(Editoryal)
MATAPOS ipalabas ng Korte Suprema ang TRO (temporary restraining order} na pansamantalang ipinatitigil ang maalingasaw na kontrata ng gobyerno sa ZTE Corp. ng China kaugnay ng $329-M proyektong NBN (National Broadband Network), wala nang saysay – kung tutuusin – ang paghuhugas-kamay ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo nang atasan niya si Sekretaryo Peter Favila ng Kalakalan na ipangalandakan sa mga peryodista noong nagdaang Sabado na pansamantala rin niyang ipinahihinto ang pagpapatupad sa naturang kontrata at, gayundin, ang nagsisimula nang bumahong $406-M “cyber education” ng Kagawaran ng Edukasyon na, lumilitaw, sobra-sobra din ang presyo gaya ng NBN.
Natural, ginawa ni La Gloria ang gayong hakbang sa hangaring huwag nang busisiin pa ng Senado ang lahat-lahat, lalo na nga ang mga kahiwagaang nasa likod ng kontrata sa ZTE at, gayundin, masugpong mag-alab, sa isang banda, ang naturang isyu – gaya ng “Hello Garci” – na tiyak na ngangatngat sa kanyang rehimen at sa diumano’y Matatag na Republika. Sapagkat, batay sa apidabit ni Jose “Joey” de Venecia III ng Amsterdam Holdings Inc. na kalaban ng ZTE sa kontrata, nasasangkot sa anomalya ang pangunahing mga basalyos ni La Gloria at, higit sa lahat, ang kanyang esposo – si Unang Ginoo Jose Miguel “Mike” Arroyo na, maaalaala, nasangkot na rin noon sa “jueteng payola” at pinaghinalaang may-ari pa ng sangkatutak na perang nakadeposito sa pangalan ng isang Jose Pidal.
Kahit pansamantalang ipinatitigil ng mga kinauukulan ang naturang kontrata dahil sa umalingasaw na baho, hindi na nga ba ito itutuloy? Sapagkat buwis ng sambayanan ang ipambabayad kung matutuloy ang kontrata sa ZTE dahil uutangin pa sa China ang kaukulang pondo para mabayaran naman ang ZTE, lubhang nararapat na halukayin ng Senado ang lahat-lahat para mapalitaw ang sagradong katotohanan at maiwasan o masugpo sa hinaharap ang nakaugaliang katiwalian ng mga mandarambong sa pondo ng bayan sa iba’t ibang transaksiyon ng pamahalaan.
Bagaman inaasahang lalabuin ng mga basalyos ng rehimen ang isyu at paulit-ulit na itatanggi ang mga paratang ni Joey de Venecia III, anak ng espiker ng Kamara, lubhang kinakailangang linawin sa sambayanan ang maraming katanungan kung gusto rin lamang ng Malakanyang na maibalik, kahit bahagya, ang naglahong kredibilidad ni La Gloria at ng kanyang maalingasngas at saklot ng katiwaliang rehimen. O ugali na ng rehimeng ito at ng mga naghahari-harian sa lipunan na bulagin ang publiko lalo na nga’t pansarili’t gahaman nilang mga interes ang nasasangkot? Totoo bang $130-M ang orihinal na presyo ng kontrata sa ZTE pero ginawang $329-M para sa mga komisyon at “kickback” ng mga mandarambong?
Totoo bang si Tagapangulong Benjamin Abalos ng Comelec ang nag-aayos ng lahat at tinangka pa nitong suhulan ng $10-M si Joey de V. para iatras ang alok ng Amsterdam Holdings Inc. na, kung pagkakalooban ng kontrata para sa NBN, wala ni isang perang gagastusin ang gobyerno, di gaya sa ZTE na uutangin pa ang pambayad sa $329-M? Totoo bang inalok din ng P200-M ni Abalos si dating Sekretaryo Romulo Neri ng NEDA (National Economic and Development Authority) para “tumulong” na maisakatuparan ang naturang kontrata?
Totoo bang “hindi sinasadya” ang pagkikita, at hindi masinsinang pinag-usapan ang proyektong NBN, nina Abalos, Sekretaryo Leandro Mendoza ng Transportasyon at Komunikasyon, at Joey de V. sa opisina ni Abalos, gayundin sa Wack Wack Golf & Country Club kung saan pagalit na dinuro at sinigawan diumano ni Mike Arroyo ng “Back off!” si Joey para kalimutan na ang alok ng Amsterdam Holdings Inc. sa gobyerno? Higit sa lahat, totoo bang may paunang “lagay” o komisyon o “kickback” na tinanggap na ang mga kinauukulan mula sa ZTE kaya puspusan ang pagkilos at pagsisinungaling ng mga ito para maipatupad ang kontrata?
Sa pagdinig na isinagawa ng Senado, malinaw na hindi nasagot, lalo na ni Sekretaryo Mendoza, gayundin ni Lorenzo Formosa III, katulong na kalihim ng DOTC para sa telekomunikasyon, ang nabanggit na mga katanungan. Halatang wala silang ginawa kundi pagtakpan ang Unang Ginoo at si Abalos sa anumang pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang kontrata sa ZTE. Sabagay, kaugalian na ito ng bawat namumunini sa poder sa ilalim ng anumang rehimen – ang palabuin ang lahat upang hindi mabulgar nang husto ang mga katiwalian at, higit sa lahat, makapanatili pa rin silang naglulublob sa impluwensiya, pribilehiyo at kapangyarihan. Higit tuloy pinaniwalaan ng sambayanan, maging ng mga senador, ang mga pahayag ni Joey de Venecia na. tulad ng “Hello Garci,” ay malaking aninong hindi matatakasan ni La Gloria.
Kung tutuusin tuloy, walang habas na paglulustay sa salapi ng bayan at pagkagahaman sa “kickback” ang mga kontratang tulad ng ZTE, “cyber education,” “call centers” sa mga unibersidad ng Estado, at iba pang mga kontratang kauri ng mga nabanggit na, sa kasalukuyan, hindi pa naman lubhang kailangan ng dayukdok na sambayanan. Higit pa rin nilang kailangan magpahanggang ngayon – at nilumot na ng panahon – ang pangunahing mga pangangailangang dapat matugunan ng matinong pamahalaan – lupa’t pabahay, damit at pagkain, gamot at serbisyo sa kalusugan, trabaho at edukasyon, katarungan at hustisya sosyal.
Bakit, kung gayon, pansamantalang ipinatitigil lamang at hindi pa tuluyang kanselahin o ibasura ni La Gloria ang umaalingasaw sa bahong kontrata sa ZTE? May milyun-milyon bang mga dahilang mahirap ipaliwanag kaya malinaw ang kalabuan o malabo ang kalinawan? Malaking utang tuloy, at obligasyon ni La Gloria, sa sambayanan na linawin ang mga katotohanan sa likod ng anomalyang ito.