Feeds:
Posts
Comments

(Poem)

on the screen of my mind
dancing are the shadows
of former comrades
who had all departed long ago
but had left indelible imprints
of rebellious memories
on hills and cliffs
of unyielding struggle
against the exploitative
gluttonous ruling class
lyncean eyes
clenched fists of protest
heaving breasts
of anger and rebellion
feet violently kicking
the shrubby path
of liberating dreams
accusing forefingers
against the conscienceless demigods
of a rotten worm-infested society.

dancing are the shadows
even on the curtain of my eyes
not the pandanggo or rigodon
of the rich and powerful
not the dance of joy
of plunderers of public funds
but performing they are
war dances of valiant struggle
like the buza of russia
or it-tahtib of egypt
or combat hopak of ukraine
or yarkhushta of armenia.
dancing are the shadows
and i will not soundly sleep
till i see thousands
and thousands of flaming torches
in the darkness of my beloved land!


(Tula)

umiindak ang mga anino
sa telon ng kamalayan
mga kasamang namaalam
ngunit nag-iwan
ng iniukit na mga bakas ng alaala
sa mga burol at talampas ng pagsinta
nanlilisik na mga mata
mga kamao ng protesta
mga umaalong dibdib ng natipong ngitngit
at nag-aalab na paghihimagsik
mga paang marahas na sumisikad
sa palanas at madawag na gubat
mga hintuturong nanunumbat
sa manhid na budhi’t kaisipan
ng iilang hari-harian
sa bulok, inuuod na lipunan.

nagsasayaw ang mga anino
maging sa kumot ng balintataw
di pandanggo’t rigodon
ng mga makapangyarihan
o sayaw ng pagdiriwang
ng uring gahaman sa yaman ng bayan.
manapa’y umiindak sila
sa ritmo ng pakikibaka
tulad ng buza ng rusya
o it-tahtib ng ehipto
o combat hopak ng ukraine
o yarkhushta ng armenia.
nagsasayaw ang mga anino
at di ako mahihimbing
hanggang di nasisilayan
lagablab ng libong sulo
sa karimlan ng aking bayan!
————————————————————
(buza, it-tahtib, combat hopak at yarkhustha —
mga sayaw ng pakikidigma)
————————————————————-


(Tula)

mambeberso tayo
ng inuuod na lipunang
walang urbanidad ni dignidad
dahil sa iilang diyus-diyosang tanging hangad
sikmura’t bulsa nila ang tanging mabundat.
mambeberso tayo
ng marawal na reyalidad
dahil sa mga panginoong walang pakundangan
sa sagradong kapakana’t karapatan
ng masang sambayanang lugami sa karalitaan
gayong nagdiriwang sa mesa ng kapangyarihan
silang mandarambong sa pondo ng bayan.
oo, mambeberso tayo
ng hinaing at mumunting mga pangarap
ng milyun-milyong mga sawimpalad
na laging alipin ng dusa’t bagabag
habang hustisya’y bulag at grasya’y mailap.

oo, mambeberso tayo
di ng masabaw at malibog na pag-iibigan
sa mga teleserye ng paglalambingan.
mambeberso tayo
di ng himutok ng mga pusong dinurog
ng nakababaliw na pagmamahal
at nabubuhay sa ilusyong hatid
ng bilog at buwang malamlam.
mambeberso tayo
di ng bumabalong na luha ng kapighatian
sa mga eksena ng paghihiwalay
sa mga kuwento’t telenobela
ng nanggigitatang pagmamahalan.
mambeberso tayo
di ng pantasya’t kahangalang
naghambalang mga drakula’t aswang
o mga darna’t spider man
sa lipunang walang pakundangan sa ating katinuan.

manapa, oo, mambeberso tayo
ng dagundong ng kulog
at sagitsit ng kidlat
ng oda ng granada
at sonata ng bomba
ng tungayaw ng punglo
at epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa
lalo’t naghahari’y
talamak na inhustisya
ng uring mapagsamantala.
oo, mambeberso tayo
ng protesta ng hukot na gulugod
at brasong halos buto’t balat
ng ngitngit sa impis na dibdib
ng himagsik sa humpak na pisngi
ng rebelyon ng matinding galit
sa mga matang binabalungan
ng luha ng dalamhati ng lahi
at malinaw na nakakilala
sa dilaw na mga petalya ng pagdurusa
ng sambayanang masa!


