Feeds:
Posts
Comments

Archive for March, 2010

Hijos y Hijas de Putas


(Tula)

hijos y hijas de putas, caramba!
di pa tapos ang panahon
ng mga padre salvi, damaso at camorra
sa harap ng europeong mga santo at santa
humahagulhol ang mga pia alba, juli at maria clara
pahintulutang uminom ng pildoras ang mga hijas
tulad ng mga madre noong dekada sisenta
sa giyera-patani sa dating belgian congo
upang gahasain man ng mga sundalo
di lumobo ang tiyan magkumot man ng abito
pero por dios por santo, que barbaridad, caramba!
di ka madre at hinulma lamang sa obaryo
ni petrang kabayo, anak ng indio…
ano ang birtud mo para hadlangang buntisin ka
ng banal na espiritu?
hijas de putas!
magagalit ang kabanal-banalang santo papa
isusumpa ka ni monsignor sgreccia
parang kababaihang kosovar noong dekada nubenta
sa kasagsagan ng digmaan laban sa serbia
hijos y hijas de putas, caramba!
huwag pigilan ang pagliliwaliw ng semilya
bayaang maglambada sa bahay-bata ng ina
hanggang umuha’t wisikan ng agua bendita
hijos de putas, huwag kang magkokondom
hijas de putas, huwag kang mag-IUD at pildoras
ipahid na lamang sa sutana
likidong pumiglas at tumagas sa puerta
at maglitanya ng sanlaksang rosaryo
baka maging tiyanak pa sa kampanaryo
at magtawag iyon ng milyong deboto.

hijos y hijas de putas, caramba!
ayokong marinig ngayon sa inyo
kundiman ng tagulaylay ng pagsuyo
at lirika ng luha ng dalamhati’t pagkabigo
di ko kayang kulungin sa mga palad
alon ng karalitaan sa bukid at kanayunan
o ipuipo ng dusa sa bayan at kalunsuran
huwag isampal sa akin ang maputlang buwan
o bulagin ako ng bilyong bituin
hijos y hijas de putas, caramba!
kumutan na lamang ng amihan
buo kong katawan
habang naglalamay sa karimlan.

hijos y hijas de putas, caramba!
ayokong marinig koro ng ave maria
sa pulpito at sakristiya
iparinig na lamang sa akin kadensa
ng martsa ng laksa-laksang paa
sa sementadong lansangan ng mendiola
iparinig sa akin singasing ng pulbura
sagitsit ng punglo at himno ng bomba
kaluluwa ko’y matagal nang nakabartolina
nagdurugo sa latigo ng inhustisya
alipin pa rin tayo, hijos y hijas de putas
ng mga padre salvi, damaso at camorra
unggoy pa rin tayo, hijos y hijas de puta
ng mga taft at harrison at obama
busabos pa rin tayo, hijos y hijas de putas
ng mga diyus-diyosan sa hacienda
ng mga panginoon sa pabrika at empresa
nakabilanggo pa rin tayo, hijos y hijas de putas
sa bawat kuta ng uring mapagsamantala!

hijos y hijas de putas
sa pamumulaklak ng mga talahib
sa kaparangan at nagsalikop na sabana
halina, halika… hijos y hijas de putas… caramba!
kasama ng malayang mga langay-langayan
kawit-bisig, magkayakap-diwa nating tatahakin
sa mahamog mang umaga
o pusikit na karimlan
sa alimpuyo ng dugo at lagablab ng apoy
sa saliw ng musika ng kulog at kidlat
lansangan ng ating katubusan at ligaya!

Advertisements

Read Full Post »

Nasaan Si Svetlana Taraskova?


(Tula)

Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
wala na ang halimuyak
ng mainit na tsaang vanilla
wala na ang mesitang
naisusulat ko’y mga linya
ng pangungulila at pakikibaka
wala na ang siniserang himlayan
ng naupos kong mga sigarilyo
wala na malaking kuwadro
ng ipinintang eksena
ng Rebolusyong Bolshevik sa Rusya
wala na ang kalantog ng kopita ng vodka
nasaan na kaya si Svetlana Taraskova?
nasaan na kaya ang malalim
niyang mga mata
na nilalanguyan ng matulaing mga alaala
ng parang bulak na dagat ng niyebe
sa mga lansangan ng Moscow
doon pinagulong na parang piso
pinutol na ulo ng kanyang Lolo
ng berdugong sundalo ng mga Romanov
sa paglalagablab ng apoy ng paglaya
sa maunos at kumikidlat na panahon
ng mga Tsar Nicholas at Tsarina Alexandra?

Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
pero naroroon pa rin
tindahan ng mga traje de boda
isa kaya sa mga iyon
isinuot na ni Svetlana Taraskova?
o nagbalik siya sa Rusya
dahil ayaw palamon sa bituka ng Amerika?
di gaya ng maraming Juan at Juana
na kulturang Amerikano na
at waring di na maalaala
kabundukan ng Cordillera
kabukiran ng Bulakan at Nueva Ecija
karagatan ng Batanes at Sulu
at lalong banyaga sa alaala
mga Andres Bonifacio
mga Lorena Barros o Tanya Domingo
o iba pang buhay ay inialay
para sariling bansa’y magbanyuhay
at maghari demokrasyang tunay
at lantay na hustisya sosyal.

Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
nasaan na si Svetlana Taraskova?
Sa maraming umagang sinasamyo ko
halimuyak ng tsaang vanilla
ilang ulit kong narinig sa kanya
maalab na pagmamahal
at pangungulila sa bansang himlayan
ng sanlaksang alaala
pinalangoy niya rin sa aking tsaa
sa loob ng maraming mahalumigmig na umaga
sina Vladimir Ilyich Ulyanov o Lenin
at ibang nakaukit na bayani
ng Rebolusyong Bolshevik ng Rusya
isinaysay mga buhay at obra
ng dakilang mga manunulat
ng lupang sinilangan
mga Tolstoi at Gorky at Dostoevsky
mga Chekov at Pasternak at Turgenev
di gaya ng mga Juan at Juana doon
na walang kilala kundi sina Cristeta
at mga sikat na artista sa pelikula
gayundin mga nabuntis na
o tinorotot ng asawa.

Nasaan na si Svetlana Taraskova?
kapiling kaya siya ng mga Pancho Villa at Emiliano Zapata
o katalik nina Simon Bolivar at Che Guevara?
o kasamang naglalakbay nina Goyo del Pilar at Jacinto
o nakikipagpiging kina Ho Chi Minh at Mao?
Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
pero naroroon pa rin
tindahan ng mga traje de boda
dumadaluhong sa gunita si La Gloria
at malinaw kong nakita sa balintataw
naghihimagsik mukha ni Svetlana Taraskova
nasaan na nga ba siya?

Read Full Post »