Feeds:
Posts
Comments

Archive for January, 2013

Dumilat Ka, Indio!


(Tula)

sa mahabang panahong pagkakahimbing
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
humulagpos ka sa pagkakadena
sa bilangguan ng dalita’t dusa
tupukin ang bartolina
ng maringal na mga templong
may di maipaliwanag na mga ritwal
na ganap na lumason sa kaisipan mo
na lubos na umalipin sa kaluluwa mo.

dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
deka-dekada nang sinipsip-hinuthot
ng mga diyus-diyosan
likas na alindog ng dibdib mo
at walang humpay pang ginagahasa
ng uring hari-harian sinapupunan mo
dinarambong yaman ng baul mo
kung maaari’y limasin
pati balon ng tubig mo
sairin pati palabigasan mo.

at ngayon, oo ngayon…
mga bisig mong tinatakasan ng laman
umaararo sa malawak na kabukirang
kanilang kinamkam
mga daliri mo’y turnilyong bumabaon
sa granaheng lumiligis sa iyong katawan
sa mga pabrika ng inhustisya’t kasakiman
mapalad ka nga ba
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
dahil maralita ka’t nagdurusa?

sa mahabang panahong paglulunoy sa ilusyon
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
iwaksi ang mapanlinlang na mga salmo’t himno
walang saysay ang mga lirika
walang indayog ang iwing musika
kung nananambitan ang asawa mo
kung humahagulhol ang anak mo
dahil inuulos ng gutom
mga bitukang bumalumbon.

magising ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
awitin mo
bagong mga titik ng pakikibaka
gawing melodiya
singasing ng pulbura
dagundong ng mga bomba
ganap na pulbusin
bawat kuta ng inhustisya
gibain-lansagin bawat palasyo
ng pagsasamantala
wasakin-durugin
nilumot na moog ng pambubusabos
nang sa wakas mapalaya
ang uring alipi’t dayukdok
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza!

Advertisements

Read Full Post »