dahil sa aataduhing “kickback” ng mga kinauukulan. Kaugnay nito, sinusuhulan pa siya diumano ni Abalos ng $10-M para iatras ang alok ng kanyang korporasyon at, nang magkita pa sila ni Unang Ginoo Mike Arroyo sa Wack Wack Golf & Country Club – kasama sa mesa sina Abalos at Sekretaryo Leandro Mendoza ng DOTC – dinuro pa siya’t sinigawan ng “Back off!” ng esposo ni La Gloria. Inamin din ni dating Sekretaryo Romulo Neri ng NEDA sa ginawang pagdinig ng Senado na inalok din siya ni Abalos ng P200-M para “paboran at ayusin” ang naturang kontrata sa ZTE. At, dahil sa mga bagay na ito, isinalang nga ni dating Rep. Rolex Suplico sa Kamara ang “impeachment” laban kay Abalos.

Sapagkat noon lamang nagdaang Huwebes, Setyembre 27, masayang ipinangalandakan ni Abalos sa mga peryodista na hindi niya ikinababahala ang mga paratang sa kanya, gayundin ang isinampang “impeachment,” at pabiro pa niyang sinabing ang tingin ngayon ng tao sa kanya’y napakamaimpluwensiya’t makapangyarihan at seksi, lubha tuloy katakataka – sa isang iglap lamang — ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin at nagbitiw siya sa tungkulin sa Comelec. Sino ang nagmungkahi, o nagpayo, o mataray na nag-utos, na gawin niya ang gayon at, tulad ng sakripisyo ng mga Aztec, biniyak ang kanyang dibdib, kinuha ang puso, at inihandog sa kung kaninong diyosa ng apoy, ng araw man o ng ulan?

Sa biglang pagbibitiw ni Abalos sa Comelec, natural, nawalang-saysay, at ibabasura na lamang, ang kasong “impeachment” laban sa kanya na, kung itinuloy, tiyak na kakaladkad sa pangalan at pagkatao ng kung sinu-sinong makapangyarihan sa pamahalaan — si La Gloria man, ang kanyang esposo, at piling mga basalyos – kaugnay ng maanomalya’t mabahong kontratang ZTE-NBN. Nangangahulugan din bang malilibing na rin sa limot ang maalingasngas na kontrata ng Comelec sa Mega Pacific at, gayundin, ang garapalang dayaan sa eleksiyon noong 2004 batay sa “Hello Garci,” bukod pa ang nangyaring mga hokus-pokus diumano ng mga Lintang Bedol nito namang katatapos na halalan ng 2007?

Sa ano’t anuman, kahit nagbitiw na si Abalos sa gobyerno, hindi pa rin nangangahulugang nasugpo na ang paglalagablab ng apoy na nilikha ng mga kahiwagaang nasa likod ng kontratang ZTE-NBN. Higit pa ngang dapat pag-ibayuhin ng Senado ang imbestigasyon nito alang-alang sa sagradong katotohanan at pambansang kapakanan. Nariyan pa naman sina Neri at Mendoza, at iba pa, o tulad ng mga Aztec noon, isasakripisyo rin sila’t iaalay sa diyosa ng apoy upang hindi lamunin ng sunog pati Malakanyang? Gayunpaman, sabi nga, hindi mananatiling bulag ang sambayanan sa paghahanap ng hustisya’t katotohanan.

Read Full Post »