(Tula)

natitigan ko
mga mukha ng pagdurusa
nakaukit sa mga bangketa
ng sanga-sangang mga kalsada
nakapaskel sa dibdib ng mga eskinita
naghilera sa balikat ng canal de la reina
sa kalunsuran ng mga pangamba.
nakapinta rin ang mga iyon
sa naninilaw na damuhan
nakatulala sa mga pilapil at pinitak
ng kabukirang di sibulan ng pag-asa.

natitigan ko
mga mukha ng pagdurusa
sa mahaba ko nang paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
sa mga burol at sabana
hanggang sa aspaltadong mga kalsada
mga mukha iyong malamlam ang mga mata
kumikibot mamad na mga labing
umaamot ng kapirasong ligaya
sa kulimlim na papawirin
ng dalita’t dusa.

oo, natitigan ko
lahat na yata ng mukha ng pagdurusa
umuukilkil, nanunumbat
sa puso ko’t kaluluwa
gumugutay sa himaymay ng aking laman
humahagupit sa pinto ng isipa’t katinuan
anong iyong ginawa nang parang ulilang sigang
unti-unting naghihingalo apoy ng pag-asa
sa mga mukhang kamukha ng iyong mukha?
mahimbing ka na lamang bang matutulog
sa daluyong ng pagsasamantala’t inhustisya?

oo, natitigan ko’t laging umaali-aligid
mga mukha ng pagdurusa
anong iyong ginawa nang makita mong
sila’y humihikbi’t lumuluha
sa hangin at sinag ng araw ay nagmamakaawa?
anong iyong ginawa
nang maulinigan mo hinaing
ng mga labing natatakam
at nangungulila sa kapirasong pag-asa?
matutulog ka na lamang ba’t magpapantasya
o hihimuking lahat nang kamukhang
ihasa’t iwasiwas tabak ng laya’t ligaya?


(Tula)

pagsayad na pagsayad
ng mga paa sa lupa
sa lupain ng mga indio
sa enero 15, 2015
ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
huwag kang bastos, impakto
kung maaari’y lumuhod ka
sa maruming lupa
mag-antanda at magpatirapa
siilin ng halik
maalikabok o maputik na kalsada
maaaring taglay ng kanyang talampakan
isang libo’t isang laksang orasyon
at milagrong magpapalaya sa iyo
sa karalitaan, inhustisya’t kaalipinan
kapag iniwasiwas niya kanyang mga kamay
(papa francis ba o kiko?)
singhutin mo ang hangin
buong giliw na samyuin
amoy monosidyo man ng mga tambutso
o anghit ng daragsang milyong deboto
huwag kang ngumiwi, impakto
tanda iyan ng kawalang-galang
basta maghosana sa kaitaasan
purihin ang kanyang kamahalan
(papa francis ba o kiko?)

maging akong ereheng naturingan
dahil di naniniwala sa mga ritwal
ng mga sakristan at pari sa simbahan
sa paulit-ulit na pagrorosaryo
minemorya’t pare-parehong mga dasal
ngayo’y ganap na nagpupugay, humahanga
sa mga salitang kanyang binitiwan
sumanib yata puso’t isipan
ni karl marx sa kanyang kamahalan
(papa francis ba o kiko?)
kaya simbahan, sabi niya. dapat kalingain
mga sawimpalad at maralita
at sumpain daw nawa’t kabakahin
iilang dorobong diyus-diyosang
namamayagpag sa bulok na lipunan
silang mapagkunwaring mga santo’t santa
sa mga pabrika’t empresa
at asyenda ng pagsasamantala
silang mga mandarambong sa burukrasya
silang mga hari-hariang walang kabusugan
sa pawis at dugo ng masang sambayanan
silang patuloy na taliba ng inhustisya
at naglulublob sa pambansang yaman
at saganang grasyang
mula diumano sa poong maykapal
isinabog niya sa lupa’t umaapaw
sa di matingkalang habag at pagmamahal
para dapat sa lahat niyang nilalang.

huwag kang bastos, impakto
erehe ka man o demonyo
baka tainga mo’y pungusin
ng matapang na si san pedro
anghel de la guardia
ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
sit laus plena
sit sonora
sit jucunda
sit decora
basta mag-antanda at magdasal
baka umulan ng kanin at litson sa kalsada
mapuno ng puto seko’t puto bungbong
mga barungbarong sa canal de la reina
bumaha ng bigas at de lata
sa mga dampa sa mga nayon ng pangamba
at di dalawin ng bagyo’t kalamidad
nananangis na mga lugar
ng lungkot at kawalang-pag-asa.

malay mo, impakto
baka may milagro nga
kahit maging si padre burgos ay di naniwala
basta mag-antanda at magdasal
huwag kang bastos, malay mo, impakto
baka paglisan ni jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
sa binaog na lupain ng mga indio
libre nang pabinyag, pakasal, pamisa
sa lahat ng simbahan nila
at libre na rin mga maralita
para makatikim kahit aspirina
sa mamahaling ospital nila
at makapag-aral na rin sa wakas
anak ni juanang basa’t pedrong tigas
sa pangmayamang paaralan nila
hanggang makatapos sa kolehiyo
upang si demonyitong juan at pobresitang petra
di lumaking gago’t tanga
at may kahanga-hangang talino na’t
maaaring makihalubilo’t makipagtsismisan
sa nagbabanal-banalang alta sosyedad
at makipagdaupang-palad, makipagngitian
sa mga santo-santita’t patron
ng hitik sa ipokrisyang urbanidad at moralidad.

