(Tula)
oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag ninyong ilulan sa hangin
o isakay sa pakpak ng langay-langayan
at itatak at paglunuyin sa aking isipan
mga bersong hitik sa kilig ng pag-ibig
ng mga pusong alipin ng buwan at bituin
at baliw sa lagkit ng paglalambingan.
oo, huwag isampal sa akin
mga taludtod ng nanggigitatang kalantarian
kung binubulaga ako sa aking paligid
ng nanunumbat na mga larawang
matagal nang nagnanaknak sa alaala
mga sikmurang napilipit ang bituka
mga batang nakalupasay sa bangketa
mga nahukot at namayat na katawan
sa bukirin at tubuhang walang hanggan
mga brasong kinain ang laman
sa imbing pabrika ng mga gahaman
mga dampang pawid nakaluhod sa kanayunan
mga barungbarong nagdarasal sa kalunsuran
mga kaluluwang nakabartolina
sa bilangguan ng dalita’t dusa
habang maringal na nagdiriwang
sa mesa ng grasya’t kapangyarihan
silang iilang hari-harian
sa nabubulok inuuod na lipunan.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
saan makikita lantay na pag-ibig
sa gayong kahimahimagsik na mga larawan?
saan madarama lantay na pagmamahal
sa sumusurot na reyalidad sa balintataw
bumibiyak sa bungo sa puso’y gumugutay?
di kikiligin maging puson
gaano man katimyas ng pagsuyo
gaano man kahubad ng kariktan
ng dalawang pusong nagmamahalan
huwag isampal sa akin
mga landiang nagpapatili sa karamihan
at waring walang ipinupunla sa isipan
kundi daigdig ng ilusyon
ng pampakilig na romansa’t kahangalan
gayong naghuhumindig sa lipunan
malinaw pa sa kristal na mga katotohanan.
sa kilig ba lamang umiikot ang buhay
ng dayukdok na masang sambayanan
kaya ginagatasan ng ganid na kapitalistang
laging hangad gabundok na pera’t yaman?
kahabag-habag na mga sawimpalad
sa pusali ng karalitaan…
silang kinikilig bayag at lalamunan
silang nanginginig utong at tilin
sa munting kibot na mga eksena ng paglalambingan?
sabi nga tuloy ng makatang si amiri baraka
linisin muna nang husto ang mundo
upang lubos na umiral kabutihan at pagmamahal
at huwag munang ibandila mga tula ng pag-ibig
hanggang nakabalandra inhustisya’t panlalamang.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag isampal sa akin
himutok ng mga pusong nabigo sa pagmamahal
o nalulunod sa lungkot ng paghihiwalay
punuin ng pulbura inyong mga taludtod
gawing mga bombang gigiba’t dudurog
sa pader ng inhustisya’t kasakiman
inyong mga berso’y sukbitan ng baril
taglayin sa bakal na tubo himagsik ng punglo
itutok iputok sa mukha ng mga diyus-diyosang
walang mahalaga kundi kinang ng pilak at ginto
walang sinasanto kundi lukbutang puno
at magarbong buhay at bundat na tiyan
walang malasakit sa mga sinaktan
hindi naririnig ni nararamdaman
tagulaylay ng pusong ninakawan
ng dangal at yaman
at bulaklak ng kinabukasan.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
huwag isampal sa akin
nakaduduwal na mga berso ng pag-ibig
huwag akong himasin ng libog at kilig
habang lipuna’y naaagnas inuuod
nais kong marinig tulang sa hangi’y rumaragasa
at waring mga palaso’t punglong itinutudla
sa mga impakto’t palalo
habang pinagmamasdan
pagbagsak sa lupa ng mga tinudla
iyon ang araw ng totoong mga makata
iyon ang araw na dakila!
Leave a Reply