ngunit, ngayon pa lamang…
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa
akong erehe mong anak
buong pagpapakumbabang humihingi ng tawad
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
patawarin anak mong nagkasala
baka kapag nagmisa
si papa francis sa luneta
ni hindi ko masulyapan man lamang
kumikinang niyang tiara
tiyak na guguwardiyahan siya
ng mga impaktito’t impaktita
ng umaalingasaw na burukrasya
gayunpaman, papa francis o kiko
servus servorum dei
hosana in excelsis
benedictus qui venit
in nomine domini
purihin ka ng inaliping mga indio
sa mahigit na tatlong dantaon
at alipin pa rin nga hanggang ngayon.

o, diyos ni abraham…
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
(papa francis ba o kiko?)
patawarin anak mong nagkasala
pagtitiisan ko na lamang titigan
sa bote ng hinebra ng la tondena
sa restawran ni chekwa sa ermita
iyong anghel de la guardia
michaelem archangelum
nakaamba kumikislap na espada
sa plato ng pulutang kambing
may bendita ng ketsap papa
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
patawarin anak mong nagkasala
dalangin ko na lamang sa tuwi-tuwina
sumanib nawang ganap sa katauhan mo
kamahal-mahalang jorge mario bergoglio
(papa francis ba o kiko?)
marangal at mapagmahal na puso’t diwa
ng idolo naming milyong maralita
sa lupain ng dalita’t dusa
si karl marx na lalaging dakila
sa mata naming busabos at timawa
sa pagsasamantala’t inhustisya
ng iilang diumano’y pinagpala
sa lipunang lubhang balintuna!


The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2014 annual report for this blog.

Here's an excerpt:

The Louvre Museum has 8.5 million visitors per year. This blog was viewed about 80,000 times in 2014. If it were an exhibit at the Louvre Museum, it would take about 3 days for that many people to see it.

Click here to see the complete report.


(Tula)

sa makulimlim na enero’y lilisanin ko na
mahalumigmig at nakukumutan ng niyebeng
nanginginig na kalupaan ng manitoba
waring dambuhalang puting papel iyong
itinakip sa malawak na damuhang
hindi na yata humihinga
matatakasan ko na rin
nangangagat na lamig
sa buto ng mga kasukasuan
at litid ng kalamnan
matatakasan ko na rin
hanging sinlamig ng bangkay
at sumasampal sa mukhang
wala na yatang pakiramdam
umuulos, tumatarak iyon
maging sa puso’t isipan
ngunit ano nga ba ang naghihintay
at aking daratnan
sa la tierra pobrezang aking sinilangan
at kadluan ng di masukat na pagmamahal?

tiyak, naroroon pa rin
malamig pa sa niyebeng karalitaan
sa libingan ng mga buhay na kalansay
mga nilikhang namamaluktot sa ginaw
sa ilalim ng mga tulay
mga tulay na nag-uugnay
sa pangarap at kabiguan
sa mga bangketa, parke’t damuhan
himlayan ng mga kaluluwang nananagimpan
tiyak, naroroon pa rin
nakabalabal na lamig ng kapighatian
sa mga dampa sa liblib na kanayunan
sa mga asyenda’t bukirin ng kasakiman
tiyak, naroroon pa rin
nagyeyelong luha’t pighati
sa mga pabrikang gilingan ng laman
at sa nakaluhod na mga barungbarong
sa balikat ng esterong nagbalatay
sa katawan ng gubat ng kalungsuran.

oo, tiyak, naroroon pa rin
naghihintay at aking daratnan
sa pusod at dibdib
ng la tierra pobrezang pinakamamahal
lamig ng di madakmang pag-asa
sa puklo man ng mga eskinita
o suso ng tambakan ng basura
o sa mga pook ng pagdurusang
hinahagupit ng mahanging niyebe
ng pagsasamantala’t inhustisya
mula sa buktot na burukasya
at moog ng uring mapagsamantala
ngunit pasasaan nga ba
sa pamamagitan ng maalab na pakikibaka
ng may budhing panlipunang mga anak ng bayan
matutunaw rin ang mga niyebe
ng karalitaan,kalungkutan at pagdurusa
lalo’t namumuo nang lubusan ang daluyong
o tsunami ng ngitngit ng sambayanan
at lulunurin ng niyebeng matutunaw
lahat-lahat sa palasyo ng kasakiman!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 3,255 other followers